Prologo

11 2 0
                                    

Joachim Aloysius Osmond


Ilan ba ang bersyon ng katotohanan?

Hindi ba’t nararapat na isa lamang? Ngunit bakit may bersyon kaming dalawa? At sa dalawang bersyong iyon ay sa kaniya ang pinaniwalaan at sa akin ang pinabulaanan.

Paano naman ang bersyon ko? Sinong maniniwala sa akin? Sinong tutulong sa akin?

Bakit sa lahat, pinili nilang ignorahin ang bersiyon ng katotohanan?

Tanaw ko ang nag-aagaw na liwanag at dilim sa labas mula sa maliit at nag-iisang bintana ng seldang kinapipiitan ko. Ang mga lampara sa madilim na pasilyo ay nawawalan na ng bisa dahil sa pagpatak ng bukang liwayway.

Habang banayad akong nakaupo sa marumi at malamig na sahig, ang samyo ng hangin sa loob ay  nangangamoy dugo. Namanhid na rin ang dalawa kong kamay na ilang araw nang nakagapos gamit ang mabigat at matibay na kadena.

Kasalukuyan na akong nakakaramdam ng matinding pagkaubos ng lakas at enerhiya ngunit nagagawa ko pa namang labanan kadiliman na unti-unting humihila sa akin.

Narinig ko ang yabag ng mga paa na tila papalapit sa kinaroroonan ko. Pumikit ako hanggang sa tumigil na ang ingay.

Oras na…

“Maghanda ka na, Osmond. Sa oras na sumilay ang araw mula sa silangan ng palasyo, matatanggap mo na ang kaparusahang nararapat sa iyo,” anunsiyo ng isang malamig na boses bago muling lisanin ang lugar.

Dumilat ako at pagak na tumawa.

Kaparusahan…

Ngunit bakit? Bakit ako ang paparusahan? Bakit walang naniwala sa akin?

Buong buhay ko ang inialay ko upang maprotektahan ang kahariang ito. Nunit ngayon, bakit walang pumuprotekta sa akin?

Isang kasalanang hindi ko ginawa, bakit ako ngayon ang nagbabayad?

Ganito ba talaga ang Dunia Fostoria? Ganito ba ang uri ng mundong prinotektahan ko? Ganito ba ang kapalaran ko?

Lumipas ang oras, tuluyan nang namayani ang liwanag sa kabuuan ng lugar. Kitang-kita na ang rehas na bakal na napupuno na ng kalawang. Ang seldang kinaroroonan ko ang siyang nasa pinakadulo at pinakamadilim na bahagi ng Penjara Jzedama, kulungan ng mga kriminal na may mabibigat na kasalanan sa kaharian ng Gemoshazlya.

Isang puting paruparo ang lumitaw at paikot-ikot na lumipad sa loob ng kulungan. Nakaramdam ako ng kakaibang presensiya habang pinagmamasdan ang maliit na nilalang na may pakpak. Ngunit tila ako lang ang nakakaramdam nito dahil ang mga bantay na kawal ay tila walang nalalaman. Seryoso lamang silang nakatayo sa harapan ng selda at diretso ang tingin sa kaharap nilang pasilyo.

Siya ang ipinadala.

Pumikit ako at sinimulang ibulong ang hiling ko sa munting nilalang na lumilipad.

"Pakiusap ako’y tulungan, sa madilim na selda ay pakawalan. Ang katotohanan ay ibunyag, parusahan ang totoong may kasalanan. Mula sa kadena ay itakas, hayaang muling mayakap ang kalayaan."

Sa muling pagmulat ng aking mga mata, ang paruparo ay tuluyan nang naglaho. Nawala na rin ang kakaibang presensiya na kanina lamang ay namamayani sa loob.

Maingay na yabag at presensiya ng mga nilalang na minsang nagsilbi sa akin ang aking naramdaman. Nilingon ko ang mga ito at inihanda na ang sarili.

Hindi ko kailanman ipinakita sa iba ang kahinaan ko dahil bilang isang heneral, nararapat na wala akong kinakatakutan. Ako ay tagapagtanggol ng Gemoshazlya, heneral ng libu-libong mandirigma. Ang pagiging duwag ay wala sa aking bokabularyo.

The General's Immortal VowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon