Chapter 36: Back to the Palace

8 6 1
                                    

[KITKAT]


NOONG isang linggo pa kami nakauwi ng palasyo nina Ezekiel mula sa naging pananatili namin sa Palomo.

Tulad nang napagkasunduan, isinama na namin ang pamilya nina Vivien at binigyan sila ng kwarto upang doon tumuloy. Nag-alok naman ang dalawang tita niya, iyon ang nag-aalaga sa kaniya, na magta-trabaho sila rito bilang pasasalamat sa pagtanggap ni Ezekiel sa kanila. Dahil ako ang naka-assign patungkol doon, inilagay ko sila sa pinagaganda kong garden sa bakuran. Tutal mahilig naman daw silang mag-alaga ng mga halaman noong nasa Palomo pa.

Bago kami umuwi rito sa Mirabuen, dumaan muna kami sa isang isla. May kalayuan din ang byahe mula sa Palomo at nagbarko lamang kami. Sa tingin ko tatlo o apat na araw ang nilayag namin bago iyon marating—ang isla ng Fanta.

Nalaman ko lang kung ano ang pakay ni Ezekiel doon noong narating namin iyon. Isa itong tribal village kung saan sa remote area sila ng bansa namamalagi. Kapag sa lugar na iyon ka nakatira, tila wala kang kinikilalang batas dahil pagmamay-ari ng tribo ang buong kabundukan. May sarili silang pamumuhay at batas ayon sa puno ng tribo.

Tulad ng aasahan sa mga remote village, tahanan nila ang kalikasan at simple lang ang mga pamamahay. Kung tutuusin, puro kubo ang bahay doon at sama-sama talaga sila sa iisang lugar. Mula matatanda hanggang sa mga bata, parang masaya lang silang namumuhay.

Hindi ko naman dapat maramdaman habang nandoon ako, pero hindi ko maiwasang mainggit. Noon pa man, malaki na ang paghanga ko sa mga tribal society dahil kahit na wala sila nung mga bagay na meron ngayon ang mga siyudad tulad ng technology, nagagawa nilang maging kuntento at masaya lang sa buhay. Malayo sa toxic na kapaligiran at hindi nadidiktahan ang buhay nila. Malaya sa pamamahala ng ma-awtoridad na lipunan.

Kung ako ang tatanungin, aaminin ko talagang mas gusto ko sa gano'n kaysa nakatira 'ko sa magarang palasyo pero lahat ng kilos mo ay may limitasyon. Kung hindi lang naman talaga dahil kay Ezekiel, hindi ko magugustuhan ang lugar na 'to.

Ayon kay Ezekiel, ang isla Fanta ay dating protektado ng angkan ng Valeria. Ipinaglaban ng royal clan na iyon ang kalayaan at karapatan ng tribo sa lugar na iyon. Kung hindi dahil sa kanila, baka hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mamamayan nito sa awtoridad. Kahit na noong naubos ang Valeria, kinilala pa rin ng Diwata ang pamamahala ng tribo sa lugar.

Hindi nila nabalitaan ang tungkol sa paglabas ni Ezekiel, kaya naman laking gulat at galak nila na nabubuhay pa ang isang maharlika mula sa angkan ng Valeria. Hindi rin sila makapaniwala nung una, pero kalaunan, naintindihan na rin nila 'to. Tinanong pa nila kung bakit kami napadalaw roon, at iyon din ang naging palaisipan sa 'kin.

Ang sabi ni Ezekiel, gusto niya lang balikan ang mga bagay na naging parte ng buhay ng angkan niya. Nagbitiw rin siya ng salita na susuportahan niya ang mga ito tulad ng ginawa ng Valeria sa kanila.

Nakapaggugol pa kami ng ilang araw roon upang maranasan ang buhay nila, at hindi ko maikakailang it was one of the best times that I have experienced in my life.

'Yung hospitality at warm welcome nila sa 'min, walang kapalit na kahit ano. Hindi rin kayang tumbasan ng kahit anong kayamanan ang ipinagkaloob sa kanila pagdating sa mga ugali. Hanga rin ako kay Ezekiel dahil naisip niyang balikan iyon kahit na puno ang isip niya ng mga problema.

Sa kabilang banda, habang pauwi kami rito sa Mirabuen, nagkakaroon din kami ng balita kay Stella. Pumayag ang clairvoyant na magbigay ng tulong sa 'min ukol sa kalagayan niya, at pinupuntahan naman siya ni Vivien kung kaylangan.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano napapayag sa ganoong sitwasyon si Stella, gayong parang siya itong diring-diri doon sa halimaw na dumakip sa kaniya noon. Bukod sa plano niyang makakuha pa ng ibang impormasyon, siguradong meron pa kaming mga bagay na sa tingin ko, siya lang ang nakakaalam kaya siya nakumbinsing iyon ang piliing desisyon. Lalo't napapansin ko pa ngayon na mukhang hindi talaga siya pinababayaan nung lalaki na 'yon.

The Royal Prophecy II: Forsaken Crownजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें