Kasalanan

5.1K 192 48
                                    

Ilang araw kong dinarama ang aking bagong mundo. Ang bawat tunog ay tila musika na hindi natatapos. Ang bawat kulay ay mistulang bahaghari na sumisimbulo sa kasiyahan. Ang bawat amoy ay nagiging sagabal sa aking pagtitimpi.


Hindi ako makapagsalita. Ito lang ang nag-iisang problema. Tanging pagtangis lamang ang nagagawa ko. Pagtangis na kahit ako ay hindi ko gusto ang tinis at lakas. Gustong iwaksi ng aking bibig ang mga salita na nabubuo sa aking isipan. Gusto kong ipagsigawan kung gaano ako kasaya na isilang.


Ngunit ang akala kong mabait at mapagmahal na ina ay hindi ko pa nakikita. Lagi niya akong sinisigawan. Sa tuwing nagugutom ako at iiyak, hinahampas niya ako ng kanyang mabigat na kamay. Sa tuwing gusto kong ngumiti at kausapin, lagi niya akong tinatalikuran. Sa tuwing gusto kong masilayan ang kanyang magagandang mga mata, galit at poot ang nakapaloob dito.


Masakit ngayon ang aking braso. Dinala kasi ako ni ina sa ospital upang paturukan. Naamoy ko na naman ang pinakaunang lugar na aking nasilayan. Ang puting suot ng mga tao. Ang mga aparato. Ngunit may mali. Narinig ko ang sumisigaw na isang babae. Nagagalit ito dahil sa laki ng kanyang babayaran. Hinila na lamang ito nang sapilitan upang umalis.


Ito na ba ang simula? Nararanasan ko na ang hirap ng mundo. Ang mundong akala ko'y paraiso.


Tumatangis ako. Gusto kong mawala ang sakit ng aking braso. Pero hindi ito pinapansin ni Ina. Tinititigan niya lang ang larawan ng isang lalaki habang lumuluha. Sino ang lalaking 'yon?


Hindi ko na matiis. Mas lalo kong nilakasan ang aking iyak. Nagulat ako nang lapitan ako ni Ina habang lumuluha. May galit sa mga mata niya. Pinisil niya nang madiin ang aking braso. Mas lalo akong nasaktan. Bakit siya ganito? Wala akong ginagawang kasalanan. Kasalanan ko bang masakit ang turok na iyon? O kalasanan kong mabuhay at isilang?


Tumigil ka! Ikaw ang may gawa ng lahat ng ito. Salot ka sa buhay ko!


Ang mga salitang iyon. Tumagos sa aking pagkatao. Mas masakit pala ang mga 'yon kaysa sa sakit ng aking katawan. Iba ang sakit sa puso. Para kang pinapatay nang paulit-ulit.


Nagulat ako nang binuhat niya akong bigla. Ibinalot ako sa puting tela at inilagay sa isang kahon. Isinara niya ito. Hindi ako makahinga.


Nararamdamdaman kong binuhat niya ang kahon. Mabilis siyang naglalakad. Tumatakbo. Tila may tinataguan.


Inilapag niya ako. Binuksan ang kahon at nakita ko ang kanyang mukha. Lumuluha ang mga mata.


Isinara niyang muli ang kahon.


Bakit? Ano ang gagawin niya?


Napakadilim.


Unti-unti, narinig kong umalis siya. Ang papalayo niyang yabag. Ang kanyang papahinang pagtangis.


Habang ako, nasa loob ng isang kahon. Iniwan ng isang ina.


Hindi ako gumagalaw. Bakit kailangan niya 'tong gawin? Siguro nga isa akong malaking kasalanan. Nabuo ng isang pagkakasala at hindi pagmamahal. Isinilang sa mundo kung saan hindi ako tanggap. Isinilang na hindi na mararanasan ang saya. At isinilang na unti-unting pinapatay ng pagdurusa.



TotoyWhere stories live. Discover now