Dahilan

2K 125 14
                                    

Napakabilis ng mga pangyayari. Dinala si Leo sa ospital samantalang tinakasan na ng pulis ang kaniyang responsibilidad. Marahil ay alam na niyang mapaparusahan siya sa kaniyang ginawa.

Naging masaya ako sa balita. Daplis lang daw ang nangyari kay Leo. Sa ngayon, kailangan niya munang magpahinga sa ospital nang ilang araw. Sana ay matauhan na siya. Dahil ngayon, ang nasa tabi niya lang ay ang taong nagmamahal at nag-aaruga sa kaniya nang buong puso. 

Nilapitan ako ni Jocelyn habang nagninilay-nilay sa harap ng aming bintana. Tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata niya na may nais itong sambitin. Marahil ay nauubusan lamang siya ng lakas upang iwaksi ang mga salita. 

"Ano 'yon, Jocelyn?" marahan kong tanong.

"P-Pasensiya ka na. Simula ngayon, hindi na kita iiwasan. Naisip ko rin naman na masama ang hindi pamamansin sa'yo. Wala ka namang ginawang masama sa akin," nahihiya nitong sambit.

"Kalimutan na natin ang lahat." 

Niyakap ko siya. 

Pagkatapos naming kumalas sa yakap na iyon ay nakita ko ang ngiti sa kaniyang mukha. Ano ang meron? Bakit habang tumatagal, gumaganda siya sa aking paningin?

"Gusto mo puntahan natin si Leo sa ospital? Magpasama tayo kay Ina."

"Magandang ideya. Tara, magbihis na tayo dahil sigurado namang papayag 'yon." 

Pagkabihis namin ay niyaya na namin si Ina. Nagulat siya kaya pinalo niya kami nang mahina. Bigla kong naaalala, kahit isang beses ay hindi niya kami pinagbuhatan ng kamay. Napakasuwerte namin sa aming mga magulang. 

Pagkarating namin sa ospital ay tinanong namin ang kwarto na pinagtutuluyan ni Leo. Inasistahan kami ng isang nars papunta ro'n. Nakita ko ang isang lalaki na nakaupo. Marahil ito ang Tito niya. Hindi mo mahahalata na isa siyang binabae. Bakit ito ikinakahiya ni Leo? Mukha itong disente at mabait. Kung hindi ko alam na bakla ito ay aakalain ko na ama siya ng aming kaklase. Magkamukhang-magkamukha sila. 

Kami kaya ng aking ama, magkamukha rin? Pumasok sa aking isipan si Tito Julius. Hindi siya ang ama ko. Hindi ko alam ang aking gagawin kapag nakilala ko ang tunay kong ama. Marahil ay hindi ko siya kayang harapin.

"Magandang Umaga po. Gusto pong bisitahin ng aking mga anak ang inyong pamangkin. Kumusta na po ang kaniyang kalagayan?" sabi ni Ina.

"Mabuti naman at nakapunta kayo. Ayos na naman siya. Kaya lang, maya-maya pa raw siya puwedeng bisitahin," sagot ng tito ni Leo.

"Ganoon? Bibili lang ako ng makakain natin. Halika, Jocelyn samahan mo ako. Ikaw ba, Totoy?" 

"Hindi na po. Magpapa-iwan na lang muna ako rito."

Tumango si Ina at naglakad na silang papaalis ni Jocelyn. Naiwan kaming dalawa rito ng tito ni Leo. Gusto ko siyang makausap. Hindi ko alam pero gusto kong malaman ang kasagutan kung bakit ganoon ang pakikitungo ni Leo sa kaniya.

"Ikaw si Totoy, tama?"

Tumango ako.

"Kumusta naman ang pamangkin ko sa eskwelahan? Balita ko ay sakit siya ng ulo sa mga guro at nang-aaway ng mga estudyante."

"Ganoon lang po talaga siya. Sanay na po kami sa ugali niyang iyon. Pero pagdating sa mga kaklase niya, mabait siya at maaalalahanin. Puwede po ba akong magtanong?"

Tumango siya bilang kasagutan.

"Bakit po naging ganoon si Leo? Huwag po kayo magagalit pero ikinakahiya niya po kasi kayo. Wala naman akong nakikitang masama sa inyo na dapat ikahiya," mahina kong tanong.

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon