KABANATA 8 • Capricornian

73 22 11
                                    

•••★•••
Kabanata 8
Capricornian

 

ANG sinag ng araw ay hindi ko na magawang silayan, tuluyan nang dumilim ang kapaligiran. Ito ang aking unang gabi sa Eastwood.

Wala akong ibang magawa kundi ang pagmasdan ang liwanag ng apoy na nanggagaling sa dupungan. Wala akong ibang makausap dahil ako lamang ang naiwan sa tirahan ni Kahlo. Siya ay umalis dahil bilang parte ng sinasabi niyang ikalawang pangkat ay kailangan niyang magtrabaho sa oras ng gabi at muling magpapahinga kinabukasan.

Bago siya tuluyang lumisan, ipinagluto niya ako ng isang putahe na hindi pamilyar sa aking paningin. Iba't ibang dahon at halamang damo na ipinagsama-sama sa kalderong-paso at pinakuluan. Hindi ko pa natitikman, ngunit, nasisiguro kong hindi ko ito magugustuhan.

Muli kong dinungaw ang bintana. Napagtanto kong wala nang nilalang sa labas at sigurado akong nagsipasukan na sila sa kani-kanilang tirahan.

Sa sobrang pagkabagot, namalayan ko na lamang ang aking sarili na nakahilata sa upuan.

Unti-unti nang lumalabo at nandidilim ang aking paningin, senyales na dinadapuan na ako ng antok.

Ngunit bago pa man ako tuluyang saniban ng pagtulog, ako'y nagulantang dahil sa malakas na boses na umugong sa pandinig ko.

"Sino ka?! Anong ginagawa mo rito?! Magnanakaw ka 'no?!"

Napabalikwas ako mula sa aking kinahihigaan at dali-daling nilingon ang nilalang na humiyaw. Isang Taurean.

Sa unang tingin, inakala kong siya'y si Kahlo, ngunit, mas bata ang hitsura at hindi gaanong malaki ang katawan niya. Nasa kulang-kulang anim na talamapakan ang taas niya at mukhang kasing-tangkad ko lamang siya.

Hawak niya ang isang mahabang bolo at ito'y nakatutok sa akin.

"H-Hindi!" bulalas ko. "Wala akong balak na masama."

Humakbang siya papalapit sa akin. Malapit na malapit, at ang hawak niyang bolo ay halos lumapat na sa aking leeg.

Namalayan ko na lamang na nagtatagaktakan na ang aking pawis.

"Ngunit, bakit naririto ka sa aming tirahan?!" Mataas na tono niyang pagtatanong. Hindi gaanong nakasisindak ang kanyang tinig, kumpara kay Kahlo na sobrang buo at may kalaliman.

Habang siya'y nagsasalita, langhap na langhap ko ang amoy ng damo sa kanyang bibig.

"Dito ka nakatira?!" gulat ko.

"Oo, at kapag nalaman ito ng aking ama, malamang ay malalagot ka!" tugon niyang may halong pagbabanta.


Napahinga ako nang malalim. "Kung dito ka nakatira, ibig sabihin, kilala mo si Kahlo?"

"Malamang kilalala ko siya. Siya ang aking ama. At bakit mo naman kilala si Ama?"

"Ama mo si Kahlo?! Kaibigan ko siya!" bahagyang napalitan ng pag-asa ang aking kaba.

"Kaibigan?" kanyang pagtataka.

"Mahabang kuwento. Pero, nagsasabi ako ng totoo. Siya ang nagdala sa akin dito. Iniwan niya ako dito kasi sabi niya, kailangan niya raw magtrabaho," pangungumbinsi ko.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon