Chapter 49

68.2K 5.9K 3.8K
                                    

Chapter 49

Daan

Pagtawag sa aking pangalan ang siyang paulit-ulit kong narinig bago ako tuluyang nilamon ng kumukulong apoy.

Dapat ay matinding takot ang siyang aking nararamdaman sa mga oras na ito, isa man akong diyosa, ang apoy ay may kakayahan pa rin kitilin ang aking buhay. Ngunit habang papalapit ako at mas umiinit ang aking katawan, hindi pangamba ang siyang nag-uumapaw sa akin, kundi pananabik.

Pananabik upang makita ang babae sa likod ng sunod na relikya. Ang kwento niya at mga sakripisyo, at higit sa lahat ang sarili niyang pananaw sa mundong ito.

Unag pagtapak ko pa lamang sa hagdan pababa sa mundong ito, alam kong nakamasid na siya, kinikilatis ako at kinikilala. Ganoon ang bawat babaeng tagabantay, nais nilang malaman kung karapat-dapat ba ako sa relikyang kanilang ilang taong iniingatan.

Noong una'y matinding init at hapdi ang siyang aking naramdaman, ngunit habang tumatagal ang pagbulusok ng aking katawan, tila unti-unting nasasanay ang aking sarili sa init... sa init na sa tingin ng iba'y nakamamatay.

Nakapagtatakang sa kabila ng lalim ng pagbulusok ng aking katawan, naririnig ko pa rin ang kanilang mga tawag.

Nang sandaling tila nasa akin na ang pwersa ng katawan ko, nagawa ko nang pigilan ang sarili ko sa patuloy na paglusong sa ilalim, ang aking mga mata'y nagmulat at wala sa sarili kong pinagmasdan ang mga kamay at braso ko na parang wala ako sa bumubulak na apoy.

Hindi ako natutupok.

Nag-angat ako ng tingin sa itaas, naroon pa rin ang naiwan kong grupo habang panay ang pagtawag sa aking pangalan. Si Rosh ay sinubukang maglaglag ng bulaklak ngunit nasunog iyon nang sandaling lumapat sa dagat ng apoy.

Dapat ay makuha nila ang bugtong dahil kung mananatiling nasa isip nila na ang apoy na ito kikitil sa buhay nila, mangyayari nga iyon. Ngunit paano nila iyon maiisip gayong akala nila ay tapos na kami sa pagsagot sa bugtong?

Maglalangoy na sana ako pabalik sa itaas upang sabihin sa kanila, ngunit hindi ako natuloy nang may humila sa paa ko. Napatingin ako sa ibaba ngunit wala naman akong makita, sinubukan kong hilahin ang aking paa ngunit mas malakas na pwersa ang mas humila sa akin.

Napailing ako. Sa kabila ng pulang apoy na likido sa paligid, sobrang linaw nito na nagagawa kong panuorin ang nangyayari sa itaas, ngunit nasisiguro ko na hindi nila nakikita ang nangyayari sa akin rito sa ibaba.

Habang pilit akong nanlalaban sa hindi makitang kalaban, nakikita ko ang paghihirap ng mga kasamahan ko sa ibaba. Kung kanina'y paa lang ang nararamdaman kong hinihila sa akin, sa pagkakataong ito'y ramdam ko na tila may yumayakap sa akin.

"Ano ang iyong gagawin? Hahayaan mo ba silang masunog ng buhay sa iyong harapan?"

Halos hindi na maipinta ang ekspresyon nang mukha ko habang pilit akong pumipiglas at nakikita ang unti-unting pagbaba ng katawan ni Seth. Wala siyang ibang pinagpilian kundi ilabas ang kanyang itim na pakpak, pilit siyang lumipad sa maliit na espasyo at dahil sa hangin na nalalagyan ng apoy ang dulo ng pakpak niya.

"S-Seth!" sigaw ko na nasisiguro kong walang nakaririnig sa kanila.

Pilit hinihila ni Rosh gamit ang kapangyarihan niya sina Kalla, Iris, Hua. Ngunit hindi rin nagtagal ay sabay na rin nagbago ng anyo sina Kalla at Hua. Ngayo'y kasalukuyan nang nahihirapang humawak sina Zen, Rosh, Blair at Iris.

Sina Seth, Kalla at Hua ay kapwa na rin nahihirapan. At alam kong sa pagkakataong iyon ay walang makakaisip sa kanilang maaari nilang matalo ang apoy.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon