Tingin

2.1K 102 32
                                    




"Totoy," sambit ni RJ habang kumakain ng burger. Napansin kong pangatlo na niya ito. Hindi ko inaasahan na sa liit ng kaniyang katawan, ganoon siya kalaki kung kumain. Ayon sa naaalaala ko, sinabihan niya ako noon na sinisigurado niyang sakto lamang ang kaniyang mga kinakain. Ngunit, bakit ngayon, iba ang nangyayari?

"Bakit?"

"Anong bakit? Alam kong alam mo kung bakit kita tinawag. Kakaiba ang ikinikilos mo ngayong araw. Kanina, noong nagkaklase tayo sa Math,  hindi ka sumasagot no'ng tinatawag ka ni Ma'am. No'ng Filipino naman, nagdo-drawing ka lang ng kung ano-ano sa notebook mo. Base sa pagkakaaalam ko, paborito mo ang subject na iyon. Imposibleng hindi ka interesado. Tapos ngayon, niyaya mo ako ngayong recess na kumain. Alam mo bang ito ang unang beses na magkasama tayong kumain sa school?"

Nagulat ako sa lahat ng kaniyang sinabi. Hindi ko namamalayan ang mga ginagawa ko ngayong araw. Nang narinig ko ang lahat ng sinabi ni Jocelyn, hindi na ito mawala sa aking isipan.

Hindi ko alam kung bakit ko niyaya si RJ na kumain. Alam ko kasi na hindi ko makasasabay ngayon si Jocelyn na magmiryenda dahil hindi niya ako kinakausap mula kahapon. Hindi rin niya magawang dapuan ako ng tingin.

Sabagay, lagi namang mag-isa si RJ. Minsan nga, hindi na siya lumalabas ng room. Kapag recess, nagbabasa lamang siya ng kung ano-ano.

Napatawa ako nang pilit. "Hindi ko alam," sagot ko. "Gusto lang kitang samahan kasi lagi kong nakikita na mag-isa ka. Baka kailangan mo ng makakausap? Ng kaibigan?"

"Kung talagang iyon ang pakay mo sa akin, sana noon pa man, kinausap at sinamahan mo na ako. Alam kong hindi iyon ang dahilan, Totoy. Gusto mo lang ng kasama dahil mayroon kang problema."

"Paano mo nasabi 'yon?"

"Nag-aaral ako ngayon ng Psychology. Alam ko kung mayroong kailangan ang isang tao."

Napayuko ako. Wala na akong takas sa kaniya. Marahil, mayroon naman talagang dahilan kung bakit siya ang niyaya ko. Maaaring dahil naghahanap ako ng isang kasagutan mula sa isang taong mayroong masasabi sa lahat ng bagay. Siguro, mabibigyan niya ng paliwanag ang lahat ng nangyayari. "Alam kong napakalabo nitong itatanong ko. Pero . . . ano ang gagawin mo kung nalaman mo na mahal ka pala ng isang taong matagal mo nang nakakasama? H-Halimbawa, bestfriend mo."

Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha.

"Sa lahat naman ng itatanong mo, tungkol pa sa pag-ibig. Pasalamat ka, mayroon akong idea sa Psychology of Love," sabi niya. Napansin kong wala na siyang kinakain ngayon. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang kasiyahan na magagamit na niya ang kaniyang pinag-aaralan sa totoong buhay. "Pero, sasagutin ko ang sagot mo sa pamamagitan ng pilosopikal na kasagutan. Sa Philosophy kasi, mayroong tinatawag na World of Ideas at World of Senses. Sa World of Ideas, nangyayari ang lahat ng perpektong bagay. Halimbawa, iyang lamesa na nasa iyong harapan. Masasabi mo bang perpekto 'yan?"

Umiling ako. "Pero, nasa isipan mo ang imahe ng isang perpektong lamesa, 'di ba?" pagpapatuloy niya. "Ang "tableness" ng table ay nasa World of Ideas. Ngunit, lahat tayo, mayroong iba't ibang perspektibo sa isang perpektong lamesa. Ibig sabihin, ang "tableness" ng table, iba-iba, base sa isang tao. Sa World of Senses naman, ito 'yong nakikita mo gamit ang iyong mga mata. Basta, nagagamit mo 'yong senses mo. Ibig-sabihin, ito 'yong realidad. Ito 'yong nakikita mo ngayon."

Napakunot ang aking noo. "Ano ang kinalaman no'n sa tanong ko?"

"Totoy, sa pag-ibig kasi, maraming tao ang nakalilimutan ang pagkakaiba ng World of Ideas at World of Senses. Hindi nila alam ang pagkakaiba ng katotohanan at kathang-isip lang. Maaaring ang akala mo, mahal na mahal mo ang nobya mo. 'Yon pala, iniisip mo lang na umiibig ka dahil gusto mong ipakita sa marami na mayroon kang girlfriend."

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon