Yakap

5.8K 189 13
                                    

Lumipas ang ilang buwan, nawala na ang lahat ng pagtangis, pasakit at pagpapahirap.


Mayroong kakaibang nangyayari. Nararamdaman kong tinatawag na ako ng tunay na mundo. Mayroong humihilot sa akin. Tila pinapalabas ako sa aking lugar.


Sumasakit ang aking ulo. Hinihila ito papalabas. Kasabay ng malakas na pagsigaw ng aking ina.


Unti-unti ko nang nalalasap ang sariwang hangin. Hanggang sa tuluyan ko nang naramdaman na nakalabas na ako. Mayroong nakapulupot sa aking leeg. Hindi ko na nararamdaman ang lamig sa aking mundo noon. Naririnig ko ang iba't ibang tunog. Mas malalakas.


Napakaraming bago. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata. Napakaraming kulay. Napakaganda.


Kahanga-hanga ang mundong ito.


Ngayon, wala na ako sa aking pinagmulan. Ang mga tunog, kulay, ilaw...sila ang aking buhay!


Biglang tumunog ang aking boses. Umiiyak ako? Nilakasan ko pa ang aking pagtangis. Napakasarap sa pakiramdaman na mabuhay.


Nangangamba ako sa mga maaaring mangyari. Maaaring ang mga ito ay hindi ko inaasahan, hindi ko gusto.


Mayroong bumuhat sa akin. Naramdaman ko ang balat ng aking ina. Nakabalabal sa akin ang isang puting tela.


Nagsalita siya. Pamilyar ngunit mas malinaw. Hinahawakan niya ako. Tumagos sa aking pagkatao ang kanyang pagmamahal.


Ang nais ko lang ngayon ay maging masaya ang aking buhay. Sa piling ng aking ina. Sa piling ng kanyang yakap.


Papayagan ko siyang ipadama sa akin ang kanyang pagmamahal sa pangalawang pagkakataon.


Binura ko sa aking isip ang kanyang maling ginawa. Dahan-dahan akong nagnilay-nilay. Bago ko muling lasapin ang ganda ng mundo. At bago ko harapin ang kinabukasan.

TotoyWhere stories live. Discover now