Buo

2.1K 127 8
                                    

Sa tatlong gabi ng burol ni Leo, hindi kami nawala ni Jocelyn. Tinulungan kami ng mga kasamahan sa trabaho ng kaniyang tito upang magkaroon ng maayos na burol at libing si Leo. 

Habang nasa likod kami ng sasakyan ng kaniyang kabaong, napatingin ako sa kalangitan. Totoo bang doon pumupunta ang mga taong mabubuti? Hindi ko alam pero hindi ako naniniwalang may langit o impiyerno.  Naniniwala ako na sa ating pagsilang ay nasa loob na natin ang dalawang pagkatao. Pinamumunuan na tayo ng dalawang diyos. Sila ang mamumuno kung ano ang ating gagawing desisyon. Ngunit nasa tao na 'yon kung sino ang gusto niyang patayin sa dalawa. Kung ang diyos ba na mabuti o ang diyos na magtutulak sa kaniya patungo sa kasamaan. 

Marami ring nagsasabi na kailangang paghirapan ang pagpunta sa langit. Ano ba ang paghihirap na 'yon? Magsisimba ka tuwing Linggo, magdarasal araw-araw, magpapakita ng kabutihan at sasamba sa Panginoon ngunit hindi ginagamitan ng puso? Karamihan sa mga relihiyosong gustong pumunta sa langit ay ang mga taong nagpapakitang tao lang. Hindi nila isinasapuso ang kanilang ginagawa.

Habang naglalakad kami ay hindi tumitigil ang pagtangis ni Tito Ed.  Sinasaliwan ito ng malungkot na tugtugin. Hindi ko alam kung bakit kung ano-ano ang aking naiisip ngayong araw ng libing ni Leo. Bakit sa halip na umiyak ako ay  mas pinili kong mag-isip ng mga kuro-kuro? Siguro ay sawa na akong lumuha. Sawa na ako sa kalungkutan kaya mas pinipili ng aking katawan na maging ganito.

Bigla akong nagtaka. Bakit kailangan, habang naglalakad ang mga tao sa isang libing ay may malungkot pa na tugtugin? Ito ang dahilan kung bakit mas tumatangis at nalulungkot ang mga naiwan. Sa halip na maging payapa na ang kalagayan ng mga ito ay mas lalo pang nalulumbay. Siguro bago ako mamatay, mag-iiwan ako ng isang sulat. Nakasulat doon 'yong mga gusto ko kapag ako ay ililibing na. Gusto ko na walang tugtog. Ayaw ko na nakakulay itim o puti ang mga tao. Ayaw ko ng mahabang panahon para sa aking burol. Magagawa ko naman siguro 'yon dahil ramdam naman ng isang tao kapag siya ay mawawala na. O gagawin ko na iyon nang mas maaga dahil baka maaksidente akong bigla. Walang makakapagsabi ng maaaring mangyari.

"Ano'ng problema mo, Totoy? Bakit ka nakatulala? 'Wag mo masyadong isipin ang pagkamatay ni Leo. Baka mabaliw ka," bulong sa akin ni Jocelyn.

"May iniisip lang ako. Kapag ako namatay, siguraduhin mong nandoon ka sa burol at libing ko. Kahit pa may nagawa ako sa'yong kasalanan. Kahit pa nasaktan kita."

"Baliw! Ano ba 'yang iniisip mo? Kapag iyan nagkatotoo, malulungkot talaga ako. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag wala na akong makikitang pangit," natatawa niyang sambit.

Bigla kong naalala. Buhay pa kaya ang aking mga magulang? Mali. Hindi ko na sila iisipin. Wala na akong pakialam sa kanila kung may ginagawa pa ba sila rito sa mundong ibabaw o tuluyan na silang naglaho. Sila ba, may pakialam sa akin? Hindi ba nila inisip na kung walang makakita sa akin sa loob ng kahon ay maaaring mamatay ako? Siguro ay hindi. Siguro nga ay hindi nila ako mahal. 

Hindi ko namalayan na nasa simbahan na pala kami. Dahan-dahang inalis sa sasakyan at binuhat ang kabaong ni Leo. Nakatulala na lang ngayon ang kaniyang tito. Natapos na kasi ang tugtugin. 

Pagpasok ko sa simbahan ay naroon na ang ibang mga tao. Mga taong mas piniling mauna kaysa makipagsabayan sa init at trapiko. Naging tahimik sila nang makitang ipinapasok na ang kabaong. Ang mga mata nila ay may halong kalungkutan. Isa ito sa ugali ng mga Pinoy na aking nagustuhan. Ang pagmamahal nila sa ibang tao na namayapa. Ngunit minsan ay nakakapagtaka. Bakit sila lumuluha noong nawala na ito? Samantalang noong buhay pa ang kanilang iniiyakan ay lagi nilang pinagtatawanan, nilalait at pinagkukwentuhan. Ganoon nga siguro talaga ang mga tao. 

"Alam mo minsan, nakakatakot na 'yang mga tingin mo. Bakit ba ang sama mo tumingin sa paligid?" singit ni Jocelyn sa aking pag-iisip.

"Masama ba'ng mag-obserba? Hindi ka na nasanay sa akin." 

"Maiba tayo. Tingnan mo. Nakilibing pala si Mrs. Lualhati. Himalang tahimik siya ngayon at tumatangis," turo niya sa aming gurong nakaupo.

"Siguro ay nagsisisi sa mga pinagsasabi niya. Lagi ba naman niyang sigawan si Leo na walang ginagawa. Kumusta na nga pala sa eskwelahan? Siya pa rin ba ang guro natin?"

Ilang araw na kaming hindi nakakapasok. Wala akong balita sa mga nangyayari. Siguradong may alam itong si Jocelyn dahil lagi siyang may koneksyon.

"Sabi ni Miraquel, si Torotot pa rin daw. Pero nagtataka sila dahil mahina na ang boses nito at mas bumait."

"Ganoon? Kinakausap mo pala si Miraquel. Akala ko ay mainit din ang ulo mo sa kaniya kagaya ko."

"Ikaw lang. Hindi naman ako suplado kagaya mo."

Natigil ang aming pagkukwentuhan nang nagsalita na ang pari sa unahan. Naging tahimik na ang lahat.

Habang nagmimisa ay hindi ko maiwasang magtaka. Napakabilis magsalita ng pari. Tila nagmamadali ito. Narinig kong nag-uusap ang mga tao sa aking likod. Ganoon daw pala talaga ito magsalita. Pero bakit hindi niya magawang baguhin? Walang emosyon ang kaniyang pananalita. Hindi ba niya naisip na ang kaniyang binabasbasan ay ang isang batang binaril ng isang pulis?

Tinawag na ang mga kamag-anak ni Leo upang basbasan ito ng Agua Bendita. Pagkatapos itong lagyan ni Tito Ed ay nagsimula na naman itong tumangis. Kasama kami sa pagbabasbas dahil wala nang ibang pamilya si Leo. Habang ginagawa namin iyon ay nagsasalita si Jocelyn. Nagpapasalamat siya sa mga nakiramay at sa mga nagawa ni Leo noong ito ay nabubuhay. Nang hawak ko na ang bote, dahan-dahan kong ipinatak ang tubig sa kaniyang kabaong. Nakangiti ang kaniyang mukha. Marahil ay masaya siya dahil bago natapos ang kaniyang paghinga ay naging maayos na ang relasyon niya sa kaniyang tito.

"Maraming Salamat po sa mga nakiramay. Siguradong matutuwa si Leo dahil sa ipinakita n'yong pagmamahal sa kaniya."

Hindi ko namalayan na tumutulo na rin pala ang aking luha. At ganoon din ang iba kong kasama pati na rin ang nagsasalitang si Jocelyn.

"K-Kahit ganiyan 'yang si Bakla, mahal namin 'yan. Lagi kaming nagsasagutan pero hindi ako nakakaramdam ng inis sa kaniya. Mabait siya kung alam n'yo lang. Ang imahe niya para sa ilan sa inyo ay barumbado at pariwara. Pero kapag nakilala n'yo siya, mararamdaman mo ang kaniyang puso. Kapag naging kaibigan n'yo siya, hindi niya kayo pababayaan."

Nahihirapang magsalita si Jocelyn dahil sa kaniyang pagtangis. 

"Sana, kahit wala na siya ay patuloy pa rin ang pagmamahal n'yo sa kaniya. Dahil sigurado ako, hinding-hindi niya makakalimutan ang mga masasayang pangyayari na kasama niya tayo. Nagulat ako noong sinabi nila na ako raw ang magsasalita. Sino ba naman ako sa kaniyang buhay? Ako lang naman kasi ang dakila niyang kaaway at kasagutan. Pero naisip ko, gusto ko ring maibahagi ang lahat ng kaniyang ginawa. Kaya tinanggap ko ang iniatas nila sa akin nang buong puso. Hindi ako gumawa ng kodigo. Para saan iyon? Gusto kong ibihagi ang aming naging pagsasama nang walang tinitingan. Na ginagamitan lang ng totoong alaala at pagmamahal."

Marami pa siyang sinabi na nagdulot ng pagtangis ng halos lahat ng mga tao sa loob ng simbahan. Nakita ko na nagpahid din ng luha ang pari na kanina ay tila walang pakialam.

Pagkatapos ng misa ay dinala na siya sa sementeryo. Ito na ang huling bahagi. Dito na talaga matatapos ang lahat. Dito na matatapos ang lahat ng magagandang alaala. 

Mas lumakas ang pagtangis ng kaniyang tito habang nilalagyan na ng semento ang kaniyang paghihimlayan sa loob ng napakahabang panahon. 

Bigla kong naalala ang kaniyang sinabi sa akin nang minsan kaming nagkalapit sa upuan.

"Siguro kapag namatay ako, walang makikilibing. Masama na ang tingin nila sa akin. Hindi ko na iyon mababago kahit anong gawin ko. Pero ayos lang. Ang mahalaga ay nagawa ko ang mga bagay na gusto ko nang walang pumipigil. Nagawa ko ang mga bagay nang malaya ako. Na hindi ko kailangang maging mabait at perpekto upang maging maganda ang tingin sa akin ng iba. Mamamatay ako nang masaya dahil alam kong nabuhay ako gamit ang aking buong pagkatao."

Noon ko lang siya narinig magsalita nang ganoon. At iyon ay ang panahon bago magkaroon ng sunog sa kanilang lugar.

Paalam, kaibigan. Hindi kita makakalimutan.


TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon