98

63 2 0
                                    

Abot tenga ang ngiti ni Fallera habang marahang iginagalaw ang duyan ng anak niya. Kahit mahirap ang proseso hindi makakalimutan ang pag-iyak nitong sumalubong sa kanya. Maayos ang panganganak niya lalo na at may nakapitan naman siya habang umiire, pasalamat na lang siya kay Zestro na kasabay niyang sumigaw at tumili sa ER para mailabas ang anghel niya. 

"Nandito na si mama, anak." 

Inilabas niya ang isang stuff toy na panda na may hawak na dalawang dahon sa magkabilang kamay, bili ni Zestro na walang magawa sa buhay kundi bigyan siya ng kung ano-ano lalo na ang anak niya. Kina-career ang pagiging proxy ni Caleb. 

"Gusto mo 'to?" masuyo niyang tanong sa anak habang iwinawagayway ang stuff toy. 

Nang marinig na naman niya ang tawa nito ay mas lalo siyang nakaramdam ng saya ni minsan hindi niya pinangarap maging nanay pero ngayon pakiramdam niya walang saysay ang buhay niya kung hindi dumating ang anghel niya sa kanya. "Alam mo mahal na mahal ka ni mama, lalo na ni papa. Gusto mo na ba siyang makita? Kasi ako. . . sobra kaunting hintay na lang makikita rin natin siya," malungkot na bulong niya rito. 

Kaya. . . Caleb nasaan ka na ba?

"Fallera," tawag sa kanya ng tito Lando niyang malamlam ang tingin sa kanya. 

"Nandito na ang lolo mo," nangingiti niyang banggit sabay marahang duyan sa anak. 

"A-anak. . . Fallera," garalgal na banggit ng tita Felicidad niyang patuloy ang pag-agos sa luha ng mga mata nitong hindi niya maintindihan.

Napahinto siya sa ginagawa at lumapit sa dalawa. "Bakit po? May nangyari po bang masama? B-Bakit po kayo umiiyak?"

Napalingon siya sa pagdating nila Summer, ang kuya niyang hindi mabasa ang ekspresyon, sila Neon, Yakzi, El, Rava, Ren lalong lalo na si Milkie na nagtutubig na ang mga mata habang nakatingin sa kanya. 

Lumapit ang kuya Janus niya sa kanya at marahan siyang hinawakan sa magkabilang pisngi. "Fallera. . . tama na ilang buwan ka ng ganito."

Ang mga salitang 'yon pamilyar na pamilyar sa kanya. 

Tama na.

"Tama n-na!"

Dugo.

"Tulungan niyo po ako!"

Pagmamakaawa.

"Y-yung anak ko! Yung anak ko!"

Pagdadalamhati.

"I'm sorry, pero hindi na kinaya ng bata." 

Kalungkutan.

Bumalik sa kanya lahat. Nagmamadaling tinignan niya ang duyan, pero ni anino wala siyang nakita. 

Nanginginig ang mga kamay niya habang pinagmamasdan ang walang lamang duyan ng anak niya. 

"Kuya nasaan na siya? Bakit nawawala ang anak ko?! Nandito lang siya kanina, ah!" sigaw niya. "Tito. . . tita!"

Walang sumagot sa kanya. Heto na naman, paulit-ulit na lang na ganito. Magtatanong siya, pero lahat sila walang isinasagot. 

Lumapit siya sa kaibigan na punong-puno ng simpatya sa ekspresyon nito. "Summer, nakita mo ba ang anak ko? Nandito lang siya tapos biglang nawala. Nakita mo ba?"

"F-fall. . . please," hahawakan sana siya nito nang bigla niyang iwinakli ang mga kamay nito papunta sa kanya. Kaagad itong inalalayan ni Ren na nag-aalala na ring nakatingin sa kanya. 

Hindi makatingin si El at Milkie sa kanya, sila Rava, Yakzi, at Neon na diretsahan siyang kausapin, ngayon walang masabi kahit isa iniiwasan din siya ng tingin pakiramdam niya wala siyang kakampi. Nasaan na ba si Zestro? Bakit kung kailan kailangan niya ito saka wala?

Pushing Fall Where stories live. Discover now