Halik

4.1K 173 35
                                    

Habang naglalakad ako sa eskinita ay ginugunita ko kung paano ako nabuhay. Sa kabila ng hirap nito ay nagawa kong maging masaya. Sa kabila ng maduming kasuotan ay nagawa kong makihalubilo sa maraming tao. Sa kabila ng tuyo at kamatis na ulam ay dinaig ko pa ang kumain ng letson dahil kasama ko si Ama at Ina.


Ang eskinita ay binabalutan ng bughaw na gabi na natatalsikan lamang na kakarampot na liwanag ng buwan.


Tiningnan ko ang kalangitan. Puno ito ng bituin. Samantalang ang mga bubong ng mga bahay ay tila maduduming mukha ng marurungis na yero, iba-iba ang sukat, kalawangin. Ang iba'y may nakapatong na gulong ng trak o mabibigat na bato.


Pumasok ako sa aming bahay. Tagpi-tagpi ang dingding, may kalawanging bubong, mahuhunang kahoy. Isang makitid na parisukat. Nandoon na ang lahat. Ang mga gamit sa kusina. May banig sa isang sulok, katabi ng unan at kulambo.


Natagpuan ko ang aking magulang na kumakain. Ngunit may bago sa tagpong iyon. Kasama nilang kumain ang isang batang babae na kasing edad ko. Nakita ko ang bungi nitong ngipin dahil sa laki ng ngiti niya sa akin.


"Totoy, si Jocelyn nga pala. Mayroon ka nang makakalaro. Nakita namin siyang umiiyak sa kalsada dahil iniwan daw siya ng kaniyang tatay. Aampunin na namin siya ng ama mo."


Napatango na lang ako. Kailan ba naging bahay-ampunan 'tong bahay namin? Alam naman nilang nahihirapan na kami, magdadagdag pa sila ng palamunin. Umupo na lang ako upang kumain. Kukuhanin ko sana 'yong isang tuyo pero nakasabay ko rin si Jocelyn kaya nahawakan ko ang kamay niya. Bigla ko itong inalis. Ayokong mahahawakan niya ako. Hindi ko alam pero naiinis ako sa kaniya. Naiinis ako sa maganda niyang buhok. Sa mapupungay niyang mga mata. Sa mapula niyang labi. At lalo na sa bungi niyang ngipin!


Pagkakuha ko ng ulam at kanin ay tumayo na ako at lumayo sa kanila. Paano ako makakakain nang maayos kung nakikita ko ang mukha niya? Bakit pa kasi kailangan pa nilang ampunin 'yon? Paano kung magnanakaw pala siya? Sabagay, wala naman siyang makukuha sa amin. Pero paano kung may kasabwat siya at bigla na lang kaming patayin?


Bakit ba ganito ako mag-isip? Ang sakit sa ulo ng babaeng 'yon. Sino ba siya para ganituhin ako?


Pagkatapos namin kumain ay pinatulog na kami. Sa akin siya pinalapit ni Ina dahil parang magkapatid na raw kami. Hindi ko naman magawang tumanggi dahil baka paluin pa ako ni Ama.


"Ayos lang ba sa'yo na maging close tayo?"


Pati ba naman boses niya, nakakainis? Matinis at masakit sa tainga. Mas nakakainis pa kaysa sa talak ni Aling Chichi sa tuwing umuutang ako. Hindi ko sana siya sasagutin pero biglang sumabat si Ama.


"Totoy, kinakausap ka. Huwag kang bastos."


Mas lalong uminit ang ulo ko. Parang mas kampi pa siya sa Jocelyn na 'yon.


"Oo naman," wala kong ganang tugon.


Bigla akong nagsisi dahil nagsalita pa ako. Bigla niya akong hinalikan sa pisngi at nagpasalamat.


Hindi ako makakilos. Para akong ipinako. Bakit kailangan niya 'yong gawin?


Bigla akong nagtalukbong ng kumot. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman.


Ako si Totoy. Pitong taong gulang. At sa unang pagkakataon, naranasan kong mahalikan ng isang nakakainis, nakakairita at nakakainit sa ulo na babae.




TotoyOnde histórias criam vida. Descubra agora