KABANATA 13 • Ang Birhen at Ang Taksil

74 17 30
                                    

•••★•••
Kabanata 13
Ang Birhen at Ang Taksil

 

"IYON ay kung hindi talaga isang tao si Evan."

Gusto kong sumigaw, ngunit hindi ako sigurado kung may handang makinig sa akin. Gulong-gulo na ang isip ko simula pa lamang sa loob ng kagubatan.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na pinagmamasdan ang matatalas na tingin nina Kahlo, Rasvan at Devora sa akin.

"Evan, mayroon ka bang hindi sinasabi sa amin?" paghihinalang tanong ni Kahlo.

"W-Wala. Wala akong tinatago."

Simula nang sabihin kong naiintindihan ko ang mga Capricornian, wala na akong iba pang inililihim sa kanila.

"Totoo bang isa kang tao o nagkukunwari ka lamang?"


"Isa ka bang espiya?"


"Nagpapanggap ka lamang ba?"


"Ipinadala ka ba ni Haring Vyen upang matiyagan ang Earth at Air Sector?!"


Ang kanilang mga tanong ay para bang mga palaso na sunod-sunod ang pagbulusok patungo sa utak kong nagsisilbing tudlaan. Lalo pa akong nagulahan. Tila gusto ko nang sumabog dahil hindi ko magawang i-proseso nang maayos ang utak ko.

"Hindi!" Hindi ko nagawang pigilan ang aking sarili sa paghiyaw. Huminga ako nang malalim at agad na pinakalma ang aking sarili. "Hindi ko alam ang sinasabi n'yo. Hindi ako isang espiya! Totoong galing ako sa NorthEast. Isa akong tao."

Humakbang si Kahlo papalapit sa aking kinauupuan habang sinisiyasat ang aking buong katawan gamit ang kanyang mga mata. "Evan, ngayon pa lang ay sabihin mo na ang totoo, bago mapahamak ang buhay mo."

"Nagsasabi ako ng totoo. Wala akong tinatago." Nakatingin lamang ako nang diretso sa mga mata niya at pilit sinasabi ng aking paningin ang paniwalaan mo ako. Kung maari ko lamang sana silang isama sa Northeast upang patunayan ang aking sinasabi ay hindi ko na kailangan pang kumbinsihin sila sa ganitong kahirap na paraan. Ngunit, malabo na itong mangyari dahil nagsara na ang lagusan.

"Sige. Sa ngayon, paniniwalaan kita. Ngunit, kailangan ko pa ring imbestigahan ang mga nangyari sa kagubatan." Ako'y kanyang tinalikuran at dumungaw sa bintana.

"Anong balak mong gawin?" tanong ng kanyang asawa.

"Magtutungo ako sa kuta ng mga Capricornian," sagot niya. "Mayroon akong ilang katanungan para sa kanila."

"Ngunit, ang kanilang kuta ay nasa ilalim ng lawa," ani Devora.

"May alam akong isa pang lugar na pinupuntahan ng mga Capricornian. Sa kuweba ng Pontaue, doon sila madalas na nagtitipon-tipon."

Hindi ko batid kung anong mga kasagutan ang nais niyang malaman mula sa mga Capricornian. Isa lang ang sigurado ako, lahat ito ay tungkol sa akin.

Ganito pala ang pakiramdam kapag hindi ka pinaniniwalaan. Nakaiinis, pakiramdam ko tuloy ay isa akong hindi katiwa-tiwalang nilalang.

Eastwood: The World Of ZodiacTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon