KABANATA 5

93.3K 2.6K 682
                                    

"Elaine, parang wala ka yata sa huwisyo ngayong araw."

Natigilan ako sa pagmo-mop ng sahig saka napatingin kay Ria. Tipid na ngumiti na lang ako saka napailing. "Palagi naman akong wala sa huwisyo."

"Kaya nga sinasabi ko sa 'yo diba? Mag-enjoy ka rin paminsan-minsan. Naiintindihan ko naman na mahal na mahal mo ang pamilya mo pero siyempre, kailangan mo rin intindihin ang sarili mo minsan," saad pa n'ya saka umupo sa couch. Wala kasi ang mayordoma, nasa may bukirin kaya malakas ang loob nila na magpa-upo upo muna. 

"Wala akong oras para intindihin ang sarili ko. Lalo ngayon na nasa ospital si Nanay, idagdag pa na tumigil pala si Leo sa pag-aaral... Hindi ko na rin talaga alam ang gagawin ko," bulong ko na lang saka napahawak sa sentido ko. 

"Kung may pera lang talaga ako, papahiramin talaga kita, Elaine. Kaso wala rin ako ngayon, e. Kakapadala ko lang sa amin ng pera."

"Sobra na ang naitulong mo sa 'kin, Ria. May mga utang pa nga ako sa 'yo na hindi ko nababayaran, e. Pero h'wag kang mag-alala, babayaran kita kapag nakaluwag-luwag na 'ko." Tipid na ngumiti ako. 

"Ano ka ba? Saka mo na isipin 'yon. Hindi naman ako naniningil, e."

Napangiti na lang ako sa sinabi ni Ria. Sa totoo lang ay malaki ang pasasalamat ko sa kanila ni Mabel. Silang dalawa lang ang kaibigan ko pero sobrang totoo nila sa akin at talagang hindi sila nagdadalawang-isip na tumulong sa akin sa tuwing malaki ang pangangailangan ko kahit pa walang kasiguraduhan na maibabalik ko ang tulong na ibinibigay nila sa akin.

"Hoy! Ano ang tinutunganga n'yo riyan? Maghain na kayo sa hapag at kakain na ng tanghalian sina senyor!" 

Napapitlag kaming lahat nang marinig ang boses ng mayordoma. Agad namang napatayo si Ria saka napakamot sa batok n'ya. Agad kaming nagtungo sa kusina upang maghain sa hapag. Sa kusina pa lang ay panay na ang bulungan ng mga katulong... Kung sasabay ba si Senyorito Zamir sa pagkain, kung mag-aaway na naman ba sila ng Senyora Eleanor, o kung magkakagulo na naman ba sa hapag. Nanatili na lang akong tahimik habang si Ria naman ay nakikisali rin sa usapan. 

Tahimik na naghain na lang kami nang dumating na sina Senyora Eleanor kasama ang Senyor pati na rin ang mga anak nila, ngunit wala si Senyorito Zamir. Inaasahan ko na rin na hindi nila ito iimbitahan sumabay sa kanila kumain dahil ayaw na rin nila na nagkakagulo sa hapag. 

"Where's Kuya Zamir? Hindi ba siya sasabay sa atin kumain?" tanong ni Senyorito Apollo saka tumingin sa paligid. 

Sa kanilang magkakapatid, si Senyorito Apollo lang yata ang nakitaan ko ng pakialam kay Senyorito Zamir. Hindi rin naman sila gaanong malapit dahil hindi ko naman sila nakikita na nag-uusap pero ito ang palaging naghahanap kay Senyorito Zamir kahit noon pa. 

"Mas maganda kung hindi sasabay si Kuya Zamir, baka mag-away na naman sila ni Mama," napapailing na sabi ni Senyorita Adrianna saka tumuloy sa pagkain. 

"H'wag n'yo  na hanapin ang demonyong 'yon. Let's just eat," saad na lang ni Senyor Eleanor saka napaismid. 

Hindi ko alam kung bakit sumasama ang loob ko sa tuwing sinasabihan ng senyora ng ganoon ang anak n'ya. Minsan ay naiisip ko na baka malaki ang naging pagbabago ni Senyorito Zamir dahil sa pakikitungo sa kan'ya ng ina n'ya. Kahit pa hindi na siya ang Senyorito Zamir na nakilala ko noon ay hindi ko maiwasang malungkot para sa kan'ya. 

"Bakit kaya galit na galit si senyora kay Senyorito Zamir, 'no? Kung makapagsalita parang hindi n'ya anak si senyorito," bulong sa akin ni Ria. 

Hindi na lang ako nagkomento pa at tipid na ngumiti na lang... Minsan ay naiisip ko rin iyon, pero sa tingin ko ay hindi naman. Kamukhang kamukha ni Senyora Eleanor at Senyor Alessio si Senyorito Zamir. Imposibleng hindi nila ito anak... kaya talagang napapaisip ako kung bakit ganoon na lang tratuhin ng senyora ang anak na parang hindi n'ya ito kadugo.

Flawed Series 1: Lost in His FireWhere stories live. Discover now