| chapter 26 : new beginnings |

Start from the beginning
                                    

Isa-isang pinasadahan ni Comby ng tingin ang grupo hanggang sa mabaling ang tingin niya kay Prezy. Naalala ni Comby ang huling pag-uusap nila ng dalaga kaya't napatikhim si Comby bago nilapitan ito.

"Siya nga pala, kailangan kitang makausap mamaya. Gawin niyo na muna ang mga kailangan niyong gawin sa umagang ito tapos dumiretso ka sa office ng committee mamaya. May kailangan akong linawin sa 'yo," mahinahon ngunit bakas ang awtoridad na sambit ni Comby kay Prezy. Napalunok naman ang dalaga at walang nagawa kung hindi tumango.

Narinig ng mga kasamahan nito ang sinabi ni Comby sa kaniya kaya naman maging sila'y nagtaka rin. Sa isip-isip nila'y ano naman kaya ang kailangan nilang pag-usapan at bakit kailangan pa nitong maging pribado.

Nang magpaalam na sa kanila si Comby ay hindi naman na nag-aksaya pa ng oras si Mace at kaagad na sinabihan ang mga kasamahan na ibalik ang atensyon sa kanilang ginagawa.

Napakunot naman ang noo ng dalaga nang mapansing kulang sila ng isa. Kanina'y kumpleto naman sila kaya't papaanong bigla na lamang mawawala ang isa sa mga kasamahan.

"Nasaan si Ned?" nagtatakang tanong ni Mace nang isa-isang tingnan ang mga kasamahan.

Inilibot niya ang tingin sa buong parke at labis na nadismaya nang makita ang kasamahang si Ned na ngayo'y nakapila na sa isang stall ng shawarma.


×××


BINUKLAT ni Comby ang folder na naglalaman ng ilang mga papeles at ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa bawat myembro ng Project Betterment. Halos ilang araw na siyang paulit-ulit sa pagbabasa sa mga ito bilang pagsusuri sa mga bagay na hindi pa ring mabigyang linaw sa kaniya.

Hindi nag-iisa sa opisina si Comby dahil gaya niya'y abala rin sa kani-kanilang mga gawain ang iba pang mga committee ng KAPWA-taan Youth Club. Katatapos lamang kasi ng kanilang lunch break kaya naman bumalik na silang muli sa kanilang mga trabaho lalo pa't papalapit na nang papalapit ang katapusan ng isang buwang pananatili ng kasalukuyang batch ng Project Betterment.

Narinig ni Comby ang pagbukas ng glass door at pagtunog ng chimes na nakasabit doon. Habang nakahawak pa rin sa folder ay nag-angat ng tingin si Comby at napansin ang kadarating lamang na si Prezy. Animo'y bagot na bagot ito't napilitan lamang pumunta sa opisina.

"Para saan ba't kinailangan ko pang pumunta rito?" bungad ni Prezy sa nakatitig sa kaniyang si Comby.

Ito ang unang pagkakataon na nagpatawag si Comby ng isa sa kanila upang pumunta sa headquarters ng organisasyon at pribadong makipag-usap sa kaniya.

Napansin ni Prezy na may kung anong dinukot sa kaniyang bulsa si Comby. Hindi nagtagal ay iniabot nito sa kaniya ang isang pregnancy test stick na may dalawang pulang guhit nangangahulugang nagpapakita ito ng positibong resulta.

Dahil sa nasaksihan ay kaagad nanlaki ang mga mata ni Prezy bago muling ibaling ang tingin kay Comby. "P-Papaanong napunta sa 'yo 'yan?"

"Gaano katagal mo nang itinatago 'to, Prezy?" malamig ang boses na pagkakatanong ni Comby sa dalaga. Dahan-dahang napailing si Prezy at hindi makapaniwalang tuluyan nang nakarating kay Comby ang balita.

"Hindi . . . papaano mo nakuha 'yan?" pag-uulit pang tanong ni Prezy habang wala pa ring mabakas na emosyon sa mga mata ni Comby na nakatitig sa kaniya.

Kapansin-pansing tila ba nauubusan na ng pasensya si Comby subalit pilit niyang pinapakalma ang sarili at siniguro pa ring maging maingat sa pakikipag-usap kay Prezy.

"Alam mo bang hindi kailaman susuportahan ng organisasyong ito ang paglilihim tungkol sa pagdadalang-tao? Akala mo ba, hindi makakarating sa amin ang pinaplano mo?" Bakas ang pagkadismaya sa pananalita ni Comby. Tumayo ang binata at isinara ang folder na kaninang binabasa.

Escaping Paralysis (Completed)Where stories live. Discover now