Lingon

14.1K 342 20
                                    

LINGON

September 3, 2010 at 10:33pm

Inaaalala kitang tila sa malayong umaga...

Saan ka na nga ba iginiya ng tadhana?

Ni hindi ka nakita ng papalayo ka na...

Namamaalam pala ay bakit di ko nadama?

(Hindi naman nakapikit, lalong hindi nakalingon,

Mata ko nama'y pilit na sayo lang nakatuon

Ngunit bakit dumating sa sandaling walang tugon

Di ka na matanaw, tayo'y di na magkarugtong)

Inaaalala kita na tila gabing madaya...

Saan ka na nga ba tinaboy ng iyong duda?

Ni hindi ka napigil sayong mga pangangamba...

Lumisan ka na pala ay di ko pa nasawata...

(Hindi naman nakapiit, lalong hindi nakapandong

Puso ko nama'y pilit na sayo ang direksyon

Ngunit bakit sa pag-alpas mo ang lahat ay humantong

Di ka na masundan, ni maunawa, ni matunton)

Inaalala kita na tila pumanaw na umaga...

Inaalala kita na tila gabing lumuluha...

Sapagkat,

Inaalala na lamang kita.

Art for Heartaches (Poems)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon