12. Confusion

1.5K 81 0
                                    

TUNOG NG intercom phone ang pumutol sa parang malakas na puwersang sumakop sa kanila. Sabay na napapitlag sina Lara at Gabriel. Sabay rin halos na kumilos para dumistansiya na para bang napaso sa isa't isa. Si Lara ang unang nakatayo pero gumiwang siya—naagapan ni Gabriel ang baywang niya. Kinabig siya nito palapit gamit ang isang braso. Na-freeze naman sa dibdib nito ang kuyom niyang mga palad. Ramdam ni Lara ang hindi pantay nilang mga paghinga.

Hinawakan ng isang kamay ni Gabriel ang dalawa niyang kamay, sinadyang ilapat sa tapat ng puso nito. Ramdam niya ang bilis ng heartbeat ng lalaki. Napalunok si Lara, unti-unting nag-angat ng tingin. Nagtama agad ang mga mata nila. Na-realize ni Lara, mabilis rin ang heartbeat niya.

"Ang...Ang phone, Gab..." wala na halos tunog na nasabi niya.

Tahimik lang si Gabriel. Mariin siyang hinalikan sa itaas ng noo bago dumistansiya. Hawak nito ang phone nang ma-realize ni Lara na hindi matatag ang pagkakatayo niya.

Ano'ng nangyari? At napahagod siya sa buhok. Bakit sa mainit na halikan nagtapos ang eksena?

Sa mahigit isang taon na nakasama niya si Gabriel, wala siyang naramdamang iba sa kilos nito. Wala silang interes sa isa't isa bilang opposite sex. Mabait na kaibigan lang si Gabriel na laging nasa tabi niya, handang ibigay lahat ng kailangan niya. Nasanay na siya sa mga gentle gestures, ganoon naman talaga ito.

Pero ang halik kanina...

"Guard?"
Napatingin si Lara kay Gabriel. Hinahagod pa nito ang batok nang sagutin ang tawag.
"Who?" tanong nito. Mukhang may bisita sila. "Si Myca? Paakyatin mo, salamat."

Myca?

Kung hindi nagkakamali si Lara, ang paakyat nilang bisita ay ang nakababatang kapatid ng late fiancée ni Gabriel. Naikuwento sa kanya ni Miguel noon na breadwinner ng pamilya nito si Keira. Pinag-aaral ng babae ang nakababatang kapatid at sinusuportahan lahat ng pangangailangan ng pamilya. Naging responsible man si Gabriel dahil sa babae. Ayon pa sa kuwento ni Miguel, nag-iba ang tingin ng kakambal nito sa mundo nang makilala si Keira. Pero nang mamatay ang babae, bumalik si Gabriel sa sports nito at naging mas malala pa.

Napatingin si Lara sa pinto nang may kumatok. Tumingin muna sa kanya si Gabriel bago binuksan ang pinto.

NAHALATA kaagad ni Lara ang ibang ngiti ng bisita nila. Pagkakita nito kay Gabriel na nagbukas ng pinto, nag-glow ang mga mata. "Gab!" halatang sobrang tuwa. At mukhang hindi balak itago kung gaano kasayang makita si 'Gab'. Yumakap nang mahigpit kay Gabriel. Kulang na lang ay maglambitin sa leeg ng lalaki.

Umangat ang mga kilay niya. Napansin na rin ang suot ni Myca—manipis na halter top at mini-skirt. Kung makayakap pa kay Gabriel parang sinasadya talagang idikit ang sariling katawan. Inilayo na ni Lara ang tingin bago pa siya maasar at makapagsalita nang hindi maganda.

Babaeng mataas ang self-respect at may conservative values si Keira, ayon kay Miguel. Kabaligtaran yata ang kapatid nito? At mas bata pa!

"What brought you here?" si Gabriel, hinatid si Myca hanggang makaupo sa sofa. Ipinakilala siya ni Gabriel. Binati naman siya ng babae pagkaupo pero lumipat agad kay Gabriel ang mga mata.

"Ikaw talaga ang pinuntahan ko, Gab," si Myca na hindi mabura-bura ang ngiti. Pati pag-upo nito, pa-side talaga para kita ang legs? Kung makatitig pa, parang pagkatalikod niya, maglalambitin na kay Gabriel. Napailing si Lara.

Ilang taon na kaya si Myca. 'Art of flirtation' yata ang natutunan sa kolehiyo?

"Sabi mo kasi no'ng last na 'punta mo sa amin, kung...kung kailangan namin ng tulong, ipaalam lang?"

Dumalaw si Gabriel sa pamilya ni Keira? Hindi iyon nabanggit sa kanya ng lalaki. Itinaboy agad ni Lara ang mga naiisip. Bakit nga naman babanggitin sa kanya? Wala naman silang pakialam sa personal activities ng isa't isa.

Naupo si Gabriel sa kaharap na single sofa. Si Lara naman, nasa dining area. Nagpapanggap na abala sa isang basong tubig.

"I'll listen, Myca." At ngumiti. Ang bilis lang palang ngumiti ni Gabriel kapag kausap ang kapamilya ni Keira. Oo nga naman, bakit hindi? Naging girlfriend nito si Keira.

Nanahimik muna si Myca. Sa sulok ng mga mata, nakita ni Lara na sumulyap sa kanya—na para bang hindi nito masabi ang sadya kung hindi siya aalis. Nakatunog agad siya, nagpaalam na bago pa siya itaboy ni Gabriel.

Diretso si Lara sa kuwarto. Ibinagsak ang sarili sa kama.

Eh, di mag-usap kayo ng sekreto, ano namang pakialam ko? Sige lang! Pakialam ko ba? Kahit mag-torrid kiss kayo, go lang!

Naiinis si Lara—kung kay Myca o sa sarili, hindi niya sigurado. Basta nasira na lang ang mood niya. Ang tagal niyang tumitig lang sa kisame. Pagkalipas ng mahabang minuto, naghanap ang mga mata niya nang matititigan sa kuwarto—sa photo frame ng picture nila ni Miguel huminto ang mga mata niya.

Sa picture, yakap siya ni Miguel mula sa likuran. Parehong-pareho ang ngiti nila—buhay na buhay.

Ang tagal na tinitigan lang niya ang picture nila. Bumigat na naman ang dibdib niya. Nami-miss na naman niya si Miguel. Inabot niya ang photo frame at niyakap.

Nalulungkot na naman siya...

Loving Lara (Karugtong Ng Isang Pag-ibig Revisited) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon