Manika

2.6K 150 26
                                    

Nagdadalawang isip ako. Gagawin ko ba talaga ito para sa kaniya? Gagamitin ko ba talaga ang aking pinaghirapan para maging masaya siya? Pero mas nangingibabaw pa rin sa akin na gusto kong makalimutan niya kahit sandali ang kaniyang nakaraan.


Humahanga ako sa kaniya dahil sa kabila ng pagiging bata niya, nagagawa niya pa ring maging masaya sa kabila ng nangyari. Isa siyang larawan ng isang malakas na babae.


Bigla kong tinaga ang kawayan kong alkansya. Nag-iipon kasi ako para makapag-aral. Alam kong imposible pero gagawin ko ang lahat. Kakaunti pa ang laman nito dahil barya lang naman ang kaya kong ilagay. Ngunit sapat na siguro ito para makabili ng makakapagpasaya sa kaniya.


Tumakbo ako nang mabilis para pumunta sa palengke. Kailangan kong bilisan upang sa paggising niya ay makita niya agad ang regalo ko.


Wala akong pakialam sa mga tumatawag sa akin. Naghahanap na naman sila ng makakalaro.


Sa unang pagkakataon, kakalimutan ko ang lahat para sa kaniya.


Hinanap ko agad ang tindahan ng mga laruan at natuwa ako nang makita ko ang aking hinahanap.


"Ano'ng iyo, bata?" tanong ng tindera habang nakataas ang manipis niyang kilay.


Bigla akong nahiya. Ngayon ko lang naisip na nakakahiya ang gagawin ko. Ako na isang lalaki ay bibili ng manika?


"Magkano po ito?" tanong ko habang hawak ko ang isang manika na kung hindi ako nagkakamali ay Barbie ang pangalan.


Nakita kong mas tumaas pa ang kilay ng babae habang humahaba ang nguso nito.


Wala siyang nagawa kaya't sinabi na niya ang presyo. Sakto lang pala ang ipon ko para rito. Akala ko'y may iba pa akong mabibili.


Habang iniabot niya sa akin ang laruan ay may sinabi siya na mas lalong nagpainis sa akin.


"Bili ka ulit dito, Baby Girl"


Gusto ko sana siyang sagutin pero bigla kong naalala na nagmamadali nga pala ako.


Muntik ko nang mabangga ang isang tindera ng sigarilyo dahil sa bilis ng aking takbo.


Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla akong nadapa at tumama ang mukha ko sa kalsada. Tiningan ko ang paligid at nakahinga ako nang maluwag nang makita kong walang nakakita sa akin. Siguradong pagtatawanan nila ang isang batang lalaki na nadapa habang tumatakbo at hawak ang isang manikang pang-babae.


Biglang nawala ang ngiti sa aking mukha nang makita kong gising na si Jocelyn. Nasira na ang aking plano.


"Totoy, bakit may bukol ka sa noo?" nag-aalala nitong tanong sa akin.


Noon ko lang napagtanto na ang lapit na ng mukha niya sa akin at akmang hahawakan ang aking noo. Bigla akong lumayo sa kaniya at sinabing nauntog lang ako sa pader.


"Bakit nga pala may hawak ka na manika? Huwag mo sabihin na isa kang binabae. Kaya siguro lagi mo akong inaaway dahil naiinggit ka! Gusto mo ng mahabang buhok ano? 'Wag kang matakot, hindi naman kita isusumbong kay Ama dahil siguradong sasaktan ka no'n. Pero wala na namang problema kay Ina dahil alam kong matatanggap ka niya nang buo."


Bigla akong nagulat. Gusto ko siyang sigawan pero may ibibigay nga pala akong regalo.


Lumapit ako sa kaniya at binatukan siya.


"Anong binabae? Para sa'yo 'yan, baliw."


Nakita ko ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. Ngayon ko lang siya napasaya nang ganito. At aaminin kong ang sarap sa pakiramdaman na ako ang dahilan ng kaniyang kasiyahan.


"Salamat."


Bigla niya akong niyakap at hindi na ako pumalag.


Ako si Totoy. Walong taong gulang. At sa unang pagkakataon, naranasan kong mayakap ng isang malakas, masiyahin at palabang babae.








TotoyWhere stories live. Discover now