Butiki

2.3K 127 40
                                    

Ilang gabi akong hindi makatulog. Buong gabi, nakamata lang ako sa dilim. Nagninilay-nilay. Naririnig ko pa rin ang bawat nota sa kanta ni Betong. Sa tuwing nakakakita ako ng gagamba, tumitindig ang aking balahibo. Sa tuwing nakakakita ako ng larawan ni Superman, umiiwas ako.


Lumipas ang ilang gabi ng lamay niya, kahit anino ng kaniyang ama, hindi namin nakita. May nagsasabi na naglayas ito. Marahil ay mas natuwa ito dahil wala na siyang aasikasuhin.


Dumating ang kaniyang dalawang kapatid. Galing ibang bansa ang kuya niya dahil sa trabaho nito. Samantalang ang ate niya naman ay may bitbit na sanggol. Parehas silang nagsisisi dahil sa sinapit ng kanilang kapatid. Ngunit kahit gaano pa kadami ang luha nila, hindi nito matutumbasan ang mga panahong pinabayaan nila ito sa kamay na bakal ng kanilang ama.


Walang pumapasok sa aking utak habang nagtuturo ang aming guro. Sanay ako na may kalapit na Betong. Laging nagkukwento ng mga kakaibang bagay. Nagsasabi ng mga kuro-kuro.


Minsan naman, nakatulala. Minsan, nagsusulat.


Naalala ko ang minsan niyang sinabi. Gusto niya raw maging manunulat. Gagawa raw siya ng libro kung paano nagsimula ang mundo. Kung paano isinisilang ang bawat tao. Kung paano ito nabubuhay. Kung paano ito namamatay.


Hindi ko na masyadong nakakausap si Jocelyn. Alam kong nalulungkot rin siya ngunit hindi niya ipinapakita. Idinadaan niya sa pag-aaral ang lahat. Minsan nga ay napapagalitan na siya ni Ina dahil sa halip na gawin niya ang mga gawaing-bahay, mas inuuna niya pa ang pagbabasa ng librong paulit-ulit lang ang laman.


Hindi ko alam na may pinapasagutan pala sa amin. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. May paraan pero gagawin ko ba talaga 'to?


"Jocelyn, hoy," pabulong kong sabi sa aking kalapit habang seryoso siya sa pagsagot.


"Ano ba? Magsagot ka na nga!"


"Hindi ko alam kung paano. Pakopya na lang ako."


"Wala akong pakialam. Kasalanan mo 'yan kasi hindi ka nakinig," naiinis niyang sabi kasabay ng nakakairita niyang pag-irap.


Hindi ko na siya pinilit. Hindi man lang niya naisip na kaya lang ako nagkakaganito ay dahil nalulungkot ako. Huwag siyang sasabay sa akin mamaya! Bahala siyang umuwi mag-isa.


Hinulaan ko na lang ang mga sagot ko. Kaya sa huli, wala akong nakuhang tama.


Dumating ang uwian at niyaya na ako ni Jocelyn. Hindi ko siya pinansin. Alam kong ramdam niya na galit ako kaya lumabas na lang siya sa mag-isa. Sinilip ko siya sa may pintuan at nakita ko na nakasimangot ang kaniyang mukha. Habang naglalakad ay napansin ko ang kakaibang tingin ng mga lalaki na mula sa Baitang 6 sa kaniya. Hindi ko na lang iyon pinansin at bumalik na ako sa loob ng aming silid-aralan.


Naiwan akong mag-isa kasama si Teacher K. Nag-aayos siya ng kaniyang gamit hanggang sa lumapit siya sa akin.


"Bakit mag-isa ka na lang? Hindi mo kasabay si Jocelyn?" tanong niya.


TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon