Isang Araw Pa

1.2K 16 0
                                    

***

Isang araw
Baka maaari nang magpaalam
Sa lahat ng araw
Na naiwan
Mo sa akin

Mga araw
Na naipit sa gabi ng iyong pag-alis
At nanangis sa kanilang
Huling pagdating

Mga araw
Kung kailan
ngumiti ka siguro
O humalakhak
Kung kailan
Tumigil ka na siguro
Sa pag-iyak
Kung kailan
Ang puso mo at puso ko
Ay sasapat
Ang dalangin
Upang hatakin pa
Sa pagmamadali
Ang isa pang bukas

Isang araw pa sana
Upang pahalikin ang tag-init sa iyong balat
Isang araw pa sana
Upang panginigin ng taglamig ang iyong yakap
Isang araw pa sana'ng naibigay
Upang higitin, at bawiin,
Ang iyong paghinga sa pagtigil
Ang iyong puso sa paghinto
At paglisan sa akin.

Isang araw
Baka maaari nang patigilin
Ang lahat ng luha na iniwan mo sa akin
Nang gabing umalis kang
Bitbit ang puso ko sa panangis

Isang araw
Baka maaari nang pawiin
Ang lahat ng sakit na iniwan mo sa akin
Nang gabing tumalikod
Ang lahat ng bukas na ating hiniling

Isang araw
Baka maaari nang palayain
Ang lahat ng pagsisisi't pananaginip
Ng isang araw pa
Para ikaw'y makapiling

Isang araw
Baka maaari nang gumising
Sa isang bagong araw
Na para sa akin
Kung saan
Ikaw na umalis
Ay hindi na isang patalim
Na aking iindahing tulad
Ng nakabantang kamatayan
Kung saan
Ako na naiwan
Ay hindi na mabubuhay
Upang patayin
Sa kirot ng pagdating
ng panibagong araw
Na gusto ko sanang
Ibigay
Sayo.

#0744g/11062016 #GirlOfNeverFeels

Art for Heartaches (Poems)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon