Chapter 65: The Trial

6 4 0
                                    

MATAPOS ang pakikipagsagupaan nila Ezekiel sa grupo nina Alessandro, nawalan na rin sila ng bakas sa maaaring pinuntahan nito. Gayon pa man, nagawa nilang bihagin sina Levi at Quentin. Tuluyan nang dinala ang dalawang salarin sa muling pagkabuhay ng itim na enchanter.

Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga opisyal sa itim na salamangkero at mga kasamahan nito. Umangat na sa pinakamataas na antas ang kanilang kaso kaya't prioridad na rin ito ng awtoridad. Naging alerto ang regime matapos mabalitaan ang pangyayari. Kinaylangan pang sadyain ng primiera ang palasyo ng Valeria upang marinig sa mga nasabing salarin ang kabuuan ng kwento kung bakit nila binuhay si Alessandro.

Kasalukuyang okupado ang silid-hukuman ng mansyon at nangyayari ang paglilitis sa dalawa. Maagang nagsimula ang mga tanong sa kanila habang pinakikinggan ito ng mga taong saksi sa mga kapahamakan na nangyari. Kasama na roon ang grupo ni Ezekiel, si Kitkat, at maski si Vivien na naging biktima rin ng karahasan ng miyembro ng Vindex.

Noong dinala sila sa palasyo, hindi na pumalag pa ang dalawa dahil inaasahan na rin nilang mangyayari ito pagkatapos ng araw na iyon. Hindi lang naisip ni Levi na hindi siya magtatagumpay dahil ginugol niya ang buong buhay sa planong ito. Sino ba naman sa kanila ang mag-aakala na peke ang hawak niyang bolang kristal, at malinaw sa pandinig nila na maski si Alessandro, hindi batid na hindi iyon ang nagdadala ng kaniyang kaluluwa.

Bago mangyari ang paglilitis, ilang araw silang kinulong sa malamig na piitan ng palasyo na ngayon na lamang din nagamit. Kahit papaano ay binibigyan sila ng pagkain sa utos ni Ezekiel, pero matindi pa rin ang dalang hirap sa kanila ng lugar. Mula sa sangsang ng amoy, hanggang sa mga insektong gumagapang sa kanila oras-oras. Gayon pa man, tinanggap ito ni Levi dahil batid niya ang bigat ng kasalanan niya sa pagpapakawala kay Alessandro.

Samantala, hindi pa rin naaalis ang galit ni Ezekiel sa kanilang ginawa kahit pa nasaksihan niya kung paano sinubukan ni Levi na patayin si Alessandro. Sila pa rin ang dahilan kung bakit malaya ngayon ang itim na salamangkero at mas lalong tumatagal ang kaso na ito.

Puno naman ng habag ang mga mata ni Kitkat sa kasalukuyang lagay ngayon ni Levi. Sa sandaling panahon lamang na pagkakabihag, umumpak na ang pisngi nito. Tila tumanda ang binata ng ilang taon dahil bakas sa pangingitim ng paligid ng mga mata nito ang mga pangyayari. Isa ito sa malapit sa kaniya. Alam niya mang mali ang pamamaraan nito sa pagpapabagsak kay Alessandro, nararamdaman ng dalaga na hindi talaga ito masamang tao.

Kung hindi siya tinanggalan ng memorya noong bata siya, magiging magkatulad kaya sila ni Levi ng pinagdadaanan ngayon? Maaalala niya pa rin kaya ang lahat kahit na apat na taong gulang pa lamang siya noon?

Sa patuloy na pagtatanong ng mga opisyal ukol sa motibo ng binata, ibinahaging muli ni Levi ang kaniyang layunin sa muling pagbuhay kay Alessandro, at kung bakit kinaylangan nitong mangyari. Kung ano ang sinabi niya noon sa bayan ng Banaag, ganoon lamang din ang kanilang narinig.

"Bakit hindi ka lumapit sa regime noong nalaman mo ang tungkol sa buhay ni Alessandro? Imbis na gumawa ka ng sarili mong hakbang, hindi mo ba naisip na mas malawak ang kakayahan ng awtoridad ngayon? Hindi na sana humantong pa sa ganito ang lahat," usisa ni Diplomat Juarez kay Levi na siyang nakaluhod ngayon sa gitna ng silid.

"Wala akong tiwala sa regime," tanging sagot ni Levi rito sa malamig at walang emosyon niyang boses.

Nagkatinginan naman ang puno ng Diwata at si Juarez sa narinig. Ngunit bago pa man sila makapagsalitang muli, naunahan na sila ni Quentin.

"Bukod doon, wala rin kaming tiwala sa maaari ninyong gawin sa ginoo kapag nalaman n'yo kung sino siya. Batid ng lahat na nandito ngayon kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng dinadala niyang apelyido, at isang malaking hadlang sa pamumuno ninyo ang magiging reaksyon ng publiko kapag nalaman ito," prankang sambit ni Quentin.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownOnde histórias criam vida. Descubra agora