Part 1. Lara's Wish

5K 127 10
                                    

FORTY DAYS. Sinasabi ng ilan na sa mga araw na 'yan, nasa paligid pa ang kaluluwa ng isang namatay. Gusto ni Lara na maniwalang tama ang sinasabi ng ilan. Nasa huling araw na ng forty days pero hindi niya maramdaman ang presensiya ng lalaking mahal.

Kahit sandali lang, kahit ilang segundo lang, gusto niyang makita ang best friend, ang lalaking mahal...

Eleven thirty na. Thirty minutes na lang, pang-forty one days na. Bakit wala siyang naramdamang kahit ano? Bakit wala kahit simpleng clue lang na nasa paligid pa rin ang lalaking hinihintay niyang makita?

Niyakap ni Lara ang pictures nila. Nakaupo siya sa kama. Pinili niyang sa kuwarto ni Miguel maghintay dahil naroon ang mga gamit nito. Ang lahat ng naroon ay posibleng kapitan ng energy na hihila rito pabalik.

Nagsimula na naman siyang umiyak. Araw araw na siyang umiiyak pero hindi pa rin nauubos ang mga luha. Kailan ba mapapagod ang puso niya? Mas gusto niyang hindi na lang makaramdam para matapos na ang sakit.

"Okay na kahit five seconds lang. Please, magpakita ka. 'Wag ka munang umalis nang hindi nagpapaalam. Five seconds lang..." Pakiusap niya kasunod ang pagpikit. Kung pinakikinggan ang request ng taong buong pusong humihiling, nasisiguro ni Lara na mangyayari ang hiling niya.

Malamig na hangin ang naramdaman niya.

Unti-unti siyang dumilat—para mas mapaiyak lang nang makitang nakatayo sa harap niya si Miguel. Nakangiti, ang ngiting pamilyar na pamilyar siya.

"Mig..."

Mahabang sandali na nagtama lang ang mga mata nila. Si Lara ang mas lumapit. Gusto niyang hawakan ito sa huling pagkakataon. Pag-angat ng kamay niya, pumikit si Miguel. Pumikit na rin siya para buhayin sa isip ang eksenang imposible na sa realidad. Lamig ang naramdaman ni Lara na sumalubong sa palad niya. Gumapang ang lamig hanggang naramdaman niya sa buong katawan.

If you'd wake up alone one day, 'wag kang iiyak. Hindi mo lang naman ako kasama pero nasa paligid lang talaga ako—minsan araw, minsan ulan, minsan buwan o bituin...mas madalas, hangin. Hindi mo man nakikita, lagi lang nandiyan...

Parang nag-echo kasama ng hangin ang boses ni Miguel. Hindi na nagmulat ng mga mata si Lara. Alam niyang mag-isa na lang siya sa kuwarto. Gusto niyang manatili sa isip ang eksenang iyon.

Ang tunog ang bumukas na pinto ang nagpadilat sa kanya. Napatitig si Lara sa lalaking pumasok, may yakap na life size teddy bear.

"Mig..."

Hindi kumibo ang lalaki, tumitig lang nang diretso sa mga mata niya. Saka lang na-realize ni Lara na ibang tao ang kaharap nila.

"Gab?"

Saka lang humakbang ang lalaki papasok. Lumapit sa kanya sa mabagal na mga hakbang. Huminto ito sa harap niya. Tinitigan siya nang ilang segundo bago naramdaman ni Lara na kaswal na tinuyo nito ang mga luha niya. "Galing kay Mig," sabi ng lalaki. "Gusto niyang ako ang mag-abot sa bear na 'yan." Inilapag nito ang stuffed toy sa kama. "And here," inabot sa kanya ang isang journal. "Puso daw 'to ng bear na 'yan." Iyon lang at naglakad na ito pabalik sa pintuan.

"Lara?"

Napalingon siya.

Isa sa obvious na kaibahan ni Gabriel kay Miguel ang paraan nito ng pagtitig at ang hindi man lang pagngiti. Parang kailangan lagi ng dahilan para ngumiti.

"I'm just here," banayad na sabi ni Gabriel kasunod ang ngiti—unang ngiting nakita niya mula nang dumating ito ng Pilipinas. "Sabihin mo lang kung may kailangan ka."

Tahimik na tumango lang si Lara.

"And..."

Napalingon uli ang dalaga.

"Room ko 'to," ang sinabi nito. "Sa kabilang room ka."

Napakurap-kurap siya.

"Bukas ang flight namin ni Dad pabalik ng US pero babalik ako, Lara."

"For good?"

"For you."

Umawang lang ang mga labi niya.

"For good," pagtatama nito. Nag-half smile muna bago lumabas at inilapat pasara ang pinto. Ilang segundong napatitig si Lara sa pinto bago napailing. Hindi niya masyadong maintindihan ang kakambal ni Miguel.

Inabot na lang niya ang light blue bear at niyakap. Ipapahinga na muna niya ang puso. Sa mga susunod na araw na niya babasahin ang journal ni Miguel.

Napatingin siya sa pinto nang bumukas na naman. Si Gabriel uli, may dala nang pulang rosas. "Kasama ng bear at journal," sabi nito. "May message pa—Hindi ako nang-iwan. Nasa paligid lang ako, Lara. Pumikit ka lang, kamay sa tapat ng puso. I'll hold you always. Love, Mig—a.k.a ang hangin mo."

"Thanks, Gab."

"You're welcome. Be safe while I'm away." Naramdaman ni Lara ang maingat na haplos nito sa buhok niya.

Loving Lara (Karugtong Ng Isang Pag-ibig Revisited) PREVIEW ONLYWhere stories live. Discover now