Betong

2.7K 139 36
                                    

Biglaan ang lahat.


Isang araw, ginising kami ni Ina mula sa pagkakatulog. Tuwang-tuwa siya. Alam kong may maganda siyang balita kaya bigla na lang nawala ang aking antok.


"May trabaho na ako sa pabrika. Makakapag-aral na kayo," sabi niya sa amin habang tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata.


Tuwang-tuwa kami ni Jocelyn noon. Niyakap namin si Ina. Kasabay no'n ang pagdating ni Ama dala ang aming gagamitin sa pagpasok.


At ngayon, nasa harap kami ng paaralan. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman sa oras na ito. Magkahalo ang kaba at saya. Magkahalo ang pangambang baka pagtawanan ako at ipahiya.


Dahan-dahan kaming naglakad papasok. Nakita ko ang mga batang kasama pa ang kanilang magulang. Ang iba'y masayang naglalaro. Ang iba'y umiiyak. Ang iba'y kumakain sa isang sulok.


Alam na namin ang aming silid-aralan dahil sinamahan kami ni Ina sa pagpapalista.


Sa dilaw na pintuan ng aming kwarto ay may nakalagay na Kinder. Sa ilalim ay nakalagay ang pangalan ng magiging guro namin. Ms. Kagandahan O. Catacutan.


Nahihiya akong pumasok. Marahil ito rin ang nararamdaman ng aking kasama. Kami ang pinakamatanda rito. Siguradong pagtatawanan kami dahil sa edad namin.


Ngunit ang akala kong nahihiya ko ring kasama ay biglang hinigit ang aking braso papasok sa pintuan.


"Huwag ka na matakot. Dalawa naman tayo rito. Kung may mang-aaway man, ipagtatanggol kita," sabi sa akin ni Jocelyn habang nakatingin sa aking mata.


Biglang lumakas ang aking loob dahil sa sinabi niya. Ano nga ba ang dapat kong ikatakot? Nandito kami upang mag-aral at hindi upang husgaan ang pagkatao ng isa't-isa.


Pagkapasok namin ay nakita ko ang isang napakaaliwalas na kwarto. Maraming nakadikit sa dingding. Mga numero, alpabeto, iba't-ibang kulay na kapag iyong makikita ay masasabi mong mga batang maliliit ang nag-aaral dito. Nakaupo rin ang mga batang nagsusulat lang sa isang tabi. Ang iba'y nakatayo at naglalaro. Ang iba naman ay umiiyak.


Ngunit natuon ang aking atensyon sa isang lalaki na nakatulala habang tumutulo ang laway. Hindi ko alam kung matatawa ako o pagsasabihan siya. Pero sa huli ay nanatili na lang akong tahimik at umupo kalapit si Jocelyn.


Tumayo sa unahan ang aming guro nang mahalata na kumpleto na ang kaniyang estudyante.


"Good Morning class. I am Miss Kagandahan O. Catacutan but you can call me Teacher K," sabi niya.


Balingkinitan ang katawan. Singkit ang mga mata. Morena. Hindi naman siya mukhang masungit kaya hindi na ako kinakabahan. Habang nagsasalita siya ay nakatingin siya sa akin. Parang kinikilatis ang isa sa kaniyang matandang estudyante. Maya-maya ay nakita kong nginitian niya ako. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin kaya bigla na lang akong tumingin sa ibaba.


Nagsimula na siyang magturo. Hindi na ako nahirapan dahil tinuruan na ako ni Ina noon ng alpabeto at numero.


Lumipas ang ilang oras at panahon na upang magmiryenda. May baon kaming dalawa ni Jocelyn kaya hindi na namin kailangang pumunta sa kantina. Walang imik kaming kumakain na dalawa nang bigla kaming lapitan ng isang lalaki. Ang lalaking nakatulala kanina habang tumutulo ang laway.


"Yo! Pahingi ako nito, ha," bigla niyang sambit habang kinuha ang kinakain kong tinapay. Gusto ko sana siyang awayin ngunit naalala ko ang sinabi ni Nanay na masama 'yon.


"Bakit ang tahimik n'yo? At ang laki n'yong dalawa. Sana ganiyan din ako," sabi nito habang kumakain at nakatingin sa kisame. Isang larawan ng patay na bata.


"Wala lang. Matanda na kasi kami kaya hindi na namin kailangang makipag-ingayan sa inyo," sagot ni Jocelyn sa kaniya.


"Ako nga pala si Betong," sabi nito sa amin. Sa unang pagkakataon ay tumingin siya sa aking mata. Hindi naman siya mukhang masama kaya nakipagkilala na rin kaming dalawa ni Jocelyn.


Sa amin na siya lumapit simula no'n. Minsan ay nagkukwentuhan kami. Tungkol sa mga planeta, kakaibang nilalang, kung natutulog ba ang Diyos, kung paano umiyak ang isda at iba pa. Samantalang tahimik lamang si Jocelyn na nakikinig sa aming guro.


Uwian na. Napansin namin na nakasunod pa rin sa amin si Betong hanggang paglabas ng eskwelahan.


"Sasabay ka ba pag-uwi?" tanong ko sa kaniya.


"Hindi. Mag-iintay lang ako rito hanggang gabi. Makikipagtitigan sa bituin. Makikipag-away sa anino. Hanggang sa makalimutan ko ang aking buhay."


Akala ko'y sasabihin niyang biro iyon. Pero sa huli, nalaman ko na seryoso siya sa lahat ng kaniyang sinabi. Doon ko lang napagtanto na may kakaiba sa batang 'yon. Iba ang takbo ng kaniyang utak.


Biglang may pumasok sa aking isip. Pamilyar si Betong dahil kamukha niya si Mang Berting. Ang lalaking kilala na nagbebenta at gumagamit ng droga sa aming lugar.








TotoyWhere stories live. Discover now