13. Pain And Blame

1.4K 92 2
                                    

"LARA?" Napapitlag siya sa boses ni Gabriel. Narinig niya ang tunog ng pagbukas ng pinto kasunod ang mga yabag nito palapit sa kama. Hindi siya tuminag, pasimple lang na pinunasan ang basang pisngi.

Naramdaman niya ang pag-upo ni Gabriel sa gilid ng kama niya. Nakatalikod si Lara sa direksiyon ng pinto. Hindi nito makikita na umiiyak siya.

"Lalabas kami ni Myca," sabi ni Gabriel. "Gusto raw mamasyal. Ngayon lang nakalabas ng Tarlac. Sasamahan ko muna," paalam nito sa kaswal na tono. "Babalik ako ng lunch. 'Wag ka nang magluto. Ako na'ng bahala sa lunch natin.

"Okay. Thanks..." Dapat pala, hindi na siya sumagot. Tunog galing sa pag-iyak ang boses niya. Naramdaman niya ang mas paglapit ni Gabriel.

"Are you crying?"

"No..."

"No?" ulit nito, nakalipat na sa kabilang bahagi ng kama. Nasa harapan na niya bago pa nakaiwas si Lara. Umawang ang bibig nito nang matitigan siya. Nagtagal sa frame na hawak niya ang mga mata.

Mabigat ang naging paghinga nito. "I..." tumingala at bumuntong hininga. "I'm...ah—Lara, about the kiss...It's—" wala na itong naidugtong. Tumalikod, hinagod nang paulit-ulit ang batok na parang nahihirapan, saka humarap uli. "God..." ang nasabi nito. "Ano'ng gusto mong sabihin ko, Lara?"

Napatitig naman siya rito, walang naintindihan sa mga sinabi nito na hindi naman binuo.

"Wala..." sagot niya. "Aalis ka 'di ba? Sige, na..."

Napatitig na naman ito sa kanya. Nag-iwas na ng tingin si Lara. Parang labag sa loob na tumalikod na si Gabriel pero hindi pa man nakarating sa pinto ay bumalik na naman.

Ibinaba nito ang sarili, lumuhod sa isang tuhod at matagal na tinitigan lang siya. Gustong ilayo ni Lara ang tingin pero hindi na niya napilit ang sarili. May kung sa mga mata nito na hindi niya maiwan. Umangat ang kamay ni Gabriel, naramdaman ni Lara na nasa pisngi na niya. Maingat na tinuyo ang mga luha niya.

Inabot ni Gabriel ang photo frame na yakap niya at ibinalik sa ibabaw ng maliit niyang book shelf. Ang kamay niya ang sumunod nitong hinawakan, paulit-ulit na pinisil. "It was my fault," anas na lang nito. Pakiramdam ni Lara ay tumawid sa kanya ang emosyon sa mga mata nito—Guilt.

Umiling siya, pinilit pigilan ang luha pero ang bilis na namasa ng mga mata niya. Hinigpitan nito ang hawak sa kamay niya.

"What are we gonna do?" bulong pa rin nito, dinala sa labi ang kamay niya at hinalikan habang titig na titig sa mga mata niya.

"I...I don't know..." umalpas na ang mga luha. Hindi rin niya naintindihan ang nangyari kanina. "Nami-miss ko si Mig..." dugtong niya. "Nami-miss ko siya 'tapos...I...I kissed you back? Ang gulo ko...Bakit ka kasi nangki-kiss!"

Magaang tumawa si Gabriel. Parang nabasag ang mabigat na nasa pagitan nila. Inilapit nito ang sarili at mariin siyang hinalikan sa noo. "Crucify me."

Loving Lara (Karugtong Ng Isang Pag-ibig Revisited) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon