Chapter 61: The Battle of Banaag II

6 4 0
                                    

PATULOY naman ang paglalakad ni Ezekiel sa gitna ng sagupaan sa pagitan ng dalawang kampo. Dahil sa tensyon na pumapaligid sa buong lugar, lalo ring tumitindi ang karubduban ng kaniyang damdamin. Mas pinalakas ng atmospera ang kaniyang galit sa kabilang hukbo at mas lumubha ang kagustuhan niyang ibalik sa kabilang buhay si Alessandro.

Hindi rin maalis sa isip nito ang paghaharap nila kanina lamang ni Levi. Pinangako niya sa sarili na kapag natapos na siya kay Alessandro, ito naman ang isusunod niya at sisiguruhin niyang pagbabayaran ng pinuno ang lahat ng gulong sinimulan niya.

Habang papalapit na si Ezekiel sa kapilya kung saan niya namataang pumasok ang itim na salamangkero, naramdaman niya na lang ang mabilis na paglapit sa kaniya ng isang tao. Sa dami ng nagbabakbakan, hindi nakatakas sa binata ang presensya nito.

Agad niyang binaling ang katawan kung saan ito nanggaling at mabilis na pinagana ang paghigop ng enerhiya sa kalaban. Pagkalingon niya, napaluhod na agad ang isang babaeng nakamanto. Pamilyar ang itsura at batid niyang kasama ito sa tore noong binihag siya ng grupo sa Crescencia. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang babaeng may kakayahang magmanipula ng isip ng ibang tao gamit ang mga salita.

Mabilis itong nanghina sa pagtakas ng lakas sa kaniyang katawan na para bang ano mang oras, tatakasan na siya ng diwa kapag hindi pa ito tinigil ni Ezekiel.

"Yara!"

Napalingon ang dalawa sa boses ng tawag at tumambad sa kanila ang bigotilyong lalaki na siyang kaanib din ng Vindex. Hindi ito nagdalawang isip na sumaklolo sa nahihirapang kasama. Agad nitong inakma ang kamay at nagpakawala na lamang ng shockwave tungo sa kinaroroonan ni Ezekiel. Marahas na sumaboy ang mga buhanging dinaanan ng enchantment nito at naging matulin din ang pag-abot sa binata.

Ngunit agad na inilahad ni Ezekiel ang isa niya pang braso upang sipsipin ang enerhiyang dala ng shockwave. Bahagya pa siyang napaatras dahil sa puwersa nito, pero nagtagumpay siya sa paghigop nito paloob sa katawan niya. Mabilis nitong binago ang daloy ng kaniyang lakas at agad na binitiwan ang enerhiyang nalikom sa lalaking nagngangalang Colt.

Muling nagbadya ang ginoo upang maglabas ulit ng shockwave, ngunit huli na ang lahat bago niya pa ito mapakawalan. Mas mabilis ang pagsalakay ng atake ni Ezekiel. Animo'y bolang apoy na patuloy lang sa paghigop ng mga puwersa sa paligid habang rumaragasa sa linya ng kalsada.

Nanlaki na lamang ang mata ni Colt sa paparating na delubyo sa kaniya at sa sandaling iyon, bumagal na lamang ang sarili niyang oras. Kasabay rin noon ang pagtigil ng tibok ng kaniyang puso. Kusa na lamang nabaling ang kaniyang paningin kay Yara, at wala na itong nagawa kung hindi bigyan ang kasama ng nanghihinang ngiti na para bang sumuko na lang ito sa kinatatayuan.

Namilog na lamang ang mga mata ni Yara at kahit nakasubsob at nanghihina ito sa pagtakas ng enerhiya sa kaniyang katawan, hindi niya napigilang manlamig sa nasaksihan. Kitang kita niya kung paano tumagos ang atake ni Ezekiel kay Colt, at kasunod noon ang pagkalat ng liwanag sa bawat parte ng katawan nito na para bang sinusunog ang kaniyang kalooban. Hanggang sa tuluyan nang naging abo ang lalaki at walang natirang bakas sa kaniyang kilanlan. Naglaho ito nang walang kalaban-laban sa kapangyarihan ng kinakalaban nilang maharlika ngayon.

Sa sandaling ganap lang na iyon, tuluyan nang namuo ang kaniyang takot sa kaharap na binata. Ang lalaking binihag at sinubukan nilang ipahamak noon, walang kahirap-hirap na pinaslang ang kaniyang kasamahan. Kung sa kaniya tinuon ang puwersa na iyon, baka siya ang naglaho at hindi si Colt.

Bago pa man bumalik kay Yara ang atensyon ni Ezekiel, naramdaman niya na lang ang nakakalulang pagbagsak niya sa kawalan. Sa isang pitik lamang, wala na siya sa kinaroroonan kanina at napunta sa parte kung saan walang katao-tao. Iniligtas siya ni Serge gamit ang kaniyang portal upang malayo sa pinangyarihan.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now