Totoy

4K 172 18
                                    

Ilang oras akong nakamata sa dilim. Nakikinig sa tunog ng mga busina. Sa tahol ng aso. Sa boses mga babaeng dumadaan. Sa maiingay na lalaki.

Oo, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na iniwan ako ng aking ina. Hindi ko alam kung ina ko pa ba siya dahil tila itinakwil na niya ako bilang anak. Ngunit ang kaninang masakit kong puso ay unti-unti nang naghihilom. Siguro'y hindi ko pa nga talaga kilala ang aking sarili. Marahil ay hindi ako matagal masaktan. Marahil ay nasanay na ang aking katawan at isip na magdusa.

Habang nakatulala ay nakarinig ako ng isang kariton. Pinapatay ng langingit ng gulong nito ang bagsik ng katahimikan.

"Mario, tingnan mo 'yong kahon baka may mapakinabangan tayo."

"Ano ka ba naman, Rose? Mukha namang walang laman 'yan dahil basta na lang iniwan sa isang tabi."

"Bahala ka. Basta, titingnan ko ang laman."

Narinig ko ang pagtatalo ng dalawa. Lalaki at babae. Sa tingin ko ay nangangalakal sila ng basura. Sila na kaya ang makakatagpo sa akin? Sana naman ay mababait sila.

Narinig ko ang papalapit na yabag ng babae. Dahan-dahan niyang binuksan ang kahon. Nakita ko ang mata niya. Halatang nagulat sa kanyang nasaksihan. Nakipagtitigan ako sa kaniya nang ilang segundo.

"Sanggol, Mario! Isang sanggol ang laman ng kahon!"  Sigaw nito sa kaniyang kasama. Nakita ko rin ito. Sa kanilang itsura ay mahihinuha kong nangangalakal nga sila. Sa kanilang kasuotan, sa kanilang amoy. Ngunit ang sangsang nito ay hindi ko alintana dahil alam kong busilak ang kanilang puso.

"Ano'ng gagawin natin sa kaniya?"

"Iuuwi natin. Kawawa naman ang batang ito."

"Iuuwi? Hindi mo ba naisip na wala tayong pera para palakihin ang batang iyan? Kaya nga wala pa tayong anak dahil hindi natin kayang tustusan ang pagpapalaki sa kanila."

"Iyon na nga. Gusto kong magkaroon ng anak. Nakakalungkot din naman kapag wala tayong mapaglilibangan. Sige na, asawa ko. Alam mo namang mamahalin pa rin kita kahit may anak na tayo."

"Huwag mo akong idaan sa mga ganiyan mo, Rose. Pero, oo na. Sige na. Iuwi mo na 'yan."

"Salamat, asawa ko!"

Napangiti na lang ako sa kanilang pag-uusap. Mag-asawa? Bigla kong naalala. Hindi ko pa nakikilala ang aking ama. Hindi ko pa nasisilayan kung ano ang kaniyang itsura. Siya kaya 'yong lalaking nasa larawan na iniiyakan ni Ina?

Binuhat ako ng babae. Hindi ko alam pero naramdaman ko agad ang kaniyang pagmamahal. Nakita ko ang kaniyang masasayang mga mata. Ang nakangiting labi.

Hindi ko namalayan na gumuhit na rin ang ngiti sa aking mukha. Ito ang pinakaunang pagkakataon na ngumiti ako sa mundong ito. Para akong nabigyan muli ng pag-asa. Binigyan niya ng kulay ang aking madilim na mundo. Inalis niya ang aking pagkatao sa isang napakadilim na pasilyo. Siya ang nagsilbi kong tanglaw upang muling bumangon.

"Tingnan mo, Mario! Ngumiti siya!"

Napatawa na lang ang lalaki. "Nakikita ko. Hindi naman ako bulag. Pero ano ang pangalan niya?"

"Hindi ko alam. Pero mula ngayon, ikaw na si Totoy."

Totoy. Iyon na ang aking pangalan. Sa unang pagkakataon ay nakilala ko na ang aking sarili. Hindi na ako ang sanggol na iniwan ng isang ina. Isa na ngayon akong sanggol na may bagong pamilya, may pangalan at may magandang larawan.



TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon