CHAPTER TEN

1.5K 54 0
                                    

"Dito ka na lang sa bahay." Sabi ni kuya bago kumuha ng payong at akma ng lalabas pero pinigilan ko siya.

"Gusto ko sanang . . . pumunta sa lumang bahay sa dulo kuya." Pagpapaalam ko. Kumunot ang noo niya sa pagtataka.

"Doon sa haunted house?" Ano? Napalo ko siya sa braso na ikinagulat niya.

"Hindi nga iyon haunted house. Bakit ba ganoon ang tingin niyong lahat?" Hindi makapaniwala kong tanong.

"Walang tumira ng matagal na panahon, luma na ang bahay at mukhang napabayaan na. Anong gusto mong magiging tingin namin?" Umiiling na lumabas si kuya ng bahay.

"Basta nagpaalam na ako ah! Pupunta ako mamaya!" Habol na sigaw ko.

"Oo na! Huwag ka sanang makakita ng multo." Kumakaway na sabi niya kahit nakatalikod na sa akin at naglalakad na paalis.

Si kuya Ace talaga . . .

Kailangan ko lang naman hikayatin si Altaire na sumama sa klase para matapos ang lahat ng ito. Ang problema, iyon pa lang mahirap ng gawin.

Tumungo ako sa kusina at naghanda ng pang almusal na dadalhin doon.

Hindi ko pa din alam kung anong dapat kong gawin para makiisa siya sa amin. Sabi niya nga, mas gusto niyang nag-iisa. Pero alam kong may paraan pa.

May pakiramdam kasi ako na may pumupigil sa kanya pero alam kong gusto din niyang makiisa sa amin.

Maayos kong inilagay sa dalawang lunch box ang mga hinanda ko at inilagay sa isang paper bag. Ayos, ngayon kailangan ko ng magbihis.

Binilisan ko lang ang paliligo at nagbihis lang ng puting T-shirt at pantalon bago nagsuot ng doll shoes.

Pagkalabas ko ng bahay ay inilock ko na ang pinto at nakangiting humarap sa direksyon ng bahay nila Altaire. Lakad na Jess!

Kahit kinakabahan ay nakangiti pa din akong naglakad papunta doon. Habang palapit ako ng palapit sa malaking bahay ay napapansin kong halos mga puno na lang ang nasa paligid.

Hindi pa ako nagpunta ni minsan dito dahil wala namang nakatira kaya sinong dadalawin ko? Tsaka may sabi sabing haunted nga ang bahay.

Hindi naman ako naniniwala doon. Hindi din naman ako takot sa multo. Ayoko lang talagang pumunta kahit niyayaya ako nila Suzy na mag ghost hunt daw kami. Wala naman kasi talagang multo.

Tumigil ako sa harap ng gate nito at pinagmasdan ang hitsura ng buong lugar.

Hindi naputol ang mga damo, pati ang gate ay mukhang may kalawang na at may damo na ding nakasabit dito. At ang bahay.

Mas luma pala ito kung tinignan sa malapitan. Parang walang tao at . . . malungkot. Isang malaking bahay pero malungkot tignan.

Naalala ko tuloy ang mga mata niya. Malungkot ba siya dahil siya lang mag-isa sa malaking bahay na ito? Kung ganoon kailangan kong magmadali.

Maingat kong binuksan ang gate pero tumunog pa rin ito dahil sa kalumaan. Pagkatapak ko sa loob ay natigilan ako.

Sinalubong ako ng malamig na hangin kaya mariin akong pumikit. Pagkadilat ko ay marahas akong huminga.

Posible bang . . . magbabala ang hangin? Bakit ganoon ang pakiramdam ko? Ibig bang sabihin ay delikado ang lugar na ito?

Pero ito ang bahay ni Altaire. Iyon ang sabi niya. Bakit siya . . . magsisinungaling sa akin? Sa bahay kayang ito, malalaman ko ang sikreto niya? Dapat akong pumasok.

Mabagal akong humakbang habang palingon lingon. Parang may nakamasid sa akin. Pero wala namang ibang tao kundi ako. Mas binilisan ko ang lakad hanggang makarating ako sa pinto ng bahay.

Inangat ko ang kamay para kumatok pero hindi pa ko nakakakatok ay bigla iyong bumukas. Napaatras ako sa hindi inaasahang pangyayari kaya hindi ako agad nakapasok. Napalunok pa ako bago linakasan ang loob at dahan-dahang pumasok.

Madilim. Walang kahit bintanang nakabukas. Tanging mga kandila ang nagsisilbing ilaw. Malawak ang lugar pero walang kahit anong gamit. Sa magkabilang gilid ay may paikot na hagdan papunta sa ikalawang palapag.

Napatingala ako at nakitang may mga nakasabit ding maliliit na kandila sa isang lalagyan kaya parang nagmukha itong chandelier. Pero hindi pa din dapat ang liwanag ng mga kandila para mailawan ang buong lugar. Sa tingin ko, ito dapat ang sala.

Napatingin ako sa baba at alam kong mayroon itong carpet. Muli kong ibinaling ang tingin sa harapan. Kahit naman saan ako dumaan ay sa second floor pa din ang tuloy ko.

Pinili ko na lang ang kaliwang hagdan at doon umakyat. Pero napatigil ako ng may mapansing pinto sa gitna ng dalawang hagdan. May nakatakip doong itim na tela. Hindi ko iyon napansin kanina.

Pero hinayaan ko na lang iyon at nagpatuloy na. Kumaliwa ako ng nasa second floor na ako at nagtingin tingin sa mga nakasarang kwarto.

Pati ang pasilyo ay may mga kandila. Doon ko napansin ang isang pinto na nakaawang kaya lumapit ako doon. Mahigpit akong napahawak sa paper bag na dala ko dahil nagsisimula na akong kabahan.

Hindi masamang tao si Altaire, hindi ako nagdududa doon. Kaya hindi ko din alam kung anong ikinatatakot ko.

Sumilip ako sa nakaawang na pinto. Madilim lang kaya tumingin ako sa bandang kaliwa para lang mapatakip sa bibig sa nasaksihan. Sino sila?

Madilim pero alam kong babae at lalaki sila. Nakatagilid sila at magkaharap sa isa't-isa. Naaninag ko ang pagbuka ng bibig ng lalaki kaya alam kong may sinabi siya.

Nanlaki ang mga mata ko ng lumapit ang lalaki lalo sa babae at makita ko ang kanyang mukha.

Altaire . . .

Naibagsak ko na lang ang paper bag na dala ko dahil sa sunod na eksenang nakita ko.

Malinaw kong nakita ang paghaba ng dalawa niyang pangil at pagkagat sa leeg ng babae. Bago pa sila mapalingon sa kinaroroonan ko ay umalis na ako at nagmadaling bumaba sa hagdan.

Pero bigla na lang nanlambot ang mga tuhod ko ng nasa gitna na ako ng hagdan at namalayan ko na lang ang pagtama ng katawan ko sa doon at ang paggulong ko pababa.

Nahilo ako pero pinilit pa ding umupo. Sumakit ang katawan ko at napahawak ako sa kanang siko ko dahil tumama iyon sa railing ng hagdan. Mariin akong napapikit at kinagat ang ibaba kong labi sa kirot.

Marahas akong napatingin sa pinanggalingan ko ng may madinig akong mga yabag doon. Tumayo ako kahit pa muntikan ng muling madapa at humarap sa pinto pero nabigla ng dahan-dahan iyong bumubukas.

S-sino . . . hinde. Hindi ako pwedeng makita. Walang akong ibang mapagpipilian kundi ang magtago sa pinto na may takip.

Pumasok ako doon at agad iyong isinara. Naghahabol pa ako ng hiningang napasandal sa pintuan at napaupo na lang na parang nawalan ng lakas. Napayakap ako sa sarili dahil sa lamig ng kwarto.

Y-yung nakita ko kanina . . . totoo ba iyon? Ibig sabihin noon- huh?

Anong . . . klasing kwarto ito? Wala sa sariling tumayo ako at gulat lang na pinagmasdan ang buong kwarto.

Kaya ba . . . malamig dito? May mga patay na hayop na nakasabit mula sa kisame. Baboy, manok, kambing . . . para itong storage room. Malaking refrigerator.

Lumakad ako para makita iyon ng maigi pero pabiglang napabaling na lang ulit ako sa pinto ng marahas na bumukas iyon.

Napaatras ako ng may dalawang babae ang pumasok. Isang brown ang buhok na hanggang balikat at isang mahaba at kulay itim. Nakilala ko ang isa sa kanila. Yung babaeng . . . y-yung . . .

"Nandito siya." Nagulat ako sa biglaang ngiti ng maiksi ang buhok. Na para namang totoo.

Napatitig na lang ako sa lalaking pumasok na nakatingin din sa akin. Pero ngayon ay hindi na kulay itim ang mga mata niya. Gaya na iyon ng una ko siyang nakita.

.
.
.
.

Kulay dugo.

My Vampire PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon