Tuyo, Daing, Sardinas at Paksiw na Ayungin

89 6 2
                                    

Tuyo, Daing, Sardinas at Paksiw na Ayungin (ikapitong tula)

I
T'wing ako'y kakain ay aking laging ginugunita,

Kung paano sa hapag kami'y mag-agawan sa pagkain ng aking pamilya,

Tuyo, daing, sardinas at paksiw na ayungin,

Sapat na kahit isa sa mga iyan upang gutom namin ay pawiin.

II
Ngunit ngayon ay tignan mo,

Mamahaling pagkain nasa harapan ko,

Mukhang masarap ngunit ayaw kong tikman,

Hinahanap-hanap parin ng aking sikmura ang mga pagkaing nakagawian.

III
Ngayon naisip ko ang mga ito ay nagsisisi na ako,

Tama bang ibinenta ko ang aking mga anak upang makamit ang karangyaang ito,

Tama bang hinayaan kong maging bayarang babae ang asawa ko,

Nararapat lang ba sa'kin ang lahat ng meron ako?

IV
Ngayon sobrang dami ng pagkaing nasa harapan ko,

Ngunit mag-isa lamang ako sa mahabang lamesa na ito,

Walang maingay, walang magulo,

Walang nagtutulakan upang makatikim ng letson at liyempo.

V
Gusto kong magbalik sa panahong kumpleto pa kami,

Gusto kong magbalik sa panahong tuyo, daing, sardinas at paksiw na ayungin ang ulam namin,

Gusto kong magbalik, kahit ano ay aking gagawin,

Ngunit alam ko sa sarili kong imposible na itong mangyari.

VI
Tama nga sila, nasa huli ang pagsisisi,

Wala ng pag-asa pa upang tamain ang mga pagkakamali,

Alam kong kasalanan ko kung bakit lahat ng ito ay nangyari,

Masyado akong nagpakaganid at naging makasarili.

XOXOXOXOX
So far eto yung tula ko na may pinakamahabang title haha #epic.

PEN and PAPER (Compilations of Poems)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon