Chapter 46

74.9K 6.5K 2.3K
                                    

Chapter 46

Bagong grupo

Nang sandaling itakbo ako nina Rosh, Hua at Nikos, hindi ko akalain na may mga Gazellian na sasama sa aming paglalakbay.

Hindi na ako nagulat nang hindi magtagal si Caleb at magpaalam. Ang magkakapatid na Gazellian ay isinilang upang manatili sa piling ng bawat isa at ang kanilang katapatan ay laging nasa bawat isa.

Ang nangyari sa pagitan namin ni Dastan, na punung-puno ng manipulasyon at walang katapusang sakitan sa isa't isa ang higit na magtutulak sa magkakapatid na huwag iwanan ang kanilang hari. Ang haring ipinakilala at itinatak na sa kanilang mga puso simula nang sila'y nabuhay.

Sa sandaling marinig nila ang salitang hari o kaya'y pinuno, isang pangalan lang ang papasok sa isip nila, ang kapatid nila, ang panganay, ang pinakamakapangyarihan at matalino sa lahat, Haring Dastan Lancelot Gazellian.

Sa lahat ng pinagdaanan ko, mga nasaksihan, mga salitang narinig at sakripisyong hanggang ngayon ay hindi mapaniwalaan, hanggang ngayon ay hindi pa rin mapantayan niyon ang paghanga ko sa katapatan ng magkakapatid sa isa't isa.

Na ang pagmamahal na kaya kong ibigay kay Dastan... ay kayang-kaya rin ibigay ng mga kapatid niya.

Lagay na ang sarili ko na sa gitna ng nalalapit na pangmalakihang digmaan, walang Gazellian ang aalis sa tabi ni Dastan. Ang magkakapatid na iyon ay nabuhay at namanata sa isa't isa na kailanman ay mananatili sa tabi ng bawat isa. Ngunit ngayon... Sina Zen, Caleb at Harper ay piniling humiwalay hindi lang para sa hari, kundi para rin sa akin.

Hindi ko itatangging hanggang ngayon ay may malaking hinanakit pa rin ako sa kanila, lalo na't hinayaan nila si Dastan sa lahat ng mga plano nito, ngunit sa sulok ng aking puso'y may nagsisimula nang magpasalamat.

Nakakaramdam na ako ng pagod at panghihina, kawala ng pag-asa... ngunit nang malaman kong handa na silang sumama... dala'y hindi lang sa hari ang katapatan, kundi pati na rin sa akin, sagli na gumaan ang pakiramdam ko.

Ngunit kung dati'y mas malapit ako sa kanila, madalas ngumiti na tila isang diyosang walang problema, ngayon ay mas pinili kong dumistansya sa kanila.

Kasalukuyan kaming nasa himpapawid, nakaupo ako at nakayakap sa aking mga binti habang tanaw ang kawalan. Ang tatlong Gazellian ay nirespeto ang kagustuhan ko at binigyan ako ng distansya, nanatili silang nasa hulihang parte ng malaking ibon, habang sina Claret at Kalla ay nagpapakiramdaman kung sino ang unang kakausap sa akin.

Hinayaan kong sumayaw ang mahaba kong buhok sa hangin habang pilit na dinadama ang batang nasa sinapupunan ko. Tumulo ang traydor na luha mula sa aking mga mata.

Naghahalo na ang saya at sakit sa puso ko, saya sa kaalamang may bata sa sinapupunan ko na masasabi kong akin at mamahalin ako, at sakit dahil sa sitwasyong sinasapit naming mag-ina.

Pinapatay namin ang isa't isa, nag-aagawan kami sa iisang buhay na ipinagkait ibigay sa amin ng kanyang sariling ama. Ang bawat pagsuka ko ng dugo ay indikasyon na malakas ang anak ko, lumalaban at nais mabuhay. Kung sana'y matuturuan ko lamang ang sarili kong katawan na ipaubaya sa kanya ang lahat.

Isinubsob ko ang sarili ko sa aking mga tuhod at pilit kong niyakap ang sarili ko. Ipit na ipit na ako sa sitwasyon, gusto ko nang bumalik sa palasyo, yakapin ang puno at ibigay ang buhay na nararapat sa anak ko, ngunit nais ko pa rin manatili sa mundong ito, maranasang mahalin siya at pangalagaan, at ipagpatuloy ipaglaban ang mundong pinangakuan ko ng kaayusan.

Ang maging diyosa... ang kapangyarihan ng buwan, ang pagiging reyna at maging ang isa ina sa iisang pagkakataon ay hindi ko akalain na ganito kahirap.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon