Chapter 2 - Welcome

91.9K 2.4K 575
                                    

Chapter Two
Welcome

SINUNDAN ko si Nanay sa aming sala at agad kaming naupo. Mataman siyang tumingin sa akin at nagbuntonghininga bago magsimula.

"Matuturing kang isang miracle baby noon," simula niya. "Napakahina ng tiyansang mabubuhay ka dahil wala na rin naman sa tama ang edad ng pagbubuntis ni Ate Cristia. Kaya nang malusog kang mailabas ay itinuring naming napakalaking milagro n'on. Pinalaki ka namin gaya ng pagpapalaki sa ibang mga bata. Ito ay kahit na napag-alaman naming may kakaiba sa 'yo. Naaalala ko pa, dito rin sa bakuran natin noong bata ka pa, nakita naming naglalaro ka ng apoy sa mga kamay mo. May isang beses pang muntik mo nang masunog ang punong iyan. Hindi namin maipaliwanag kung paano mo nagawa 'yon. Sa takot namin na baka kung mapaano ka 'pag may ibang nakaalam ay inilihim namin ito maging sa 'yo. Takot kami na may ibang makaalam sa kakayahan mo. Susubukan sana namin na dalhin ka sa kung kani-kaninong albularyo, pero napangunahan kami ng takot na baka kung ano pa ang mangyari sa 'yo. Nakita naman naming lumalaki kang isang mabuting tao at madalas naman ay hindi mo naipakikita ang kakaiba mong kakayahan kaya't inilihim na lang namin ito hanggang sa ngayon."

Halos pagbagsakan ako ng daigdig sa narinig kong rebelasyon. Hindi pa man din tuluyang nagsi-sink in sa akin lahat ng sinabi ni Nanay ay nagpatuloy pa siya ng kaniyang mga kuwento.

"Pero may dumating na isang estranghero at ipinaliwanag niya ang lahat. Sinabi niyang isa kang miracle baby kaya ikaw ang napiling paglagyan ng nawawalang kaluluwang may kapangyarihan. Iyon din ang dahilan kung bakit nagkaroon ka ng pagkakataong mabuhay. Napakahiwaga man, pero sinikap naming intindihin siya kahit gusto naming tutulan na may ganoong uri ng nilalang. Noong isang araw lang ay muli siyang nagpakita at nag-abot ng sulat gaya niyan, anak. Kaya nang makita ko iyan kanina ay alam ko na ang susunod na bagay na dapat mangyari. Pinapapasok ka sa eskuwelahang 'yon at kukunin ka nila."

Niyakap ko na si Nanay at umiyak nang umiyak. Alam ko naman dati pa na hindi ko siya totoong magulang, pero iyong marinig ko ang kuwento mula sa kaniya ay mahirap pa ring tanggapin. Matagal akong nangulila sa totoo kong ina, si Mommy Cristia, na namayapa noong bata pa lang ako, pero mas lalong hindi ko kakayaning pati si Nanay Kristina ay mawalay sa akin. Mahal ko siya at ayaw kong malayo sa kaniya. Ang tunay niyang anak na kung tutuosin ay aking pinsan ay ang kinilala kong nakatatandang kapatid. Isipin ko pa lang na baka hindi na rin kami magkita ni Ate ay lalo lamang akong naiiyak.

Hindi ko inasahang may biglang lilitaw na isang lalaki na hindi ko alam kung saan nagmula. Bitbit nito ang isang scepter habang nakangiti't naniningkit ang mga mata. Matikas ang kaniyang tindigan at maayos ang pananamit.

Kinurap-kurap ko pa ang aking mga mata para makasigurong hindi siya kathang-isip. He seems to be too perfect to be real! Para siyang isang prinsipeng napanonood ko sa mga fairy tale na tila isang ilusyon lamang.

Napakalas ako ng yakap kay Nanay at pareho kaming napatitig sa lalaking dahan-dahang lumalakad palapit. Napatulala na lamang ako.

"Huwag kang matakot, binibini. Ako si Kierre, ang head guardian ng Magique Fortress University. Nandito sana ako para sunduin ka, pero mukhang hindi ka pa handa."

Kung gano'n, siya pala ang gumawa nitong sulat.

"Ayoko! Hindi ako sasama sa magic-magic n'yong 'yan. Ayos na ang pamumuhay ko rito," madiin kong sagot.

Tumingin siya sa akin at namangha ako nang lalong masilayan ang ginintuan niyang mga mata. "Kung hindi mo mamasamain, Kristina, puwede ba akong maupo? Pagod na pagod na ako, eh. Ang dami ko na ring pinuntahan ngayong araw."

Kung magsalita siya ay parang normal din siyang tao. Kapansin-pansin lang ang tila pagiging perpekto at maamo ng kaniyang mukha.

Malugod namang tumango si Nanay. Nakapagtataka na parang hindi na siya nabigla sa pagdating ng lalaking ito at parang kilala pa niya ito.

Magique Fortress - Published under PSICOM (Diamond Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon