KABANATA 36 • Ang Sumpa

8 0 0
                                    

•••★•••
Kabanata 36
Ang Sumpa

 

Ilang segundo akong natigilan sa aking narinig. Hindi ko magawang ibuka ang aking bibig at tanging ang pagbaha ng aking luha ang magsasabi ng pait na aking nadarama.

"Hindi," buntong-hininga ko. "Sabihin ninyong hindi ito totoo."

Totoo. Totoo ang lahat dahil nararamdaman ko ang sakit. Para bang paulit-ulit akong sinusuntok. Para akong binubugbog. Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili sa paghiyaw ng pangalan niya.

Ngayon pa lang ay nagsisisi na ako na sana'y noon ko pa napagtantong mahal ko siya. Sana'y naalagaan ko siya. Sana hindi ito nangyari sa kanya.

Subalit habang pinagmamasdan ko siya, may isang ideyang pumasok sa isip ko. Para bang may mali. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin tukoy ang kanyang karamdaman, kung ano ang dahilan sa kanyang pagpanaw. Hindi ko pa rin magawang intindihin ang nais niyang ipahiwatig nang sabihin niyang walang ano mang makagagamot sa kanyang sakit. Hindi ko pa rin alam kung bakit pinigilan ako noon ni Archibald na lumapit kay Ava. Ako ba ang dahilan? Ako nga ba?

Nang sulyapan ko ang pintuan, nasilayan ko ang umiiyak na si Archibald. Pansin kong pilit niyang iniiwas ang kanyang paningin sa akin. "Archibald!" hiyaw ko sabay tayo at sabay lapit sa kanya. Hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang damit at saka ko sinimulan ang aking pagmamakaawa. "Saktan mo 'ko! Ibuhos mo sa akin ang lahat ng galit mo! Kung sa tingin mo'y ako ang dahilan sa pagkamatay niya, saktan mo 'ko! Kung gusto mo, patayin mo na rin ako!"

Lahat ay nagulat sa aking naging asta, dahil walang sino mang nilalang ang hihilingin sarili niyang kamatayan. Ngunit kung ito ang paraan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ava, handa akong ibigay ang buhay ko nang buong-buo.

Ngunit taliwas sa aking inaasahan ang naging tugon ni Archibald. "Panahon na siguro upang malaman ng lahat ang katotohanan," saad niya habang nagpupunas ng luha.

"Anong katotohanan?" tanong ko at saka ko siya binitiwan.

"Archibald!" hiyaw ng isang babaeng Virgoan na tila pinahihinto siya sa kung ano man ang kanyang isisiwalat.

Ngunit nanindigan ang kababata ni Ava sa kanyang salita. "Hindi na ninyo ako mapipigilan pa! Panahon na upang malaman ng lahat ang totoo," aniya na lalong nagpakati sa kuryosidad ko.

Humakbang paabante si Archibald at sinimulan niyang ilatag ang isang istoryang hindi ako sigurado kung tungkol saan. "Ilang siglo na ang nakalilipas nang mabalutan ng sumpa ang lahi ng mga Virgoan." May kinalaman ba ito sa kinahinatnan ni Ava?

"Sumpa?" tanong ko.

"Sumpang tanging mga Virgoan, Capricornian at Maharlika lamang ang nakaaalam." Nagpatuloy siya, "Nagsimula ang lahat nang suwayin ng isa sa aming mga ninuno ang mahalagang tagubilin sa aming kuta. Noon, malaya pang magmahal ang mga Virgoan ng kahit sino man. Subalit, ang kalayaang ito ay inabuso ng isang taong-ibon na nagngangalang Prescella. Nagmahal siya ng isang kapwa niya Virgoan na mayroon ng kabiyak at ito ay isang makapangyarihang Diyosa. At ang mas nakabibigla, ang maling pag-iibigan nila ay nagbunga ng isang supling. Nang malaman ito ng Diyosa na siyang tunay na asawa ng lalaking Virgoan, labis siyang nagalit at nasuklam sa dalawa. Isinumpa niya ang aming lahi at doon na nagsimula ang madilim na yugto ng buhay naming mga Virgoan."

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon