Mundo

2.2K 129 28
                                    

Kaarawan ko ngayon. Nasorpresa ako dahil pinag-ipunan pala ito ni Ama. Habang naglalakad ako sa dalampasigan ay nakita ko ang paglubog ng araw. Masaya ako dahil sa unang pagkakataon ay nakita ko ang takip-silim. Maraming nagsasabi na sa likod ng nakakabighani nitong kagandahan ay sumisimbolo ito sa katapusan ng buhay. Na tuluyan nang matatapos ang araw at sasapit na ang dilim. Na tapos na ang kasiyahan at tatakpan na ito ng pagsubok, sigalot at trahedya. Ngunit iba ang aking nararamdaman. Para akong dinadala sa kapayapaan ng larawang ito. Ngayon ko lang nalaman na napakasarap pala sa pakiramdam kapag inaalala mo ang masakit na nakaraan. Dahil alam mong nakaligtas ka na at kaya mo nang mabuhay nang masaya sa piling ng bagong tagpo ng buhay at kapayapaan. 

Nakalipas na ang dalawang taon. Matagal na rin pala nang niloko at sinaktan ako ng unang babae na aking nagustuhan. Halos hindi ko na maalala ang mga pangyayari ng mga sandaling iyon. Marahil ay kinalimutan na ito ng aking puso. Upang hindi na ako masaktan at lumuha.

 Ang alam ko lang, may isang lalaki na naghatid sa aming bahay. Hindi rin daw kilala nila Ina kung sino ito ngunit ayon sa kanila, kamukha ko ang lalaki. Pumasok sa isip ko ang larawan na iniwan sa akin ni Teacher K noon. Hindi kaya ang kasama niyang lalaki ro'n ay ang lalaking naghatid sa akin? Imposible. 

Hindi ko na nakita si Romelyn pagkatapos noon. May mga panahon pa rin na gusto ko siyang kausapin at sabihin na umalis na sa grupo nila Sergio, ngunit kapag naaalala ko ang ginawa niya, tila ayaw na ng aking mga mata na makita siya. Dahil alam kong masasaktan pa rin ako. Dahil alam kong madudurog at magdurugo pa rin ang puso ko. 

Nagulat ako nang lumapit sa akin si Jocelyn. Masaya ako dahil mabilis niya akong napatawad. Dalawang linggo niya akong pinansin noon kahit puro galos at pasa ang aking katawan. Kahit anong pagmamakaawa ang gawin ko ay hindi niya ito binibigyang pansin. Ngunit isang araw, bigla niya akong niyakap habang siya ay lumuluha. Hindi niya na raw ako matiis. Sinuntok niya ang mga pasa ko bilang kabayaran daw ng pananakit ko sa kaniya. 

"Ano na namang iniisip mo, Totoy?" 

"Wala. Napaka-tsimosa mo talaga."

Bigla niyang pinalo ang aking ulo. 

"Napakasama mo. Tinatanong ko lang naman."

"Iniisip ko lang kung paano kita mabubuhat mamayang gabi nang hindi ka nagigising at paano kita ibabaon nang buhay sa buhangin."

Nagulat ako nang batuhin niya ako ng buhangin sa mukha. Tawa siya nang tawa dahil sa hitsura ko. Tumalikod ako at kunwaring nagalit. 

"Hoy! Galit agad? Para kang babae." 

Mabilis akong dumakot ng buhangin at ibinato sa kaniya. Hinabol niya ako nang hinabol dahil may pumasok daw sa kaniyang bibig. Binabasag ng aming mga tawa ang katahimikan ng lugar. Sulit ang napakahabang biyahe dahil tila nakarating ka sa paraiso kapag nakita mo kung gaano kalinis ang tubig sa karagatan, kung gaano kaputi ang mga buhangin at kung paano ka napapangiti ng kalikasan. 

Malayong-malayo ang larawang ito kung ihahambing sa lungsod. Masarap dito dahil bago sa aking paningin ang lahat. Hindi na ako nakakakita ng mga pulubing tila langgam sa paghahanap ng pagkain, ng mga batang gumagamit ng droga at nagsasakitan. Napakaraming bago. 

Pagod na pagod si Jocelyn dahil sa aming habulan. Umupo kami sa buhangin at sabay na pinanood ang paglubog ng araw.

"Kung ikaw ay bibigyan ng kapangyarihan na kaya mong ipinta ang nais mong mundo, ano ang iyong gagawin?"

"Para saan naman ang tanong na 'yan? Para namang si Betong lang ang kaharap ko ngayon. Pero kung ako mabibigyan ng kapangyarihan? Ipipinta ko ang isang mundo na kung saan nakangiti ang lahat. Na lahat ay pantay-pantay. Lahat ng tao ay gumagalaw nang malaya at walang alinlangan. Isang mundo na punong-puno ng katotohanan. Hindi mo na kailangang magsuot pa ng maskara upang matanggap ka ng iba. Hindi mo na kailangang pilitin maging perpekto para hindi ka nila masaktan. Isang mundo na puno ng kapayapaan. Katulad natin. Sa lugar na ito."

"Pero mahirap din naman na laging masaya. Hindi mo na lang namamalayan, nagsasawa ka na at nawawalan nang gana. Dahil gusto mo ng kakaibang pakiramdam. Kung saan mararanasan mong makita kung paano ka tulungan ng iba sa iyong pinagdaraanan. Ang kalungkutan ay parte na ng pagiging isang tao. Minsan, mas masarap damhin ang kalungkutan dahil sa sandaling iyon, doon mo malalaman kung kaya mong tumayo at sirain ang pader ng problema. Kung paano ka magiging malakas."

"Ang lalim naman ng pinag-uusapan natin. Nakakagutom."

"Mamaya ka na kumain. Kaya ko tinanong ang bagay na iyon dahil alam ko ang isasagot mo. Alam kong gusto mong kalimutan ang lahat at mabuhay nang hindi nararanasan ang sakit. Gusto ko lang malaman mo na lagi akong nasa tabi mo. Na hindi mo na kailangan pang pumunta sa lugar na katulad nito upang takasan ang lahat. Dahil ako, sasama sa'yo sa iisang mundo. Magkasama nating lalabanan ang pighati. Kaya huwag mo na ulit ako sasaktan. Huwag mo na itatago ang mga laruan ko. Huwag mo na lalagyan ng ipis ang mga damit ko. Huwag mo na akong sabihan ng mataray. Biro lang. Mahal kita, Totoy. Bilang kapatid. Hinding-hindi kita iiwan kahit kailan. Happy Birthday, Pangit."

Niyakap ko siya. Nagpapasalamat ako dahil kinuha siya ng aking mga magulang noon. Hindi ko alam na ang kinaiinisan kong bata ay magiging kasangga ko. 

Ako si Totoy. Labing-tatlong taong gulang. At sa unang pagkakataon, nakilala ko ang tao na magiging parte ng aking pagkatao habang buhay. 

Salamat, Jocelyn.

TotoyМесто, где живут истории. Откройте их для себя