| chapter 22 : stolen moments |

Start from the beginning
                                    

Kapwa walang-kibo ang tatlo nang mabalitaan ang pangyayari kagabi. Si Lesley nama'y nakatulala pa rin sa kawalan habang nakaupo sa mahabang duyang nakatali sa dalawang puno ng niyog. Ni-hindi pa nga ito kumakain ng almusal dahil ang balita tungkol sa sinapit ni Glacial at Yanlee ang nagsilbi nilang umagahan.

"Mami-miss ko talaga si Glacial kung hindi na siya mabibigyan ng pagkakataong makabalik dito sa Casa Delafuenta. Sana naman ay maka-recover na siya kaagad para masulit pa natin ang mga natitirang araw natin dito nang magkakasama," sagot naman ni Cabin na gaya ng dalawa ay nakatitig sa karagatan.

"Sabi raw ng mga doktor, posible na magkaroon ng effect sa mental health ni Glacial ang nangyari sa kaniya. P-Paano kung hindi na tayo makilala ni Glacial? Papaano kung magkaroon siya ng memory loss?" Kung ano-ano ang tumatakbo sa isipan ni Jimloyd.

Dahil sa mga narinig ay para bang nagbalik sa ulirat si Lesley at hindi na napigilan pang makisali sa usapan. Tinapuna niya ng matatalim na tingin ang dalawa.

"Nasabi ko na ba sa inyong hindi kayo nakakatulong?" may pagdidiing giit ni Lesley sa dalawang kasamahan.

Nagkatitigan naman ang dalawang binata na mistulang nagpapakiramdaman.

"Palagi mo namang ipinapamukha sa amin na wala kaming kwenta sa 'yo," wika ni Jimloyd bago pabirong napahawak sa dibdib na animo'y ipinapakitang nasasaktan sa mga sinasabi ni Lesley.

Imbis na pansinin ang pagdadrama ni Jimloyd ay muling tinanaw na lamang ni Lesley ang asul na karagatan. "Glacial will be okay. She'll gonna be back here soon. Kaya tigilan niyo na 'yang pag-ooverthink niyo kasi hindi 'yan nakakatulong."

"Hindi ba tayo pwedeng dumalaw sa kaniya? I mean, malapit lang naman dito sa resort 'yong hospital na pinagdalhan sa kaniya, 'di ba?" suhestiyon naman ni Cabin.

Napabuntong-hininga si Lesley. Gustohin din man niyang alamin ang kalagayan ng kaibigan ay alam niyang wala silang magagawa sa ngayon kung hindi maghintay. Paniguradong hindi naman sila papayagang umalis ng organisasyon lalo pa't ganito ang nangyari.

"Alam mo naman ang sagot sa tanong mo, Cabin," malamig na tugon na lamang ni Lesley.

Bilang pagsuko ay hindi na nagsalita pa si Cabin. Alam din naman niya kung gaano kahigpit sa mga patakaran ang organisasyon kaya naman hindi na niya ipinilit pa ang kagustuhang kumustahin si Glacial.

Sa gitna ng pagmumuni-muni ng tatlo ay napansin nila ang papalapit na si Vladmir. Para bang napakalalim ng iniisip nito at hindi namalayan ang mga kasamahang nakatanaw na sa kaniya.

"'Wag mong sabihing, may plano ka ring magpakalunod?" Agad namang napapitlag si Vladmir nang marinig na magsalita si Jimloyd.

Nagpalingon-lingon pa ito sa kaniyang paligid at nang malamang walang ibang tao bukod sa kaniya ay nakumpirma niyang siya ang kinakausap nito.

"Hindi pa ako nasisiraan ng ulo, 'no. At saka, kung mangyayari man 'yon, baka mauna pa nga si Yanlee sa 'kin," pagtataggol naman ni Vladmir sa sarili, bagay na ikinakunot ng noo ni Lesley.

"A-Anong ibig mong sabihin?" Hindi man ugaling kausapin si Vladmir, o ang iba pa sa mga kasamahan ay tila ba kusang lumabas iyon sa bibig ni Lesley upang mag-usisa.

"Magdamag hindi nakatulog ang gago. Pati nga ako, napuyat dahil sa kaniya. Paano ba naman kasi, paulit-ulit niyang sinasabunutan ang sarili at parang sising-sisi sa nangyari kay Glacial," walang pag-aalinlangang paglalahad ni Vladmir. "Ngayon niyo sabihin kung sino sa aming dalawa ang baliw," aniya pa.

"Ano ba kasing nangyari sa dalawang 'yon? Kung saan-saan na kami naghanap kay Glacial kagabi tapos mababalitaan naming magkasama pala sila? Akala ko ba hindi sila nagpapansinan?" sunod-sunod na tanong ni Cabin. Nagkibit-balikat naman ang wala ring ideya na si Vladmir.

Escaping Paralysis (Completed)Where stories live. Discover now