Agos

2.1K 111 21
                                    

"Totoy, bilisan mo sa banyo! Kukulutin pa 'yong buhok ko!" sigaw sa akin ni Jocelyn. Malakas niyang kinakatok ang pintuan. Kulang na lang ay sipain niya ito.

Ngayon na ang araw ng aming pagtatapos sa elementarya. Marami na ang nangyari. Marami na akong pinagdaanan. Siguro ay kailangan ko nang tanggapin na mayroon pang mas matinding dagok na susubok sa aming buhay.

Naalala ko si Betong. Ang kaniyang pagpapatiwakal na tila si Superman. Si Teacher K at ang kaniyang pagnanasa. Si Leo na unang nagpakita sa akin ng kakaibang Anime. Siguro ay wala na nga talaga ang sakit. Sa tuwing naiisip ko ang mga ito, napapangiti na lang ako. Sila ay naging bahagi ng aking kamusmusan. Naging bahagi ng aking nakaraan. At ngayon, sila ay munti na lamang alaala na pabalik-balik sa aking isipan. Nagiging makata na naman ako.

"Totoy, ano bang kinakalikot mo diyan sa loob? Napakatagal mo. Kanina pa naghihintay si Jocelyn. Lalagyan pa 'yan ng make-up. Iihi lang naman daw siya," sermon sa akin ni Ina.

Itinapis ko na ang tuwalya sa akin at lumabas na sa banyo. Tumungo ako sa aking kuwarto. Nakita ko ang bagong biling polo, itim na pantalon, at napakakintab na sapatos na nakapatong sa aking kama. Nakakalungkot dahil hindi na gumagamit ng toga. Pangarap ko pa naman din ang makapagsuot ng ganoon. Sa tingin ko, iba ang pakiramdam kapag suot iyon dahil ito ay isa sa simbolo ng pagtatapos.

Malamang ay kinuhanan na naman ito ni Ina ng larawan at ipinakita sa mga kaibigan niya sa Facebook. Matatanda nga naman.

Isinuot ko na ang aking damit at tumingin sa salamin. Ito na, magsisimula na ulit ang bagong kabanata ng aking buhay. Maya-maya lamang ay tapos na ang kuwento tungkol sa aking pagkabata.

Biglang pumasok sa isip ko si Tito Julius. Pagkatapos namin kumain, inihatid na niya ako sa aming bahay at nagpaalam. At ngayon, hindi ko na ulit siya nakikita pa. Marahil ay dinadalaw niya lagi ang kaniyang asawa at hinahanap ang kaniyang anak.

Pagkalabas ko ng aking kuwarto ay nakita ko si Ina. Kausap niya ang isang binabae na marahil ay mag-aayos kay Jocelyn. Mahaba ang buhok nito. Puno ng kolorete sa mukha. Maikli ang damit. Hindi ito bagay dahil sa laki ng kaniyang katawan. Mas malaki pa nga yata sa aking ama.

"Ito bang si Pogi ang aayusan ko? Sayang ang pagkalalaki mo, 'Toy. Halika at aayusan ka na namin ni Mudra," maharot na sabi ng bakla.

"Abednego! Umayos ka nga. Hindi siya ang aayusan mo. 'Yong kapatid niya, nasa banyo lang," tugon ni Ina.

"Mother Lily, alam ko naman 'yon. Hindi kayo mabiro! 'Wag n'yo nga akong tawagin sa totoo kong pangalan. Kailangan ko bang ulit-ulitin? I'm Maria Cassandra Abednega Gandara Cassiopeia y Diyosa. Mahirap ba 'yon tandaan?" saad niya sabay irap kay Ina.

Tawa nang tawa si Jocelyn nang lumabas siya sa banyo. Mahilig kasi ito sa mga bakla. Isang umaga, nasa harap ako ng salamin at nagsusuklay. Nagulat ako nang lumapit siya sa akin at sinabihan ako na maging bading na lang daw ako. Galit na galit ako sa kaniya noong panahon na 'yon.

"Ito na 'yong aayusan mo," sabi ni Ina kay Maria Cassan--ewan ko na kung ano ang pangalan no'n.

"Ganda naman ni gerl. Kamukha mo si Julia, you know. Gagawin kitang diyosa like me. Halika lapit ka na sa akin."

Pagkalapit ni Jocelyn ay inayusan na siya nito.

Naghihintay kami ni Ina sa sala nang dumating na si Ama. Dala nito ang bulaklak na inilalagay sa damit ng mga magtatapos.

"Kumusta naman ang mga anak kong maganda at guwapo? Congrats!" masiglang bati ni Ama sa amin. Niyakap niya ako. Hindi siya makalapit kay Jocelyn dahil inaayusan ito.

TotoyWhere stories live. Discover now