Luha

8.9K 252 17
                                    

Nagising ako sa kakaibang tibok ng puso ng aking ina. Hinahaplos niya ako. Marahan. Ngunit sa bawat haplos na 'yon, kasabay ang mabigat na takot at pighati.


Gumagalaw kami. Umaandar. Mabilis ang aming sinasakyan. Tila hinahabol ng anino. Tila hinuhuli ng mga bangungot.


Bakit ganito ang aking pakiramdam? Kakaibang takot ang dumadaloy sa aking buong katawan. Ang aking puso ay mabilis na tumitibok. At sa unang pagkakataon, nais ng aking mga mata na lumuha.


Sumipa ako. Gusto kong maramdaman niya na nasasaktan ako. Na ayaw kong mangyari ang gagawin niya. Na gusto ko pang masilayan ang napakagandang mundo.


Tumigil ang aming sinasakyan. Pinakiramdaman ko ang paligid. Tahimik.


Dahan-dahang lumakad ang aking ina. Matigas ang bawat yabag.


Sigurado ka sa gagawin mo?


Narinig kong sabi ng isang malalim na boses. Tinig ng isang babae.


Naramdaman kong humiga si ina.


Mayroon siyang ininom na sa aking palagay ay hindi maganda ang lasa.


Nagulat ako nang may humaplos sa akin. Madiin. Hinihilot niya si Ina. Nasasaktan ako. Ayoko na. Nararamdaman kong unti-unti akong nalalaglag. Mayroong malamig na bagay na tila hinihigop ako. Sobra akong nasasaktan. Paano ito maititigil?


Ina, bakit mo ito ginagawa sa akin?


Ina, anak mo ako. Bakit mo ako hinahayaang masaktan?


Pumikit ako nang madiin. Umaagos na ang mga luha sa aking mukha.


Hanggang sa unti-unti, naramdaman kong tumigil na ang pagpapahirap sa akin.


Nakahinga ako nang maluwag. Ano ang nangyaring iyon? Ganoon ba kalupit ang mga nilalang sa labas?


Sa unang pagkakataon, naranasan kong mamatay ang oras. Masaktan ang pagkatao. Bumilis ang tibok ng puso. Lumuha.


At sa unang pagkakataon din, naranasan kong saktan ng taong gusto kong makasama habang buhay—ang aking ina.




TotoyWhere stories live. Discover now