Chapter 63: Revelation

7 4 0
                                    

LABIS na ikinagulat ng lahat ang narinig mula sa pinuno ng Vindex na si Levi. Umalingawngaw ang pagsiwalat nito ng kaniyang katauhan sa buong lugar at nanigas na lamang ang katawan ng bawat isa rito. Maski sa kampo ng sariling grupo na kaniyang binuo, isa itong malaking rebelasyon na ni kaylanman ay hindi nila inasahan.

Hindi na rin nagawang umakto ni Ezekiel sa nalaman at hindi nito alam ang dapat niyang maramdaman ngayon. Nasaksihan niya ang lahat. Kung paano binaon ni Levi ang kaniyang kamay sa sikmura ni Alessandro habang nasa kalagitnaan sila ng tunggalian. Doon pa lang, naparalisa na siya sa ginawa nito at hindi agad naintindihan ang nangyari. Ngayon naman, narinig niya sa mismong bibig nito na isa rin siyang dugong bughaw. Hindi lang basta-bastang maharlika na nakaligtas sa paghihimagsik noon ni Alessandro—siya si Lorenzo Elacion, ang batang pinakamakapangyarihan dahil sa kaniyang angkan. Isang eredero ng tronong may pinakamataas na awtoridad sa bansa.

Samantala, hindi naman maipinta ang itsura ni Kitkat sa narinig. Simula nung namulat ito sa katotohanan ng kaniyang buhay, iyon ang pangalang tila parating nakaugnay kay Celestine La Verna. Batid nitong tulad niya, naligtas ang batang nagngangalang Lorenzo na nadamay sa masamang balak ni Alessandro, pero wala siyang idea kung ano ang nangyari sa kaniya. Hindi niya rin ito binigyan masyado ng pansin dahil wala naman siyang kinalaman dito. Ngunit kung totoo ang mga lumabas sa bibig ni Levi, hindi niya alam kung paano ito paniniwalaan. Sa lahat ng tao, bakit siya pa? Ano ang tunay niyang pakay at bakit binuhay niya ang salamangkerong nagtangka sa buhay niya?

"Lorenzo E-Elacion?" nauutal na sambit ni Simeon at natulala na lamang sa kaniyang kinatatayuan.

Nanatili naman ang tuon ni Levi sa itim na salamangkerong pilit na iniintindi ang kaniyang nasa harap. "Naaalala mo na ba? Namumukhaan mo na ba?"

"Lorenzo? Inilibing ko na ang batang 'yon dekada mahigit nang nakalipas," nanghihinang bulalas ni Alessandro at hindi iniinda ang natamong butas sa kaniyang sikmura. "Sino'ng maniniwala—"

"Sa kasamaang palad, hindi ka nagwagi sa plano mo. Wala kang kamuwang-muwang na hindi ka nagtagumpay sa pagpaslang sa 'min ng pamangkin mo." Malademonyong ngumisi si Levi. "Bakit hindi mo tanungin si Simeon?" Sabay baling nito sa commander na siyang naging saksi sa lahat.

Napalingon naman ang marami sa matandang hanggang ngayon ay nakanganga pa rin sa kaniyang nasasaksihan.

Habang lalo namang umakyat ang kaba ni Kitkat sa dibdib. Kung batid nitong nakaligtas si Lorenzo sa ginawa ni Alessandro noon, iisa lang ang ibig sabihin nito. Alam niya ring buhay si Celestine. Bakit hindi niya naisip ang bagay na 'to, bakit hindi man lang pumasok sa kokote niyang tapat na mandirigma ng mga La Verna ang commander? Bago pa man siya makaramdam ng hilo sa mga naririnig, naramdaman niya na lang ang matinding kapit ni Ezekiel sa bewang niya. Bahagya siyang inatras nito sa likod at pilit na inihaharang ang sarili mula sa paningin nila Alessandro at Levi.

Nagsimula na ring umakyat ang nerbyos na hindi nararamdaman ni Ezekiel kanina. Hindi para sa sarili at ibang narito sa lupain, kung 'di dahil sa nobyang may koneksyon sa paksa na ibinabato ngayon ni Levi.

"Commander, bakit hindi mo sabihin sa pagmumukha ng isa na 'to kung ano ang nangyari matapos niyang pagtangkaan ang buhay namin? Sa tingin ko oras na para malaman niya kung ano ang naging kapalpakan ng kasakiman niya," hayag ni Levi rito.

Sandaling natahimik ang puno ng Valiente at pinagpalit-palit pa ang tingin sa dalawa. Hanggang sa tuluyan na itong umabante ng ilang hakbang upang sagutin ang binata. "Totoo ang sinasabi mo, Levi." Saka ito bumaling kay Alessandro. "Matapos mong ibaon ng buhay ang kawawang mga bata sa ilalim ng ginagawang hagdan sa palasyo ng La Verna, naging saksi ang isang katulong sa ginawa mo. Agad mo ring nilisan ang kastilyo kaya naagapan ang buhay ng dalawa. Naligtas ang mga bata, at bago ka pa makauwi, inilayo na agad sila kung nasaan ka. Sigurado akong naaalala mo na hindi rin naging matagal pagkatapos noon ang pagtanggal ng karapatan sa 'yo bilang La Verna."

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now