16 [ paper soulmates ]

17.6K 804 280
                                    


"ALAM ko ang kapalaran ko."

Hinila ako patayo ni Nate. Nagulat ako sa reaksyon niya dahil hindi naman siya ganito kaseryoso. Akala ko matutuwa siya pero base sa mukha niya, naiinis siya, mukhang galit at parang kinakabahan?

Pero bakit?

Palabas na kami ni Nate ng tent pero natigilan kami nang magsalita 'yung babae.

"Hindi lahat, tinatakasan."

Nilingon ko ang babaeng nakatingin sa amin. Pinilit akong hilahin palabas ni Nate pero parang nahihipnotismo ako sa mga sinsasabi niya.

"Tumakbo ka. Lumayo ka. Magtago ka. Wala itong saysay. Ang bawat butil na pumapatak ay oras na nalalagas. Desisyon. Magbabago ang lahat. Ang magandang daloy ay gugulo at magsasara. Ikaw ang dahilan. Ikaw ang may sala. Iibahin mo. . ."

Humigpit ang hawak ni Nate sa kamay ko. Kitang-kita ko ang takot niya sa babae. Kahit ako, kinikilabutan na lalo na sa huling sinabi ng babae.

". . . ang kahulugan."

Hinila ako palabas ni Nate ng tent. Nakangiti pa sa amin 'yung batang nagbabantay. Nagbigay ng pera si Nate sa bata. "Ito, one hundred. Pampagaling dun sa nababaliw na babae sa loob."

"Pero, Kuya. . ."

Kumuha pa siya ng pera. "Tulong ko na sa pagpapagamot niya." At ibinigay ulit sa first year.

Nagkatinginan kami ni Nate saglit bago niya ako niyakap gamit ang isang braso. "'Wag kang maniniwala sa mga hula, ah? Kalokohan talaga."

For a moment, nakaramdam ako ng takot.

Nagsaya na lang ulit kami ni Nate pero parang may iniisip siyang malalim. Hindi ko na lang din pinansin siguro kasi weird talaga ang sinabi sa amin ng manghuhula.

Dahil hindi kami pwede sa classroom, tambay kami sa grounds. May dalang banig ang kaklase namin kaya may tambayan kami. Tulog ang iba pero kaming mga gising, pinatulan na ang lahat ng laro: pick-up stick, uno, killer-killer, hanggang sa mapunta sa tong-its, lucky nine at nagsugalan na ang mga kaklase ko.

Pagkauwi, nagtaka ako nang makita kong nakatayo sa labas ng bahay si Kuya.

"Bakit nandito ka? Ayaw mo pu—"

"Shhh!" Hinatak ako ni Kuya.

Tiningnan ko siya nang masama hanggang sa nakarinig ako ng sigawan sa loob ng bahay. Kinakabahan akong tumingin kay Kuya, naghihintay ng sagot.

"Nag-aaway sila."

Hindi ko alam kung bakit ako natakot. Grabe kasi ang sigawan. Rinig na rinig sa kinatatayuan namin sa labas.

"Bakit sila nag-aaway?" tanong ko. Umupo kami sa three-step stairs sa pintuan ng bahay.

"Malay ko. Kararating ko lang eh."

Wala talaga akong nakukuhang matino sa Kuya kong 'to. Nakinig lang kami sa mga sigawang hindi tumitigil. Malabo pero gets na galit sina Mama't Papa sa isa't isa. Sa buong buhay ko, ngayon lang nagsigawan nang ganito mga magulang ko.

"Wala ba tayong gagawin?" tanong ko.

Bumuntong-hininga si Kuya at tumayo. "Tara, pasok."

Pagpasok namin, natigilan sina Mama at Papa at tumayo nang maayos. Nagkatinginan kaming apat.

"Bakit ka umuwi?" tanong ni Papa kay Kuya.

"Kumain na ba kayo?" tanong ni Mama. "Magluluto lang ako, kain na tayo mamaya."

AFGITMOLFM (2019 version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon