R.I.P Pilipinas

2.1K 64 1
                                    

-----

Filipino,
patuloy nating dayain ang ating sarili
na tayo ay malaya at may karapatan
habang
may pinapatay sa lansangan
(hindi lang natin kaanak kaya wala tayong pakialam)
may ikinukulong na inosente
(hindi lang natin kaibigan kaya wala tayong masabi)
may binabaril na bayani
(hindi lang natin kakilala kaya wala tayong pasintabi)
may nagugutom na pobre
(hindi lang natin kapitbahay kaya wala tayong pasakalye)
at may nagtatawang kriminal
(hindi lang natin kaaway kaya wala tayong maisaksi).

Filipino,
patuloy nating dayain ang ating sarili
na may pangil ang batas kahit ito ay pustiso
patuloy nating hintayin ang lilitaw na bayani
habang nagpapakataba at nagpapasasa tayo
patuloy nating idalangin ang milagrong pagbabago
sa kabila ng ating panghihinang pangunahan ito
patuloy nating libakin ang mga ipokritong
ituturo rin tayo.

Filipino,
magsisihan tayo sa araw at gabi
dahil iyon ang madali;
magturuan tayo sa kung sino ang salarin at sino ang api
kaysa kabakahin ang mali;
magpakatalino tayo at makipagdebate sa iba pang matalino rin
dahil marami pa'ng araw ang nalalabi -
lalaki pa ang mga anak mo, anak ko at anak nila
at may ipamamana pa tayong libangan ng sawi.

Filipino,
unahin natin ang ating sarili kaysa sa ating bayan
(dahil bakit naman tayo makikialam?
Hindi naman nauubos ang kriminal sa Silangan.)
Unahin natin ang teknolohiya, paglilibang at karangyaan
(dahil maiksi lang ang buhay para ilaan
sa walang katuturang pakikipaglaban sa bayan).
Unahin natin ang lahat ng bagay na mapaglilipasan
at ipamana sa kasunod na henerasyon ang ating agam-agam.

Filipino,
huwag tayong kumilos ni mag-isip ng para sa Perlas ng Silangan.

Filipino,
patuloy nating patayin ang Gomburza, si Rizal, Bonifacio, Luna,
at iba pang bayaning hangal sa pagbibigay ng kalayaan.

Filipino,
patuloy nating patayin ang ating lahi. #



Art for Heartaches (Poems)Where stories live. Discover now