Misteryo

2.3K 99 16
                                    

"Jocelyn, si Miraquel ba 'yon?" tanong ko sa aking kapatid. Inialis niya ang kaniyang tingin sa kaniyang cellphone at tumingin sa aking itinuro.

Kumunot ang kaniyang noo. "Hindi. Ang laki kaya ng tiyan. Ano 'yon, buntis siya?" natatawa niyang tugon at naglakad na kasunod ng aming magulang.

Susunod na rin sana ako nang biglang nahimatay ang babae. Kitang-kita ko ang pagbagsak nito sa kalsada. Hindi nakakilos ang mga nasa paligid nito. Ang mga taong kumakain sa karinderya ay napatigil sa pagnguya, ang naglalarong mga bata ay napanganga at ang naglalakad na magkasintahan ay napasigaw. Dali-dali akong tumakbo. Lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Tama nga ang hinala ko. Si Miraquel ang buntis na babae. Putlang-putla ang mukha nito. Kahit mabigat ay pinilit ko siyang buhatin.

"'Toy, kilala mo ba 'yan? Ilang araw na 'yang pagala-gala rito. Nanghihingi nga ng pagkain. Binibigyan ko ng sabaw at bahaw pero naiinis na ang mga costumer ko dahil ang kulit niya kaya hindi ko na siya pinapayagang pupunta rito," saad ng may-ari no'ng karinderya.

"Opo. Kaibigan ko po siya."

Nakita kong lumapit sa akin sina Ina. Dali-daling tiningnan ni Jocelyn si Miraquel. "Si Miraquel nga! Bakit siya ganiyan? Ano'ng nangyari. Bakit siya nabuntis?" dali-daling sambit nito. Kitang-kita ang pagtataka, pagkatakot at pangamba sa kaniyang mukha.

"Diyos ko. Nasaan kaya sina Mirasol? Bakit pinabayaan nila ang kanilang anak?" sambit ni Ina.

Kinuha sa akin ni Ama si Miraquel. Siya naman ang nagbuhat dito. "Tara, dalhin natin siya sa bahay."

Habang naglalakad kami pauwi ay hindi ko maiwasang matulala. Alam kong lahat kami ay pare-parehas na mayroong katanungan. Bakit sa murang edad ay nabuntis si Miraquel? Sino ang ama ng batang dinadala niya? Nasaan ang kaniyang magulang?

Ngunit ang mga tanong na iyon ay tanging siya lamang ang makasasagot. Base sa kuwento no'ng babae kanina, ilang araw nang pagala-gala si Miraquel. Kung ganoon, maaaring naglayas ito sa kanila o kaya naman ay siya mismo ang pinalayas. Pero sa tingin ko, hindi naman sapat na dahilan ang pagkabuntis ng isang menor de edad na babae para itakwil ng kanilang mga magulang. Oo, nagkamali ito. Pero kaya nga sila naging magulang dahil para ituwid ang baluktot na ginawa ng kanilang anak. Kahit ano'ng mangyari, dugo at laman nila ang bumubuo rito. Parte ng kanilang pagkatao. At kahit kailanman, hindi dapat maputol ang pisi ng relasyon nila ng kahit na anong pagkakamali.

Ganoon din 'yong mga magulang na pinipilit ipagawa sa kanilang anak ang mga bagay na gusto nila. Tama nga na dapat nilang gabayan ang mga ito ngunit mali naman na gawin nila itong tila isang laruan na mayroong mga pisi na kanilang kinokontrol. May sarili itong isip at damdamin. Minsan, kailangan din ng mga ito na magdesisyon para sa kanilang sarili.

Nang nakarating na kami sa bahay, inihiga ni Ama si Miraquel sa kama na nasa kuwarto ni Jocelyn.

"Magluluto muna ako ng makakain ni Miraquel. Sigurado, gutom na gutom na 'yan kaya nawalan ng malay," mahinang sambit ni Ina. Magkasabay sila ni Ama na lumabas ng kuwarto.

Napatingin ako kay Jocelyn. Nakatulala ito habang nakatingin sa kaniyang kaibigan na matagal niyang hindi nakasama. Marahil ay naramdaman niya ang titig ko kaya biglang bumalik sa normal ang kaniyang kamalayan.

"Parang kailan lang, sabi sa akin ni Miraquel, kapag nagkita kami muli, magugulat ako dahil mas lalo siyang gumanda. Dapat daw, ganoon din ako," naiiyak na sabi nito. "Pero bakit ganito ang kalagayan niya ngayon? Kahit kailan, hindi pumasok sa isipan ko na magiging ganito ang kaniyang sitwasiyon. Na makikita na lang natin siya sa kalsada na walang malay. Buntis. Namumutla. Sana, pinilit ko na lang 'yong magulang niya na huwag na sila lumipat ng tirahan. Kung ginawa ko siguro 'yon, maayos pa rin ang kaniyang kalagayan."

TotoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon