Our Love Story

44 24 0
                                    

Pinanonood ko ang magka-sintahan na malayo sa aking puwesto na mayroong layo na sampung metro.

Pinagmamasdan ng lalaki ang kaniyang girlfriend habang ito'y naka-tutok sa cellphone. "Sino na naman ‘tong kausap mong babae?!" Malayo sila sa akin pero nagulat pa rin ako sa reaksyon ng babae.

Naka-upo ako ngayon sa tabi ng ilog na dinudumog palagi ng turista kasama ang kaibigan ko. Sa ngayon, iilang tao lang ang bumibisita dahil tag-ulan na. Isa na ang magjowa na 'to na mukhang mag-a-away.

Galit na galit ang babae sa kaniyang boyfriend, dahil sa nakita nitong may kausap siyang iba.

"Pinagse-selos lang naman kita baby, pinsan ko 'yan na lalaki na nagpapanggap na babae," sambit ng lalaki sabay halik sa noo ng kaniyang girlfriend.

Yuck, maghihiwalay rin kayo.

"Hindi ko alam bakit ganiyan 'yung ibang tao sa relasyon nila?" Nagulat ako nang magsalita ang kasama ko, si Kai.

"Pinanonood mo rin pala sila?" Natatawa kong sambit at muling nabaling ang aking titig sa magjowa. "Anong ganiyan tinutukoy mo?"

"Yung gagawa sila ng ikasasama ng loob ng kasintahan nila." Humiga siya sa damuhan na aming inu-upuan at muling itinuloy ang kanyang sasabihin. "Hindi ba nila alam ang pakiramdam nang mag-isip ng mga negatibo? Kaya minsan nasisira ang relasyon dahil sa gano'ng sistema nila."

Patuloy siyang nakatitig sa kalangitan habang patuloy rin na nagsasalita.

"Magse-selos ang babae sa kanilang ginagawa, masisira ang tiwala ng babae kahit na biro lang ang ginawa ng lalaki, at paglipas ng mga araw hindi magugustuhan ng lalaki ang pagdududa ng kasintahan niya hanggang sa maging toxic na ang relasyon." Tiningnan ko ang mata ni Kai at seryoso siya sa kanyang mga sinasabi.

"Kung makapag-salita ka, akala mo nagkaroon ka na ng jowa."

"Oo, NGSB ako." Sinamaan niya ako ng tingin. "Do you have problem with that?"

"Wala po." Inirapan ko siya at humiga na rin sa damuhan.

"Kung magkakaroon man ako ng kasintahan," sambit nito at tumagilid siya sa kanyang pagkakahiga para humarap sa akin. "Sisiguraduhin kong hindi magse-selos ang girlfriend ko sa ibang babae. Ang ibang babae ang magseselos sa kanya." Nakangiti niya itong binanggit kaya napalayo ako ng tingin sa kanya. Kunwari wala akong pake, kaso, sobrang sweet niya nang sabihin niya iyon.

Matagal ko na kaibigan si Kai, pero ngayon ko lang nakita ang gano'ng side niya. Sana nakita ko 'yon simula noong maging kaibigan ko siya.

Subalit ngayon, wala na ang dati.

May sariling kasintahan na si Kai, almost five years na sila. Ako rin naman ay mayro'n ng kasintahan, five years na. Five years na bangayan, dahil wala siyang tiwala sa akin.

I always made him jealous sa tuwing nagkikita kami ni Kai dati, sinasadya kong sabihin sa kanyang magkasama kami ni Kai para malaman ko kung ipaglalaban niya ba ako kahit biro lang iyon.

Nang malaman naman ni Kai ang ginagawa ko, nilayuan niya ako para sa ikabubuti namin ng aking boyfriend.

Nasira ang tiwala sa akin ng kasintahan ko kaya hanggang ngayon ay puro pagdududa ang kanyang naiisip.

Tama nga si Kai. Hindi ko naisip ang nararamdaman ng boyfriend ko.

At tama rin siya sa huli niyang sinabi.

Ako ang nagse-selos sa girlfriend niya ngayon.

Sana napansin ko ang halaga ni Kai dati para naging kasintahan ko siya. But, we both have our own relationship now. Our different love story.

Love at First Sight (One Shot/Short Stories)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora