KABANATA 23 • Ang Prinsipe

73 10 13
                                    

•••★•••
Kabanata 23
Ang Prinsipe

 

"F-F-Fidel?"

Ito ang tanging salita na lumabas mula sa aking bibig sa loob ng isang minuto.

Para bang ang init mula sa ilalalim ng lupa ay dumaloy mula sa aking mga binti paakyat sa aking ulo.

Nagsimulang magkaskasan ang aking mga ngipin, at magsitikom ang aking mga kamay. Unti-unting namuo ang mainit na likido sa aking mga mata, at ang sanhi ay pawang pagkamuhi, galit at pagkasuklam sa Taurean na aking kaharap.

"Siya ang matagal nang nagtataksil hindi lang sa kuta ng mga Taurean, kundi sa buong Earth Sector," pahayag ni Ayahara.

Ngunit, nakapagtataka. Patay na siya hindi ba? Pinagluksan na ng mga Taurean ang kanyang bangkay. Ang kanyang kamatayan ang naging mitsa ng mga paratang laban sa akin.

Papaanong nandito siya sa aking harapan at buhay na buhay?

"Isa lang ang lumalabas. Walang katotohanan ang kanyang kamatayan. Palabas lamang ang lahat," madiing sambit ng lalaking Capricornian.

Hindi ko na napigilan pang ibuga ang bugso ng damdamin ko. "Walang-hiya ka! Matagal akong nagdusa dahil ako ang pinagbibintangan nila sa kahayupang ginawa mo. Hayop ka!"

Mula sa aking kinatatayuan, mabilis kong nilapitan ang puwesto niya. Mistulang kidlat na bumulusok ang aking kanang paa sa kanyang sikmura, dahilan upang mapahandusay siya sa kanyang kinatatayuan.

Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pag-inda niya ng sakit. Sa posisyon ko, dapat lang 'yon sa kanya.

"Tama na, Evan," pagpigil sa akin ni Papa habang hinahatak ako palayo kay Fidel.

Sa puntong nagsalita si Papa, 'yon lang yata ang pagkakataon na namukhaan siya ng taksil na Taurean.

Mababatid sa kanyang mukha ang pagkagulat. Mukhang hindi niya inasahang sa pagkakataong ito'y muli niyang makahaharap ang dating hari ng Eastwood. "Ha-Haring Ellmir?" utal na salita ng taksil. "N-Nagbalik na kayo?"

"Oo, ako nga ito Fidel," tugon ni Papa, "at sa aking pagbalik, isang nakalulungkot na bagay ang natuklasan ko mula sa'yo. Hindi ko inaasahang magagawa mo ito sa buong Earth Sector, lalong-lalo na sa mga kauri mong Taurean. Sobrang nalulungkot ako para sa'yo. Para mo na rin akong pinagtaksilan."

Pakiramdam ko, malapit nang tumulo ang luha ni Papa habang sinasabi niya ang mga salitang 'yon.

"P-Panwe Embre, Haring Ellmir. Nadala lamang ako ng bugso ng damdamin ko. Panwe Embre! Inakala kong hindi na kayo makakabalik. Akala ko, hindi na matutupad ang pinangako niyo sa amin na muli n'yong ibabalik ang kapayapaan sa Eastwood. Natakot ako para sa kaligtasan ko, kaya, naisipan kong sumanib sa inyong kapatid na si Haring Vyen," paliwanag ni Fidel at parang ilog na ang luhang umaagos mula sa kanyang mga mata. Subalit, walang ano mang awa ang sumagi sa dibdib ko para sa kanya.

*(ang Panwe Embre ay salitang Elfaria na ang ibig sabihin ay 'paumanhin/patawad')*

"Natakot ka sa kaligtasan mo? Eh paano naman ang kaligtasan ng mga Taurean at ng buong Earth Sector? Hindi mo ba naisip 'yon?! Ha?! Ipinahamak mo sila!" hinanakit ko.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon