| chapter 12 : you don't have to fight alone |

Magsimula sa umpisa
                                    

Paulit-ulit pang nagbitiw ng mga salita si Gidget. Para bang nag-uumapaw siya sa matinding galit at paghihinagpis.

Hindi nagtagal ay nangilid na ang luha sa mga mata ni Gidget. Parang may kung anong kumurot sa dibdib niya at bigla na lamang siyang tinamaan ng matinding kalungkutan. Sa isang iglap, napalitan ng pagdadalamhati ang kaninang pagkasuklam na kaniyang ipinapakita.

"Walang nagmamahal sa akin . . . walang may gustong maging kaibigan ako. Isa akong inutil. I'm a freak. Tama sila, dapat niyo akong iwasan kasi masama akong tao." 

Nasapo ni Gidget ang sariling noo hanggang sa mapaupo siya sa sahig ng entablado.

Nagpatuloy sa paghagulgol si Gidget. Sa dami ng pumatak na luha ay hindi na rin nito naiwasang mabasa ang suot niyang uniporme ng paaralan.

Taliwas sa kaniyang inaasahan ay wala ni isa sa mga mag-aaral na nakakita sa kaniya ang nagtawanan. Lahat sila ay awang-awa sa kaniyang kalagayan. Gustohin man ng ilan na lumapit sa kaniya upang subukang siyang pakalmahin, hindi nila ito magawa sa takot na baka kung ano ang magawa sa kanila ng dalaga.

"H-Hindi totoo 'yan. Mahal ka ni Kuya, bunso. 'Wag na 'wag mong iisiping walang nagmamahal sa 'yo." 

Sa gitna ng paghagulgol ay naramdaman na lamang ni Gidget na may yumakap sa kaniya nang mahigpit. Paulit-ulit na tinapik nito ang likod ng nakababatang kapatid. Mas lalong bumuhos ang luha ni Gidget nang mapagtantong ito ay ang kaniyang Kuya Gierome.

"Nandito si Kuya . . . kakampi mo rin si Kuya," muling pagpapakalma ng kaniyang kapatid na si Gierome na gaya niya'y nakausot din ng uniporme ng kanilang paaralan.

Sinikap ng kanilang mga magulang na pag-aralin silang dalawa sa iisang paaralan upang mabantayan ang isa't isa. Gayunpaman, hindi nito natakasan ang katotohanang pagdaanan pa rin ni Gidget ang kanilang matinding kinatatakutan—ang kutyain si Gidget ng kapwa nito mag-aaral dahil sa kaniyang kondisyon.


×××


PINAGMASDAN ni Gidget ang kaniyang mga nakakasalubong na kamag-aral. Karamihan sa mga babaeng kaklase ay may kani-kaniyang hawak na bulaklak—mga rosas na nagmula sa kanilang mga manliligaw, kasintahan at mga lalaking kaibigan.

Araw ng mga puso subalit para Gidget, isa itong ordinaryong araw na wala siyang ibang nararamdaman kung hindi pait. Kung positibo ang pananaw ng iba para sa araw na ito, kabaliktaran naman ito ng kung papaano niya tingnan ang ipinagdiriwang na okasyon.

Binalewala na lamang ni Gidget ang inggit at sa halip, nagdesisyong umuwi na lamang.

Dali-dali niyang pinuntahan ang kaniyang upuan sa kanilang silid-aralan upang bitbitin ang kaniyang packbag. Subalit nang makarating siya sa kinaroroonan ng lamesa ay napukaw ang atensyon niya sa isang bagay na nakapatong dito—isang papel at isang bulaklak ng gumamela na animo'y kapipitas lamang.

Kunot-noong dinampot ni Gidget ang papel at walang pag-aalinlangang binasa ang sulat. Doo'y napagtanto niyang bigay pala ito ng kaniyang nag-iisang kapatid. 

Ngunit hindi niya maisip kung papaanong nadala ng kaniyang Kuya Gierome ang sulat at bulaklak papasok sa kanilang silid-aralan.

"Sinong nagdala nito rito?" nagtatakang tanong ni Gidget kahit pa alam niyang walang sasagot sa kaniya.

Naguguluhan man, hindi maiwasan ni Gidget na matuwa lalo pa't hindi na siya kakaiba mula sa ibang mga kamag-aral. Nagtataka man, naibsan na ang kaniyang lungkot dahil pakiramdam niya'y hindi na siya nag-iisa. Gaya ng ibang babae ay nakatanggap na rin siya sa wakas ng regalo ngayong araw ng mga puso.

Escaping Paralysis (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon