Ignorante

2.3K 110 12
                                    

Kinabukasan, kahit saang sulok ay pinag-uusapan ang nangyaring sunog. Hindi nakapasok ang iba kong mga kaklase dahil dito. At isa na rito, ay si Leo.

Hindi ko alam kung saan sila namamalagi ngayon. Maraming nagsasabi na ang mga nasunugan ay pansamantalang sumisilong sa ilalim ng tulay. 

Madarama sa atmpospera ng aming silid-aralan ang kalungkutan. Sana ay tulungan sila. Sa dami ng mga tao roon, tiyak na karamihan sa kanila ay wala nang matinong mapupuntahan. Maaaring matulog na lang sila sa karton. At mamalimos sa tabi ng kalsada. 

"Ano ba 'yan! Para kayong namatayan! Magpasalamat na lang kayo dahil hindi kayo nasunugan! Makinig na lang sa akin!"

Nagulat kaming lahat sa pahayag ng aming guro. Isa siya sa mga tao na ang nakikita lang ay sarili nitong anino. Walang pakialam sa iba.

Hindi na ako nakatiis at bigla akong tumayo.

"Normal lang naman po na malungkot kami dahil pamilya na ang turing namin sa isa't-isa. Mabuti nga po at pumasok pa kami ngayon. Dapat ay pinuntahan na lang namin sila."

"Aba! Ako pa ngayon ang may kasalanan!? Ignorante! Wala kang alam, Totoy! Ikaw ay 'di hamak na iniwan lang ng magulang dahil isa kang inutil! Huwag mo akong pagsasalitaan ng ganiyan!"

Masakit. Hindi na ako makapagsalita. Nilamon na ang aking pagkatao ng masasakit na pahayag.

Nagulat ako nang tumayo na rin si Jocelyn.

"Grabe naman po kayo makapagsalita. Naturingang Lualhati ang pangalan n'yo ganiyan kayo kumilos. Dapat ipinabago mo na 'yon. Hindi po kasi bagay. Si Totoy, ignorante? Ikaw po ang ignorante. Wala kang alam sa amin tapos manghuhusga ka?"

Dahil sa galit ay napalabas bigla ng pintuan ang aming guro. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman.  Masasaktan pa rin ba ako o matutuwa dahil ipinagtanggol ako ni Jocelyn?

Walang umiimik sa aming lahat. Marahil ay hindi matanggap ng kanilang isipan na nagawa naming sagutin at paalisin ang aming guro. 

Lumipas ang ilang minuto na ganoon ang lahat. 

"Aalis muna ako. May kailangan lang akong puntahan."

Tumayo ako at kinuha ang aking mga gamit. Bigla kong naalala na pupuntahan ko nga pala ngayon si Tito Julius. Wala rin naman mangyayari kung mananatili ako sa aming paaralan. Marahil ay nagsusumbong na ang aming guro sa nakakataas. Siguro ay magpapalipat na siya. Sana.

Habang  naglalakad ay pabilis nang pabilis ang tibok ng aking puso. Tila sasabak ako sa isang giyera. Isang giyera na tanging pag-iisip lang ang magiging armas. Isang giyera na malaki ang posibilidad na matalo. Paano ko muling haharapin ang lugar na naging parte ng aking masalimuot na nakaraan? Nakalipas na ang apat na taon pero masakit pa rin. Hindi ba't sinabi ko na kailangan kong maging malakas? 

Tahimik ang paligid. Naroon pa rin ang mga gusali. Marahil ay nagkaklase pa ngayon ang mga estudyante. Paano ko hahanapin si Tito Julius? Paano kung nagtuturo pala siya sa mga oras na ito? 

Biglang napunta ang tingin ko sa gusaling pinagtalunan ni Betong. Naalala ko na naman ang kanta niya. Ang mga salita niya. Ang lahat. Pero kailangan ko maging matibay. Ang kalungkutan ay tila isang kadena na magtatali sa iyo upang hindi makakilos at matagpuan ang katotohanan. Kailangan kong makatakas dito. Kailangan kong isabuhay ang sinabi ni Jocelyn. 

Naglakad-lakad ako. Hindi ko makita si Tito Julius. Umupo na lang muna ako. Sa lugar na pinag-uupuan ng mga sumira ng puri ni Jocelyn noon. Hindi. Ayoko nang maalala ang mga 'yon. Si Teacher K. Ang mga haplos. Ang halik. 

Sumasakit na ang aking ulo. Tila pinupuno ito ng mga masasakit na alaala.  Inilagay ko ang aking dalawang kamay sa aking mukha. Pinipilit kong huwag lumuha. Hanggang sa unti-unti, nawala na ang lahat ng sakit. Ito ay dahil sa kamay na humawak sa aking balikat.

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon