Mahal Kita

1.5K 37 2
                                    

***

Ang pag-ibig sa akin noon ay isang kagustuhan
Kagustuhang isuko ang puso sa sinuman
Na makapag-iingat nito
Kagustuhang patibukin ito sa sinuman
Na magmamahal
Ano lang ba kasi ang magmahal at mahalin?
Sa isip ko, parang madali lang
Kapag mahal niya ko
Madali nang ibalik ang damdamin
Kapag seryoso naman siya
Madali nang mahulog at umamin
Pero sablay
Di pala pwedeng ipilit
Hanggang sa masaktan at makapanakit
Hanggang sa mawalan at maiwanan
At matapos ang pag-ibig

Nang dumating ka
Hindi ko naman gustong
Ibigay ang puso ko sayo
Masyado ka kasing komplikado
Iba ang iniiyakan mo
Iba ang ginugusto
Iba rin ang pangarap na isinasamo
Pinanghahawakan mo siya
Habang nasasaktan ka
At ako parang tangang sinasamahan ka
Sabi nga nila, wag magmamahal ng taong
Hindi pa tapos magmahal ng iba
Pero napagod na lang silang magsalita
Naubos na lang lahat ng paalala
Wala

Hindi ko gustong ibigay ang puso ko sayo
Pero nakuha mo

Ikaw kasi yung klase na makulit pa sa makulit
Ikaw yung mga isipin na di ko naman iniisip
Pero singit nang singit
Sayo yung mga tibok ng puso ko
Na ayokong pakinggan pero gumigiit
Sayo yung mga luha
Na hindi naman ako ang dapat magpahid
Pero nakagigipit

Ikaw yung pag-ibig na parang tuksong kailangang labanan
Yung mga titig na hindi dapat pag-isipan
Yung mga ngiting hindi dapat panghawakan
Yung mga labing hindi dapat halikan
Yung mga yakap na hindi dapat higpitan
Yung mga kamay na hindi dapat kapitan

Ikaw ang mga pangarap at mga panaginip
Na ginigisingan
Ikaw ang lahat ng damdaming dapat tinatalikuran
Ikaw yung gusto ko na kapag tinuluyan
Parang kasalanan
Pero ikaw rin ang pag-ibig na nakakapit kahit hindi ko hawakan

Ikaw ang pag-ibig na ayaw magpaalam

Ikaw ang lahat ng bakit
Na walang sagot pabalik
Bakit sayo nahulog?
Bakit kailangang mabaliw?
Bakit mahirap huminto?
Bakit ikaw kahit masakit?

Ikaw ang lahat ng kahit
Na hindi ko mabali

Kaya sumuko na lang ako, nagpatalo
Sa lahat ng tuksong ipinangalan ko sayo
Wala rin naman akong kalaban-laban
May pagpipilian pero laging ikaw ang hantungan
Habang lalo kong pinipigilan
Ang tingnan ka
Gustuhin ka
Mahalin ka
Lalo lang akong lumulublob sa kabaliwan
Lalo lang kitang
Tinitingnan
Ginugusto
Minamahal
Inaasam

Mahal kita.
Malala na, hindi ko maiwasan.

Wala akong ibang alam kundi mahal kita

Mahal kita sa paraang hindi ko matantiya
Mahal kita sa paraang hindi ko maipagkaila
Mahal kita sa lahat ng paraang mayroon ang tadhana

Mahal kita sa lahat ng araw
Mahal kita bawat oras
At mahal kita sa lahat ng bukas

Mahal kita
Akin ka man o hindi
Mahal kita
Masaktan man o ngumiti
Mahal kita
Lagi at lagi

Mahal kita
Sa lahat ng bakit
Mahal kita
Sa lahat ng kahit
Mahal kita
Nang walang pagpipilit

Mahal kita
Kahit na hindi ko naman ginustong ibigay ang puso ko sayo
Mahal kita
Kahit na para kang tuksong iniwas-iwasan ko
Mahal kita kahit ayoko nung una

Mahal kita nang walang pamamaalam.

Kung dadaanan ko uli ang lahat ng pagtitimpi,
Pagbabawal
Pagpipigil
Lahat ng
Sakit
Bakit
At kahit

Hanggang dulo, hanggang huli,
Sa lahat ng sandali

Sasabihin ko pa ring
Mahal kita
sa lahat ng kahulugan ng salitang
mahal kita. 

#0141h/11032016 #FallbackGirlFeels

Art for Heartaches (Poems)Where stories live. Discover now