22. Secret Feelings

1.4K 93 9
                                    

"KANINA ka pa hindi umiimik, Gab?" si Myca kay Gabriel. Pauwi na silang tatlo sa condo. Nasa manibela si Gabriel, katabi sa passenger seat si Myca. Si Lara talaga ang dapat naroon pero pasimple siyang inagawan ng puwesto ni Myca. Napailing na lang na hinila niya ang pinto ng backseat. Pagkaupong-pagkaupo, ipinikit na lang niya ang mga mata. Hindi niya gustong makita ang mga gagawin pa ni Myca. Gusto sana niyang matulog pero hirap nga siya matulog sa kuwarto, sa moving vehicle pa kaya?

Hindi narinig ni Lara na sumagot si Gabriel. Umungol si Myca, hindi niya alam kung lambing o landi. Landi yata. Hindi na siya magtataka kung pagmulat niya, nakalingkis na naman ang babae kay Gabriel na parang sawa lang. Napaka-bold ke bata bata pa! Hindi talaga nahihiya kahit sino pa ang makakita. Literal na walang pakialam. Lantaran kung mag-flirt! Napaisip tuloy si Lara kung anong magagawa niya sa babae kung nagkataong boyfriend niya si Gabriel.

Nag-ring ang cell phone ni Lara. Napapitlag siya. Napilitang magmulat ng mga mata. Pangalan ni JR ang nasa screen ng gadget. Napangiting tinanggap niya ang tawag. "Jay?"

Hagikhik ng boses babae ang narinig ni Lara—na kung hindi siya nagkakamali ay si Kim—bago niya narinig ang boses ni JR.

"Lara," ang lalaki, parang nang-apuhap pa ng sasabihin. Hindi yata handang makipag-usap. Nakialam na naman malamang si Kim sa cell phone nito. "May sumpong na naman si Kim," Ang idinugtong bago ang magaang tawa. "Malapit na kayo sa condo?"

Nang mapatingin siya sa rearview mirror, nahuli niyang nakatingin si Gabriel. Ibinalik rin nito agad sa kalsada ang tingin. "Kim wants me to say—ahm, take care." Nakita niya sa isip na napapakamot si JR at umiiling. Natawa si Lara. Gusto niya ang closeness ng magkapatid. Naaliw siya sa kakulitan ni Kim. Talagang mina-match sila ni JR. Si JR naman, hindi makapalag sa mga kalokohang pinaggagawa ng kapatid.

Si Kim na ang nasa kabilang linya mayamaya. Dinig na dinig niya ang pilyang tawa. "So, take care, Lara, okay? Kuya Jay cares for you. Ayaw niya lang aminin kasi torpe," kasunod ang pilyang tawa. Mas lumapad ang ngiti niya. Nakasubsob na siguro sa manibela si JR sa kalokohan ni Kim.

"Thanks. Ingat din kayo!" Natatawa pa rin si Lara hanggang ipinapasok na ni Gabriel sa parking area ang kotse.

Salamat sa magkapatid, natatawa si Lara. Nalipat sa iba ang focus niya. May dahilan siyang maging deadma sa dalawang parang honeymooners na. Kung makakapit si Myca kay Gabriel, parang sa kama didiretso ang mga ito pagdating nila sa condo. Kulang na lang ay magpabuhat si Myca kay Gabriel. Mukha namang gustong-gusto ng lalaki ang pagyakap-yakap ni Myca. Hindi nagrereact at hinahayaan lang ang babae.

Pagdating sa sala ng unit, naghiwa-hiwalay na sila. Diretso si Lara sa kuwarto niya. Si Gabriel naman, sa kusina. Si Myca, sa kabilang kuwarto.

"Gab! Pa-share ng bed, ah?"

Muntik nang mag-about face si Lara at magmartsa papunta sa kuwarto ni Gabriel. Kaunting-kaunti na lang talaga, mahihila na niya ang buhok nitong si Myca. Pasimpleng nagbuga ng hangin sa ere sa Lara, ipinilig ang ulo at dumiretso sa kuwarto niya. Tumitig muna siya sa kisame nang ilang minuto, mariing ipinikit ang mga mata ng ilang segundo bago bumangon. Bunot na lang siya nang bunot ng bihisan. Diretso sa banyo at naglinis ng sarili. Tamad na tamad ang mga hakbang pagbalik niya sa kuwarto. Nakasanayan na niyang may ilaw matulog. Si Gabriel na ang pumapatay ng ilaw bago siya iiwan na mahimbing na—dati, noong lagi pa siyang kinakantahan nito para makatulog.

Kailangan na niyang masanay na wala ang boses nito at ang tunog ng gitara. Pipilitin na lang niya ang sariling makatulog. Hindi naman niya gustong uminom ng sleeping pills at dumepende na gamot pagkatapos.

Nasubukan na niyang mag-earphones, makinig sa mga mellow songs pero wala pa rin. Naisip ni Lara, baka ang talagang nagpapatulog sa kanya hindi ang boses ni Gabriel o ang tunog ng gitara—ang presence nito sa kuwarto. Ang laking bagay ang nagagawa ng pakiramdam na hindi siya mag-isa.

Ibinagsak ni Lara sa kama ang katawan. Ang tagal na wala siyang kakilos kilos sa kama. Pinapanood lang niya ang paggalaw ng relo. Hindi niya mapangalanan ang nararamdaman sa dibdib. Parang may space, may butas, may nawawala sa kanya.

Inabot na lang ni Lara ang paborito niyang stuffed toy at niyakap. Ipinikit niya ang mga mata. Hindi na si Miguel ang nakita niya sa isip—si Gabriel at ang eksenang kumakain sila ng chicken leg.

Mas humigit ang yakap ni Lara sa bear. Hindi niya gustong mag-isip. Hindi niya gustong mag-analyze. Mas madaling tanggapin na malungkot pa rin siya dahil kay Miguel. Na ang nararamdaman niyang space sa puso niya, ang bigat sa dibdib niya, si Miguel pa rin ang dahilan.

Hindi niya gustong mag-isip ng ibang dahilan. Walang ibang dahilan dapat. Si Miguel lang. Hindi si Gabriel.

Si Gabriel...

Napapikit si Lara, isiniksik ang mukha sa katawan ng stuffed toy. Ang tagal na sumubsob lang siya sa balahibo ng bear.

Napapitlag si Lara nang may kumatok. Hindi siya nagla-lock ng pinto kaya hindi na siya kumilos. Hinintay na lang niyang pumasok ang kumatok. Si Gabriel ang tahimik na pumasok, dala nito ang gitara. Naka-pajama bottoms na blue at manipis na manipis nang white T-shirt. Hindi iisang beses na nakita niyang ginamit nitong pantulog iyon. Komportable yata kaya paborito nitong isinusuot. Napansin ni Lara na medyo magulo ang buhok nito. Parang naidlip na, bumangon lang para lumipat sa kuwarto niya. Inilapat nito ang pinto at sumandal.

Nagtama ang mga mata nila. Tahimik lang si Gabriel. Hindi rin naman gustong magsalita ni Lara kaya tumingin na lang din siya sa mga mata nito. Ang tagal nilang nagtitigan lang. Na-realize ni Lara, mas nagkakaintindihan sila sa ganoong paraan. Walang kailangang sabihin. Walang kailangang ipaliwanag.

Dahan-dahang umupo si Gabriel sa sahig, sumandal pa rin sa pinto. Pinanood ni Lara ang pagbawi nito ng tingin, ang pag-shift ng atensiyon sa gitara, ang paggalaw ng mga daliri sa strings hanggang nabuo na ang tunog. Hindi ito nag-angat ng tingin, tumugtog lang. Hindi rin kumanta. Tunog lang ng gitara ang pumuno sa kuwarto. Hindi na napansin ni Lara na inaantok na siya. Napapapikit na siya nang magsimulang kumanta si Gabriel sa mahinang boses.

"Hold me, forget the world outside tonight and hold me...And by the flickering candle light our love will glow...And then we'll share the words and feelings no one else will ever know..."

Buong-buo sa isip ni Lara ang imahe nito na tumutugtog ng gitara bago siya tuluyang nakatulog.

Loving Lara (Karugtong Ng Isang Pag-ibig Revisited) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon