Kabanata 20: Welcome Back!

46 3 3
                                    

CONNOR

Wala namang duwag.

Gawa-gawa lang 'yon ng mga feeling kaya nila lahat. Feeling nila kaya nilang kalabanin at banggain lahat ng tao.

Nakita ko ang sarili na nagpapanggap lang na matapang, pilit kong nilalabanan ang ibang tao para lang maipangtanggol ang sarili ko. Pero, walang masama doon.

Ang unang hakbang para maging matapang, ay magpanggap na matapang. Hindi kasi tayo manhid, kaya nakaramdam tayo ng kaunting kahinaan.

Napag-isipin ko na rin na emosyon ko pala talaga ang nagdidikta sa kung anong gagawin ko. Kailangan kong aralin na maging kalmado, para naman hindi lang lagi puro gulo ang lumalapit sa akin.

Dahil doon napapapraktis ang pagiging basagulero ko.

Mali lang ako sa paniniwala ko na kapag hindi lumaban, mahina na. May magtatanggol sa akin. Maraming magtatanggol sa akin, at sobrang sarap sa pakiramdam na maprotektahan.

"Ma," pagbasag ko sa katahimikan namin habang naghahapunan kami sa bahay.

"Nak?"  Nasa pagkain pa rin ang atensyon niya.

"Nasaan si Papa?"

Napahinto siya sa kalagitnaan ng pagsubo. Mahina akong tumawa dahil natatawa ako sa sarili ko at sa reaksyon niya. Hindi ko rin akalain na tatawagin ko si Mang Tomas na Papa.

Hindi na niya napigilan ang pagngiti. "Nasa trabaho, pero pupunta siya mamaya."

Binalik niya ang atensyon sa kinakain kahit nasa bibig pa rin niya ang gulat na ngiti.

Inipon ko ang lahat ng lakas bago nagsalita. "Sorry po."

Tumingin siya sa akin nang walang sinasabing kahit ano, hinihintay ang susunod kong idadagdag.

"Sorry dahil nagalit ako dati sa inyo," nilagay ko ang kamay sa mga binti, yumuyuko dahil sa bigat ng kasalanan ko sa kaniya.

"Sa katunayan nga, ang galing niyo."

Nakatitig lang si Mama nang diretso sa akin.

"Bakit naman?" tanong niya, nahuli ko pa siyang pinagtatawanan ako. "Huwag mo akong paiyakin, Connor."

Kinamot ko ang leeg bago sumagot. Bumuntonghininga rin pagtapos. "Nagawa mong iwanan 'yung asawa mo dati."

Saglit siyang napatitig sa akin at nilayo rin ang tingin. Nakikita ko ang makikintab na luha sa mata ni Mama. "Sobrang daming lakas ng loob ang kailangan, Connor. Kapag alam nating kaya pa, titiisin. Pero kapag hindi na, hindi na talaga."

Ngumiti ako.

"Kapag sinasaktan niya ako, okay lang. Pero noong sinasaktan ka na niya...hindi na okay 'yon."

"Pero Ma, hindi okay 'yung sinasaktan ka niya, pwede mo siyang isumbong."

Bumuntonghininga si Mama. "Hayaan mo na. Wala naman na tayong connection sa kaniya. Hindi na tayo nasasaktan. Masaya na tayo."

Tumango ako doon. Kung nasaan man siya ngayon, huwag na sana siyang magpakita sa akin.

"Sorry po ulit."

Punching Feelings Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ