Umasa

2K 100 11
                                    

Habang nagsasalita si Sir Durian sa unahan ay hindi ko maiwasan na matulala. Napakaraming tanong na iniwan sa akin ni Tito Julius. Mga tanong na kanina lamang ay tuldok, ngayon ay tila mga linya na bumubuo sa isang kakaibang obra na nagpapaikot sa aking isipan.

"Totoy, kanina ka pa tulala. May problema ba?" sabi ni Sir Durian. Nakakunot ang kaniyang noo samantalang nakatingin naman sa akin ang aking mga kaklase. Ayaw ko ng ganitong pakiramdam. Para kang kriminal na pinagbintangan ngunit wala kang magawa dahil sa bawat maling kilos mo, maaaring may bumaril sa'yo.

"W-Wala po," saad ko habang nakatungo.

Umiling na lang ang aming guro at nagpatuloy sa pagtuturo.

Hindi ko namalayan ang oras. Uwian na pala at ako na lang ang tanging nakaupo sa aming lahat. Tumingin ako sa paligid upang hanapin si Jocelyn ngunit hindi ko siya makita. Marahil ay nasa banyo na naman at nagpapaganda. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang mga babae. Bakit kailangan pa nilang magpaganda gayong maganda na naman sila? Mas gusto ko sa isang babae ang simple, walang kolorete, walang arte. Sinasalamin nito ang kalooban ng isang tao.

Bigla kong naalala si Romelyn. Hindi ko makakalimutan ang simple niyang kilos, ang simple niyang pananalita, ang simple niyang pagkatao. Ngunit kung aalahanin ko ang ginawa niya sa akin, doon ko napatunayan na hindi lahat ng ipinapakita sa labas, ganoon din sa loob ng puso at isipan. Akala ko, sa mga istorya o palabas ko lamang mababasa o makikita ang mga ganoong klaseng tao. Mayroon din pala sa totoong mundo. At ang mas masakit, ako pa ang nakasaksi sa kanila.

Narinig ko ang pagbukas ng pintuan. Kasama pala ni Jocelyn si Miraquel sa loob ng banyo. Dala ni Miraquel ang isang sisidlan. Marahil laman nito ang kanilang mga arte. Hawak niya rin ang kaniyang cellphone. Itinapat sa kanilang mukha, at bigla na lang ngumiti. Nakita ito ng aking mga kaklase kaya't dali-dali silang lumapit at nakisali sa mga pakulo ng dalawa. Umiling na lamang ako sa aking nakita at tumayo mula sa aking upuan. Kailangan ko munang malaman ang mga sagot sa aking mga katanungan bago ko asikasuhin ang mga pagbabago ngayon sa ugali ng mga kabataan.

Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Tito Julius. Kumaway sa akin. Kung hindi ako nagkakamali, pabebe wave?

Napatawa ako sa kaniyang ginawa at lumabas na ng aming silid-aralan.

"Kumusta naman ang pag-aaral mo, Totoy?"

"Ayos naman po," tugon ko. Hindi ko lang masabi na kanina pa ako tulala dahil sa ginawa niya kanina.

"Saan mo gusto kumain? Bakit nga pala hindi mo hinintay 'yong kinakapatid mo?" seryoso niyang tanong.

"Kayo na lang po ang bahala. Hindi na po kami laging nagsasabay. Mayroon na po siyang bagong pinagkakaabalahan ngayon."

Hindi na siya nagsalita pagkatapos. Sumunod lamang ako sa kaniya hanggang makarating kami sa kainan.

Tumingin ako sa paligid. Magaan lamang ang atmospera ng lugar. Normal na kainan ngunit masasabi kong sosyal ito kaysa sa karinderya. Masarap tingnan ang kulay asul na pader. Agaw-pansin din ang salamin na pintuan. Ang magarbong ilaw. Ang magandang sahig. Normal nga. Naririnig ko ang buga ng malaking aircon na nasa aking likuran at tunog ng mga kutsara at tinidor na dulot ng mga tao sa paligid. Hindi masyadong marami ang kumakain, napansin ko na ako lamang ang nag-iisang bata na naandito.

Niyaya niya akong umupo. Lumapit sa amin ang isang trabahador at hiningi ang aming order.

Habang naghihintay kami ay tumingin sa akin si Tito Julius.

"Napansin ko kanina na mahilig kang mag-obserba. Parehas pala tayo," pagbasag niya sa pader ng katahimikan. Isang walang patutunguhang pahayag.

TotoyWhere stories live. Discover now