Tiwala

1.7K 21 0
                                    

-----

Ilalagay ko ang aking punyal
sa iyong mga kamay
at ipahahayag ko
ang pag-asang
ikalulungkot mo
ang pagtatarak nito
sa aking dibdib.
Samantala
ilalagay mo ang iyong punyal
sa aking kamay
at ipahahayag ang pag-asang
ikalulungkot ko
ang pagtatarak nito
sa iyong dibdib.

At bawat punyal
ay tahimik at malinis
sa dugo at bahid
ng saksak sa isang hininga
hangga't tayong dalawa
ay hindi nakaririnig
ng mga bulong at sulsol
ng makakating dila;
hanggat tayong dalawa
ay hindi nabubulag
ng dula at balita
ng ating malisya;
hangga't hindi natin
pinag-iisipan ng masama
ang nakatagong kamay
ng isa't isa.

Bakit kaya
hindi natin sinubukang
bumitaw nang tuluyan
sa ating mga punyal
at sa halip ay nagpalitan
ng hinaing at panayam
sa hapag ng isang
masaganang hapunan
at maigting na bayanihan?

Bakit kaya
may talim ang ating tarangkahan
bilang pagtatanggol sa sarili
bago pa ang panganib?

Paano kayang tayo ay nadaya
sa pagpanig sa tabak,
ganti at hinala;
at ginawa nating kawal
ng ating yaman at adhika
ang damot at pangamba
sa ating sariling lupa
kaysa nakiramay
sa ngiti, hapis, luha
ng isang kalahi?

Patuloy nating ipagtanggol
ang ating sarili
sa hindi natin kalaban.

Patuloy tayong mamuhay
sa takot at karahasan.

Oo. Patuloy tayong mamatay
nang lumalaban
sa hangganang hindi tayo
ang may pakinabang.

Oo. Patuloy nating lipulin ang ating lahi. #


Art for Heartaches (Poems)Where stories live. Discover now