Chapter 30

75K 6.4K 3.1K
                                    

Chapter 30

Sumpa

Nang sandaling tuluyan na siyang naglaho at dinalang muli pabalik sa Emperyo ng Parsua Sartorias, naiwan akong nakatitig sa puno na ngayo'y may bahid ng kanyang dugo.

Akala ko'y may luhang muling papatak mula sa aking mga mata, ngunit tila nagawang panindigan ng sarili kong damdamin ang aking matinding emosyon sa kanya.

Na sa halip na sakit, pighati... matinding galit na ang nangibabaw at matinding panlalamig. Sa sobrang pagod umayaw na ang sa sarili kong katawan sa aking mga luha.

Sa kabila ng mga lasong nagkukubli sa akin, ang ihip ng hangin ay hindi nagpapigil upang ipadama sa akin ang kanyang buong presensiya.

Hindi ko na alam kung ilang minuto o oras na akong nakatayo roon habang nakatitig sa puno. Noo'y ang bawat ganda ng puno ay kaya kong bigyan ng mahabang deskripsyon, mula sa maliliit na detalye nito at maging sa paraan ng pakikisalamuha nito sa paligid.

Ngunit ngayo'y pakiramdam ko'y may malaking parte ang siyang nawala sa akin, tila natuto ang puso kong tumanggap ng katotohanan at hindi na maghanap ng ganda sa ibang bagay.

Tila may malaking parte sa pagiging diyosa ko ang nawala o tamang sabihin na nagmulat sa akin sa katotohanan, na hindi lahat obra maestra... hindi lahat may dalang ganda o kaya'y kasiyahan.

Sa tindi ng katahimikan, ang siyang tanging naririnig ko ay ang maliliit na butil na patak ng aking dugo na siyang yumayakap na rin sa bakas ng dugong iniwan niya sa kabuuan ng aking katawan.

Hanggang ngayon ay nararamdaman ko ang kanyang mga bisig at ang kanyang pangil na bumaon sa aking balat.

Ang marahang paglandas ng aming magkahalong dugo mula sa aking mga balat patungo sa sahig na may guhit na simbolo ang siyang unti-unting bumubuhay sa puno.

Kumuyom ang aking dalawang kamay habang mariin nakatuon ang aking atensyon sa puno. Kung ang bulwagang ito'y nasaksihan ang pag-iisa ng dating hari at reyna, ngayo'y nagkaroon ito ng pagkakataong makasaksi ng paghihiwalay.

Gamit ang ilang butil ng dugo mula sa sahig, inihalo ko iyon sa aking gintong laso dahilan kung bakit nagsama ang mga kulay nito. Ang maliit na hibla ng gintong laso na ngayo'y naging pula na may kasamang pagniningning ay pinahaba ko at unti-unti kong ibinalot sa aking kahubaran.

Ang dating puti at gintong kasuotan ko'y napalitan ng pula na tila may mga diyamante.

Kasabay nang pagyakap ng ibang kulay sa aking katawan na hindi ordinary sa isang diyosa, ay ang unti-unting pag-iinit ng aking katawan at pag-ikot ng aking mundo.

Ang ritwal na ito'y hindi lang upang malaman ang kinalalagyan ng mga relikya, kundi inihanda ko na rin ang sarili kong patayin ang dating si Leticia.

Si Leticia... na mahal na mahal siya.

Ang pinaghalong dugo namin na hindi dulot ng mainit na pag-iisa'y isang malaking kasangkapan, hindi lang para sa aking misyon, kundi pati na rin bilang representasyon ng aking nararamdaman.

Na kahit sa tadhana'y nakasaad na maghalo iyon... pumatak at yumakap ang aking dugo sa kanya na may matinding galit at pagkasuklam.

Muli ko nang inangat ang aking kamay upang tanggalin ang mga laso na siyang nagtago sa amin ni Dastan mula sa mga mata ng manunuod. Habang ginagawa ko iyon, unti-unting nagkakaroon ng mga sanga, dahon at maging bulaklak ang punong ngayo'y nagsisimula nang mabuhay.

Habang tinatanggal ko ang kapangyarihan ko sa paligid, ilang punyal ang kusang lumipad patungo puno at tumama sa iba't ibang sanga nito.

Apat na punyal.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon