Chapter 1: Awakening

3.4K 131 35
                                    


Sa mata ng mga mortal ay pangkaraniwan lamang ang laki ng buwan nang gabing iyon. Ngunit ang hindi nila alam. sa likod nito ay nakatago ang isang matinding panganib na hindi nila inaakala. Tanging mga nilalang lamang na may mga kapangyarihan ang nakakakita.

Biglang nabulabog ang mapayapang gabi nang bigla na lamang lumipad palayo ang lahat ng mga ibon sa iba't-ibang direksiyon. Nagdulot ito ng matinding ingay na lumawig ng ilang hektarya. Kasunod nito ay ang bahagyang pagyanig ng lupa dahil sa mga hayop na nag-uunahan sa paglabas ng kagubatan.

Makalipas ng ilang minuto ay nabalot ng nakabibinging katahimikan ang paligid. Pati ang kaninang malakas na hangin ay bigla na lamang tumahan.

Sa gitna ng kagubatan ay nakatayo ang isang lagusan paloob sa isang kweba. Halata ang katandaan nito sa mga lumot na nakapalibot paligid. Halos natatakpan din ng mga ugat ng puno ang daanan. Napakadilim sa loob nito. Tanging maririnig lamang ay ang pagpatak ng tubig sa mga bato.

Sa dulo ng kweba ay matatagpuan ang isang malaking bato. May mga nakaukit na simbolo rito ngunit halos hindi na makita dahil sa kalumaan. Sa paligid ay nagkalat ang daan-daang buto ng mga tao.

Sa gitna ng mga ito ay nakahilata ang isang kabaong na gawa sa purong bato. Nababalutan na rin ito ng mga lumot at makapal na alikabok.

Walang ano-ano ay dahan-dahang bumukas ang takip ng kabaong. Nagdulot ito ng matinding usok sa paligid. Mula rito ay lumutang ang pigura ng isang babae.

Kasabay ng pagmulat ng kaniyang mga mata ay ang biglaang pagkawala ng usok. Rinig na rinig din niya ang pagliparan palayo ng mga paniking nakatira sa kweba. Dahan-dahang iginala ng babae ang paningin. Nasa isang napakadilim na lugar siya ngunit hindi makikitaan ng takot ang kaniyang mukha. Sa isang kisap-mata ay bigla na lamang siyang lumutang at dahan-dahang lumapag sa mga bato. Muli niyang iginala ang paningin hanggang sa makita ang nais. Agad na niyang itinuon ang pansin dito bago dahan-dahang naglakad.

Nang makalabas ay bumungad agad sa kaniya ang preskong ihip ng hangin pati na rin ang mga matatayog at naglalakihang puno sa paligid.

Pumikit ang babae. Wari ba'y pinapakiramdaman ang kanyang paligid.

Mula sa kinatatayuan niya ay rinig na rinig nito ang malakas na pag-agos ng tubig sa may di kalayuan. Naririnig din niya ang mga kaluskos at galaw ng mga insekto na nakatira sa mga puno. Pati na rin ang bahagyang paggalaw ng lupa ay hindi nakaligtas sa matalas na pakiramdam.

Hindi pamilyar sa kaniya ang lugar. Hindi niya matandaan kung paano at bakit siya napunta rito.

Sa loob ng ilang minuto ay hindi gumalaw ang babae. Nagmistula itong estatwa sa kaniyang kinatatayuan.

Medyo padilim na nang mapagpasyahan niyang umalis. Hinayaan lang niya ang mga paa kung saan man siya dalhin ng mga ito.

oooOoo

Malayo-layo na ang narating niya nang makarinig ng mga malalakas na boses. Kakaiba at bago ito sa kaniyang pandinig. Hindi niya mawawaan ang kanilang mga sinasabi.

Sinundan niya ang ingay. Dire-diretso lang ito hanggang sa makakita ng dalawang bagay na ngayon lang niya nakita sa tanang buhay niya.

Nakaapak siya ngayon sa isang magaspang na bagay na kulay puti. Halatang napakahaba nito dahil hindi niya makita ang dulo. Bukod doon ay ramdam niyang mas matigas ito kaysa sa lupang nakagisnan. Idagdag pa iyong kulay itim na hayop na hindi gumagalaw sa kanyang harapan. Maihahalintulad sa elepante ang laki nito. May anim na bintana. Isa sa harapan, apat sa mga gilid at isa sa likod. May apat na mata rin itong umiilaw.

Nakatingin lang ang babae rito. Hindi nito alam kung anong klase itong hayop.

Mayamaya pa'y narinig na naman niya ang malakas na sigaw. Nanggaling ito sa may di kalayuan sa kaniya.

Agatha: Of Words and Wisdom [Under Major Revision]Where stories live. Discover now