Chapter 4

15.4K 313 41
                                    


Naantala ang gagawin sanang pagkatok ni Matthew sa opisina ni Charito nang marinig niya ang malakas na tawa nito. Ngayon niya lang ito narinig tumawa ng ganoon magmula nang ikasal sila. Tila napakasaya nito. Napakunot ang noo niya nang mabosesan ang kausap nito, si Mark, ang kanilang bagong Marketing Head. Hindi niya alam na magkakilala ang dalawa. Kaninang umaga niya lang iyon nalaman at iyon ay base sa pag-uusap ng dalawa. Kunsabagay, magmula noong tumuntong sila ng college at mag-aral sa magkaibang university ay marami na siyang hindi alam tungkol sa babaeng pinakasalan, kaya hindi na nakapagtataka kung hindi niya rin kilala ang mga naging kaibigan nito.

Pabalik na siya sa kanyang opisina nang mag-ring ang kanyang cellphone. Dinukot niya iyon mula sa bulsa ng suot na slacks. Napakunot ang noo niya ng mabasa ang pangalan ng biyenan. Kahapon pa ito tumatawag sa kanya subalit hindi niya iyon sinasagot.

Wala siyang maisip na kailangan nito sa kanya. Hindi naman siya nagkulang sa report na ipinapadala niya rito at kung may tanong ito ay ipinapadala nito ang driver nito at nakikipagcoordinate iyon sa sekretarya niya.

Nakasisiguro siya na walang kinalaman sa trabaho ang pakay nito sa pagtawag sa kanya. Para sa kanya ay wala na silang dapat pang pag-usapan. Pinutol na niya ang kung anuman ang nag-uugnay sa kanilang dalawa. Kung may utang na loob man siya rito ay napagbayaran na niya iyon, dahil ang kapalit ng utang na loob na iyon ay ang sarili niyang kaligayahan.

Muli niyang ibinalik sa bulsa ang cellphone. Nasa loob na siya ng opisina niya nang makatanggap naman siya ng text message mula kay Donald. Binasa niya iyon.

I have to talk to you.

Matapos basahin ay inilapag niya sa lamesa ang cellphone, wala siyang balak na replyan ito. Nagpakaabala na lang siya sa trabaho. Hindi niya namalayan na oras na pala ng meeting nila kung hindi pa iyon ipinaalala sa kanya ni Karen, ang kanyang sekretarya.

Nang lumabas siya ng opisina ay halos kasabay niya ring lumabas si Charito nang opisina nito kasunod si Mark. Nauna lang ang mga ito nang ilang segundo. Sinadya niyang bagalan ang paglalakad upang hindi makasabay ang mga ito. Hindi naman siya napansin ng dalawa na tila masayang-masaya pa rin sa pagkukuwentuhan. Muling napakunot ang noo niya at hindi niya maintindihan ang tila init na lumukob sa dibdib niya nang makitang inalalayan pa ni Mark si Charito nang pababa na ang mga ito sa mezzanine kung saan naroroon ang conference room nila. Parang naiinis siya na hindi niya mawari. Imposibleng nagseselos siya dahil sigurado siya sa sarili niya na wala siyang ibang nararamdaman para kay Charito kung hindi galit , ang hindi niya maintindihan ay kung bakit pati kay Mark ay tila naiirita siya.

Hanggang sa nakapasok ang dalawa sa conference room ay hindi siya napansin ng mga ito. Pagdating niya roon ay nakaupo na ang dalawa, magkatabi. Isang maluwag na ngiti naman ang ibinigay ni Charito sa kanya nang makita siya.

"Matthew," tawag nito sa kanya at kinawayan siya pinauupo siya sa bakanteng upuan sa bandang kaliwa nito, nasa kanan si Mark. Isang tango lang ang ibinigay niya rito at naupo naman siya sa tabi nito. "Akala ko hindi ka pa bababa, tatawagan na sana kita," bulong nito sa kanya nang nakaupo na siya.

"It's an important meeting, I wouldn't wanna be late," aniyang sa mga papel na hawak niya nakatingin.

"Anong oras ang meeting mo sa Korean client?" tanong ni Charito.

"After lunch," maiksing sagot niya.

"Baka puwede mong isama si Mark," suhestiyon nito.

Nilingon niya ito, lalong lumalim ang kunot sa noo niya. Tiningnan niya ito na parang sinasabing 'Bakit ko siya isasama?'

Tila nabasa naman ni Charito ang nasa isip niya. "Well, meeting with client is also a part of his job, maybe he could tag along with you this afternoon para mapamilyar siya sa transaction natin at para makilala niya rin ang kliyente." Mahabang sagot nito.

The Unwanted WifeOn viuen les histories. Descobreix ara